Dinalaw ang Lalaki ng Kaniyang Mag-Ina sa Ospital; May Mabubunyag Palang Lihim Tungkol sa Nakaraan Nila
Inis na hinawakan ni Aldrin ang ulo dahil sa matinding sakit dahil sa sobrang stress siya sa araw na iyon. Isa siyang doktor at wala pa siyang pahinga. Nagtatrabaho siya sa isang ospital sa liblib na probinsya. Dalawa lamang silang doktor doon na nagpapalitan. Siya ang pang-umaga at ang kasama niyang doktor ay pang-gabi, pero napapansin niya na dumadalas na hindi pumapasok ang kapalitan niyakaya beinte kwatro oras tuloy ang shift niya sa ospital.
Isa sa dahilan kung bakit natatagalan niya ang posisyon ay dahil mahal na mahal niya ang kaniyang trabaho bilang isang manggagamot. Hindi rin biro ang ospital na pinagtatrabahuhan niya dahil isa iyong pagamutan para sa mga pasyenteng may problema sa pag-iisip, isang mental institution. Hindi nga niya alam kung bakit sa dami ng pasyente roon ay dalawa lang silang doktor. Hindi niya maiwasang mai-stress sa sobrang dami ng gawain pero may sinumpaan siyang tungkulin na dapat gampanan kaya walang sukuan.
Isang araw, may bagong doktor na dumating sa kanila. Ito raw ang ipinadala para tulungan sila kaya laking tuwa ni Aldrin dahil may makakasama na siya, mukhang wala na kasing balak na pumasok ang kapalitan niyang doktor.
“Hi, ako si Doc Francis, ikaw si Aldrin ‘di ba?” pakilala nito.
“Nice meeting you, Doc. Buti naman at may makakasama na ako rito. Ang dami kasing trababo rito eh, hindi na pumapasok ‘yung kasama kong doktor, ‘di ko alam kung ano na nangyari sa kaniya, eh. Kulang kasi talaga sa tao ang ospital na ito, kahit mga nars ay kulang din. Tingnan mo’ yung ibang pasyente rito ay palakad-lakad na lang at walang nag-aasikaso. Sa dami ng gawain dito ay hindi na ako nakakauwi sa pamilya ko, hindi ko na sila nakikita,” sabi niya.
Napatangu-tango ang kausap niya. “Miss mo na ba ang pamilya mo? Nasaan ba sila?” tanong nito.
Bago siya sumagot ay tinitigan niya muna ito. “Aba, eh ke bago-bago mo rito ang usisero mo ano, doc? Pero gusto kita, mukha ka kasing mabait ‘di tulad kapalitan kong doktor dito. Masyadong seryoso ‘yon at kung minsan ay masungit. ‘Di niya kayang paglabanan ang stress dito sa ospital kaya nga siguro ayaw na pumasok,” pabiro niyang sabi.
Ngumiti ang lalaki. “Pasensya ka na ha? Ganito talaga ako matanong, alam mo naman bago lang kasi ako dito kaya nga nagtanong ako sa iyo kasi ikaw matagal ka na raw dito. So, ano na nga ‘yung pinag-uusapan natin…a, ‘yung tungkol sa pamilya mo, sabi mo kasi hindi mo na sila nakikita sa sobrang busy mo rito.”
“Oo, eh. Miss ko na nga sila. Nasa kabilang bayan ang aking mag-ina, doon kami nakatira. Dalawang sakay lang iyon mula rito sa ospital, dati ay araw-araw akong nakakauwi pero mula nang hindi na pumapasok ‘yung kasama kong doktor ay wala na akong uwian. Dito na nga ako natutulog,” natatawang sagot niya.
Mayamaya ay biglang nagwala ang isang pasyente kaya natigil ang usapan nila. Akmang tatayo siya sa kinauupuan pero pinigilan siya ng bagong doktor.
“Ako na ang mag-aasikaso sa kaniya, tutulungan ko ang nars na pakalmahin ‘yung pasyente. Magpahinga ka na muna, alam kong pagod ka sa shift mo,” sabi nito.
Muling napaupo si Aldrin. Mabuti na lang at may bago siyang kasama para makapag-relax naman siya.
Habang nagpapahinga ay hindi niya naiwasang maisip ang kaniyang mag-ina. Ang asawa niyang si Irene at ang limang taong gulang nilang anak na si Ishmael.
Hindi niya namalayan na sa sobrang pagod niya ay nakatulog siya. Makalipas ang ilang oras, bigla siyang naalipungatan dahil naramdaman niyang may humaplos sa balikat niya. Kinusut-kusot niya pa ang mga mata, nang maaninagan kung sino ang nakatayo sa kaniyang harapan ay napatayo siya sa kinauupuan.
“I-Irene!” A-Anong ginagawa ninyo rito ng anak natin?” gulat na wika niya, nakatingin lang ang misis niya at ang anak na lalaki sa kaniya.
“Dinalaw ka namin dito mahal ko, hindi ka na kasi nakakauwi, eh,” sabi ng babae.
“Pasensya na kayo. Alam mo namang kailangan kong magtrabaho para sa inyo ng ating anak, p-pero teka, tinawagan mo na lang sana ako sa telepono. Hindi mo na sana isinama rito ang bata. Maraming pasyente rito, baka saktan kayo. Halika nga doon tayo sa labas,” aniya.
Bigla siyang hinawakan ng misis niya sa kaniyang braso. Napansin niyang seryoso ang mukha nito.
“Aldrin, narito kami ng anak mo para sabihin sa iyo na pinapatawad ka na namin.”
Natigilan siya sa sinabi ng babae.
“Pinapatawad? Ano ba ang nagawa ko sa inyo, mahal? Iyon bang ilang araw kong hindi pag-uwi? Sorry talaga ha? Marami kasing trabaho rito sa ospital eh, at saka alam mo naman na noon pa’y gusto ko nang maging doktor ‘di ba, para sa inyo rin ito. Kaya ngayong natupad na ang pangarap ko’y ibinibigay ko ang best ko sa trabaho,” sagot niya.
Napansin niya na nangingilid ang luha sa mga mata ni Irene, maging ang anak nilang si Ishmael ay lumuluha na rin.
“Bakit ba kayo umiiyak? Huwag na kayong umiyak, uuwi na ako. May bagong doktor na rito kaya uuwi na ako,” sabi niya. Mayamaya ay biglang sumakit ang ulo niya, nasabunutan niya na ang kaniyang sarili, napansin niya na hindi pa rin tumitigil sa pag-iyak ang kaniyang mag-ina.
Dahil ayaw tumigil sa pag-iyak ang dalawa ay napasigaw na siya ng malakas. “Ano bang iniiyak ninyo? Tumigil na kayong dalawa, sinabi kong uuwi na ako ‘di ba?”
Bukod sa bulyaw at sigaw ay pinagsasampal din niya ang kaniyang sarili. Natigil lang siya nang hawakan siya ng ilang nars na lalaki. Itinali ng mga ito ang mga kamay niya at paa. Binulungan niya pa ang isa, “Nars, sabihin mo nga sa asawa ko’t anak na lumabas na at intayin na lang ako sa labas, sabihin mo ay uuwi na kami, p-pero teka…bakit ninyo ako itinali, eh aalis na ako? Pakawalan ninyo ako! Uuwi na kami ng mag-ina ko, para tumigil na sila sa kakaiyak!” sigaw niya.
Naramdaman ni Aldrin na may itinurok ang lalaking nars sa kaniyang braso na unti-unting nagpamanhid ng buo niyang katawan. Bagamat hindi siya nakakatulog, nanghihina lang siya pero ramdam at rinig niya pa rin ang kaganapan sa paligid. Narinig niyang nagsalita ang bagong doktor na kausap niya kanina, naroon din ito kasama ng mga nars.
“Hindi ko akalain na ganyan pala siya kalala kung sumpungin. Maayos naman siya kanina nung iniinterbyu ko. Tama kayo, nasa isip niya nga na isa siyang doktor,” anito.
“Opo, doc at palagi ring nasa isip niya ang mag-ina niya. Marahil ay dala na rin ng konsensya dahil sa aksidenteng nangyari noon na siya ang may kagagawan,” sagot ng isang nars.
Doon natauhan si Aldrin, naalala niya na ang lahat.
Hindi siya isang doktor. Nag-aaral pa lang siya ng medisina pero nakapag-asawa siya ng maaga at nagkaanak. Naka-ilang subok na siya sa board exam pero hindi siya pumapasa para makakuha ng lisensya.
Ikalimang subok niya na noon, nag-aaral talaga siyang mabuti. Ibinigay niya ang lahat pero bumagsak pa rin siya. Pag-uwi niya sa bahay ay lulugu-lugo siya, dinamdam niyang mabuti ang kabiguang maging ganap na doktor. Para makalimot ay nalulong siya sa bisyo, pag-inom ng alak. Naging lasenggo siya hanggang sa naapektuhan ang kaniyang utak.
Isang gabi, galing sila sa pamamasyal ng kaniyang mag-ina at nagmamaneho ng sasakyan. Lango siya noon sa alak, dahil dinaramdam niya pa rin ang pagbagsak sa exam ay binilisan niya ang pagpapatakbo sa kotse. Wala siyang pakialam kung mabangga sila. Takot na takot noon ang misis niya at ang anak nila hanggang sa nakasalubong nila ang isang rumaragasang trak, huli na nang iiwas ni Aldrin ang sasakyan at bumangga ito sa poste. Sa tindi ng pagbangga ay binawian ng buhay ang kaniyang mag-ina. Hindi na umabot ang mga ito sa ospital. Nakaligtas siya sa aksidente pero lalong lumala ang kondisyon niya, nagsasalita siya ng walang kausap, tumatawa at umiiyak na mag-isa kaya napagdesisyunan ng kaniyang mga kaanak na ipasuri siya sa doktor at napatunayan nga na may diperensya siya sa pag-iisip kaya ipinasok siya ng mga ito sa mental institution na iyon sa probinsya. Ang asawa niya at anak na nakita niya kaniha ay ang kaniyang konsensya.
“Patawarin ninyo ako, Irene, asawa ko…Ishmael, anak ko…” bulong niya sa sarili habang tuluy-tuloy ang pagdaloy ng luha sa mga mata niya.
Lingid kay Aldrin ay nakatanaw sa kaniya ang kaluluwa ng mag-ina niya. Malungkot pa rin ang mga ito pero hindi na umiiyak.
“Napatawad ka na namin, mahal ko. Patawarin mo na rin ang iyong sarili,” bulong ng misis niya, saka biglang naglaho ang mga ito. Tuluyan nang nanahimik ang kaluluwa ng kaniyang mag-ina.
Natupad nga ang pangarap ni Aldrin na mapunta sa ospital pero hindi isang doktor kundi bilang pasyenteng may problema sa pag-iisip. Mula noon ay hindi na nagpakita pa sa kaniya ang mag-ina niya. Napatawad na rin niya ang sarili sa nangyari noon. Ngayon ay sinisikap niyang magpagaling para sa pinakamamahal niyang mag-ina na balang-araw ay makakasama rin niya kapag siya’y pumanaw na.