Inday TrendingInday Trending
Halos Kamkamin ng Madrasta ang Lahat ng Naiwang Kayamanan ng Kaniyang Ama; Isang Daga ang Magiging Solusyon sa Kaniyang Problema

Halos Kamkamin ng Madrasta ang Lahat ng Naiwang Kayamanan ng Kaniyang Ama; Isang Daga ang Magiging Solusyon sa Kaniyang Problema

Pilit na itinatago ni Earl ang kaniyang lungkot habang nakikinig sa kung paano hinahati ng abogado ang ari-arian ng kaniyang ama. Simula kasi ng yumao ang kaniyang tatay ay halos lahat kasi ay naipangalan na sa bagong asawa nitong si Norma.

“Sigurado ka bang iyan lang ang naiwan ni Hugo? Nasaan na ‘yung sinasabi nilang kayamanan niya? Mayaman daw talaga ang asawa ko! Kaya ko nga siya pinakasalan, e! Ito lang ba talaga?” bulyaw ng ginang.

“Malaki rin naman itong nakadeklara niyang kayamanan. Hindi ka pa ba magpapasalamat dito? Mabubuhay pa rin kayo ng mga anak mo ng disente kahit hindi ka magtrabaho ng ilang taon,” saad naman ng abogado.

“Pero kulang pa ang mga ito! Akala ko pa naman ay hihiga na ako sa salapi!” dismayado si Norma.

“Siya nga pala, tutal, ako naman ang legal na asawa ni Hugo, hindi ba’t may karapatan akong magdesisyon para sa yaman niya? Hindi ako papayag na may maiiwan dito kay Earl. Lahat ay kukunin ko!” dagdag pa ng ginang.

“Hindi po maaari, ginang. May susundin tayong patakaran,” giit muli ng ginoo.

“Sandali lang, Tiya Norma, bakit n’yo po ako aalisan ng karapatan gayong ako nga lang dapat ang may karapatan sa pag-aari ng aking ama! Hindi naman niya anak ang mga anak mo!” depensa ni Earl.

“Pero pinakasalan niya ako at ipinagamit niya ang apelyido niya sa mga anak ko. Kung hindi ka susunod sa akin ay hindi mo na makikita pa ang puntod ng tatay mo! P’wede kong gawin ‘yan, Earl!” saad ni Norma.

“Hindi mo p’wedeng gawin ‘yan sa akin. Nakaharap ang abogado, hindi ka ba natatakot sa mga pagbabanta mo?” dagdag pa ng binata.

“P’wedeng bayaran ang lahat, Earl. Kaya kung ako sa iyo’y pumayag ka na. Ititira ko naman sa iyo ang luma n’yong bahay, tutal, wala rin naman ‘yung halaga. Susunod ka ba o hindi?” pananakot pa ng ginang.

Sa totoo lang ay ang lumang bahay lang naman ang kailangan ni Earl pati ang lumang sasakyan ng kaniyang ama. Marami kasi itong alaala ng kaniyang mga magulang. Sa bahay na ring iyon sila nanirahan bilang isang masayang mag-anak hanggang sa lumisan ang kaniyang ina.

“Wala kang kasing sama. Sana ay makatulog ka sa mga ginagawa mong ito,” wika ni Earl.

“Makakatulog ako ng mahimbing dahil alam kong marami akong salapi!” natatawa pang sambit ni Norma.

Ibinigay ni Earl sa kaniyang madrasta ang ilang ari-arian maliban sa kaniyang kailangan kapalit ng permisong maaari siyang dumalaw sa puntod ng ama.

Wala naman talagang pakialam si Earl sa yaman na kaniyang makukuha. Nakapagtapos naman siya ng pag-aaral at kayang-kaya niyang humanap ng trabaho. Sanay rin naman siya sa simpleng pamumuhay. At isa pa, matagal na siyang inalipin ng mag-iina kaya pasalamat siya at nakalaya na rin siya.

Pagpasok pa lang ng binata sa lumang bahay ay bumalik ang masasayang tagpo noong siya ay bata pa. Tila buhay pa rin ang kaniyang mga magulang. Ngunit sa tindi ng pagkaluma ng bahay na iyon, marami ang kailangan niyang kumpunihin. Hindi na rin siya nagulat nang makakita ng mga daga.

“Pinamahayan na ito ng daga dahil ang tagal hindi natirhan. Pero alam kong kaya ko ang lahat ng ito. Kailangan ko munang mag-ipon para mapaayos itong bahay at magbalik muli sa dati niyang ganda pero ngayon ay maglilinis na muna ako,” wika pa ng binata sa kaniyang sarili.

Kahit paano naman ay p’wede nang tirahan ang lumang bahay. Pero kailangan pa rin itong ipaayos. Kahit na matindi na ang paglilinis na ginawa ni Earl ay ayaw pa ring umalis ng isang daga doon.

“Kapag nahuli talaga kita’y humanda ka sa akin,” saad ng binata.

Habang natutulog si Earl ay panay ang daan ng daga. Hindi niya maiwasan ang mandiri dahil kahit kumakain siya’y nakikita niya itong padaan-daan. Kaya umisip na siya ng paraan bago pa dumami ulit ang mga pesteng ito.

Bumili siya ng iba’t ibang klaseng panghuli. Habang ikinakabit niya ang mga ito sa iba’t ibang parte ng bahay ay bigla na lang dumating ang kaniyang madrasta ng walang pasabi.

“Ano ang ginagawa mo riyan, Earl? Nasisiraan ka na ba ng ulo?” natatawang sambit ni Norma.

“Kayo po ang ano ang ginagawa rito? Bakit po ba kayo narito? Huwag n’yo nang balaking kunin ang bahay na ito sa akin dahil hindi na ako makakapayag pa,” saad ng binata.

“Walang may gusto ng bahay na ito dahil sobrang luma na at ang dumi-dumi! Bagay na bagay kang tumira rito! Narito ako para tingnan lang kung gaano ka na naghihirap. Gusto kong siguraduhin na hindi umaangat ang buhay mo kaysa sa amin!” dagdag pa ng ginang.

Inis na inis na si Earl ngunit hindi na siya gumanti pa. Pinabayaan na lamang niya ang madrasta.

“Ngayong nakita n’yo na po ang tunay kong kalagayan ay makakaalis na kayo! Dahil kahit kailan ay hindi naman kayo welcome sa bahay na ito,” wika ng binata.

“Hindi mo na ako kailangan pang ipagtabuyan dahil kusa akong aalis at hindi na babalik pa rito dahil nakakasulasok ang lugar na ito,” wika muli ni Norma.

Gigil na gigil si Earl sa ginawang ito ng kaniyang madrasta. Minsan ay sumasama rin ang kaniyang loob sa ama dahil mas pinili pa ng kaniyang ama na mag-asawang muli. Naging miserable tuloy ang kanilang buhay.

Nagpatuloy sa panghuhuli ng daga ang binata. Sa dami ng mga trap ay sigurado na siyang kinabukasan ay mahuhuli na niya ito.

Ngunit nadismaya siyang walang nahuling daga ang kaniyang mga biniling trap. Nakita pa rin siya ang daga mna pabalik-balik sa bahay.

“Saan ka ba talaga nanggagaling? Napipikon na ako sa iyong daga ka!” sambit ni Earl.

Sinundan niya ang daga at nakita niyang lumusot ito sa isang butas sa sahig. Marahil ito na ang bahay nito.

“Sa wakas ay mahuhuli rin kita!” sambit ni Earl. Bumuo ulit siya ng plano kung paano mahuhuli ang naturang daga. Dahil sa tingin niya ay nakagawa na ito ng butas patungo sa tunay nitong tahanan ay gusto niyang saraduhan na ito habang naroon pa ang daga.

Pero bago niya ito gawin ay naisipan niyang tingnan ang butas. Laking pagtataka niya nang makakita siya ng lagusan.

“Saan kaya patungo ang lagusang ito? Sa pagkakatanda ko ay wala naman ito dati?” wika ni Earl sa sarili.

Imbes na tapalan ang butas ay binungkal pa niya ito. Tumambad sa kaniya ang isang daan. Namangha siya dahil imposibleng ang daga lang ang gumawa nito. Nnag tuntunin niya ang lagusan ay laking gulat niya nang matagpuan ang mga ginto sa dulo nito.

“Totoo ang sinasabi ng mama at papa ko noon na marami kaming kayamanan at sigurado na ang magandang bukas ko dahil inipon nila ito para sa akin!” sambit niya.

Inisa-isa niyang kunin ang mga alahas at ginto. Hindi niya akalain na ang daga pa palang kaniyang kinaiinisan ang magiging daan upang mahanap niya ang tunay na pamana sa kaniya ng mga magulang.

Nakakapagtaka lang dahil mula nang araw na iyon ay hindi na nagpakita pa ang daga kay Earl.

Dahil sa perang iyon ay unti-unting gumanda ang buhay ng binata. Naipaayos na rin niya ang dating bahay pati na ang bakuran nito. Nilagyan na niya ng mataas na gate nang sa gayon ay hindi na makapasok pa roon ang kaniyang madrasta at mga anak nito.

Lagi namang nakatanghod doon si Norma at labis na nagtataka kung saan nakuha ni Earl ang kaniyang yaman. Ngunit hindi na ipinaalam ng binata ang tunay na nangyari sa pangambang kamkamin na naman ito ng madrasta. Ang tanging sinabi na lang niya’y dahil ito sa magandang niyang trabaho.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Earl sa yamang mayroon siya nang dahil lang sa nais niyang manghuli ng isang makulit na daga!

Advertisement