Nilihim ng Ginoo ang Tunay Niyang Kalagayan sa Anak; Nakakaantig naman ang Gagawin ng Dalaga para sa Kaniya
“Roselle, anak, natanggap mo ba ang padala ko sa iyong bagong bag at sapatos? Tamang-tama yan para sa eskwela mo! Magpadala ka sa akin ng larawan para makita ko kung bagay nga sa iyo dahil ako mismo ang pumili niyan!” sambit ni Ador na nagtatrabaho sa Korea bilang isang tagaluto.
“Opo, tatay, natanggap ko po! Maraming salamat po sa inyo. Pero hindi n’yo naman na po ako kailangang ibili ng sapatos dahil maayos pa naman ‘yung ginagamit ko! Baka mamaya ay nabawasan pa ng malaki ang sahod ninyo dahil mukhang mamahalin po ito,” sagot naman ng dalaga,
“Huwag kang mag-alala, anak at nakatanggap ako ng tip mula sa isang kostumer. Tapos ‘yung binilhan ko pa niyan ay suki ko rin dito kaya nakahingi ako ng tawad. O, siya, basta padalhan mo ako ng larawan mo, a! Kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Hindi na ako makapaghintay na makapagtapos ka ng pag-aaral at makasama kita rito,” wika muli ng ama.
Isang semestre na lang at makakapagtapos na ng pag-aaral itong si Roselle. Ilang taon na rin silang magkahiwalay ng ama dahil nagtatrabaho ito sa ibang bansa. Kailangan nitong lumayo upang maghanapbuhay upang suportahan ang pag-aaral niya. Matagal na rin kasing yumao ang kaniyang ina kaya wala ng katuwang ang kaniyang ama sa pagpapalaki sa kaniya. Naiwan siya noon sa tiyahin niya. Ngunit nang mag kolehiyo ay minabuti na niyang umupa ng maliit na bahay at mabuhay mag-isa.
Sa kabilang banda ay panay naman ang tingin ni Ador sa kalendaryo. Ilang buwan na lang kasi ay uuwi na siya para masaksihan mismo ang pagtatapos ng anak. Malakas rin ang kutob niyang sa galing ni Roselle sa pag-aaral ay makakakuha pa ito ng parangal. Kaya panay ang kantiyaw niya sa anak.
“Kailangan ko pa bang mag handa ng sarili kong talumpati, anak? Sasabihin ko pa ba sa kanila ang mga pinagdaanan ko dito sa Korea?” natatawang sambit ni Ador.
“Naku, tatay, huwag muna po kayong umasa dahil baka mabigi ko kayo. Hindi pa po sigurado kung may parangal nga ako,” saad naman ni Roselle.
“Manang mana ka sa nanay mo, anak, kaya alam kong matalino ka! Kahit sarili ko’y kaya kong ipusta! Alam kong magkakamedalya ka!” giit ng ama.
Ito rin ang panalangin ni Roselle. Talagang ginagalingan niya sa pag-aaral upang makakuha siya ng magandang trabaho sa ibang bansa nang sa gayon ay hindi na magtrabaho ang kaniyang ama.
Kahit kasi hindi sinasabi ng kaniyang ama’y batid niyang mahirap ang trabaho nito. Lalo pa’t nadulas ito noon nang sabihin na bukod sa tagaluto ay ito rin ang naghuhugas ng mga kasangkapan. Natatakot siya na baka mapasma ang ama. Mahina pa naman ang katawan nito dahil sa pagod at puyat mula sa pagtatrabaho.
Dumating ang susunod na semestre. Tuwang-tuwa si Roselle na malamang kumakandidato nga siya para sa pagtatapos ng may karangalan. Ang balak niya ay huwag na munang sabihin sa kaniyang ama at surpresahin na lang ito.
“Tatay, isang buwan na lang at magtatapos na po ako sa pag-aaral. Huwag po kayong mawawala, a! Bumili na po ba kayo ng tiket pauwi rito?” sambit ng anak.
“Oo, naman! Matagal na akong nakabili ng tiket. Sa totoo lang ay may regalo din ako sa iyo, anak. Binilhan din kita ng tiket papunta mo rito para makapag bakasyon ka. Kung gusto mong maghanap ng trabaho ay mas mainam para magkasama na tayo,” wika ng ama.
“‘Tay, kapag nagtatrabaho na po ako ay hindi na po kayo magtatrabaho pa. Hayaan n’yong ako na lang po muna. Hindi n’yo naman na ako kailangan pang pag-aralin. Wala na rin kayong pagkakagastusan dahil nga magtatrabaho na ako at ako na po ang bahala sa lahat,” wika ni Roselle.
“Anak, huwag mong ialis sa akin ang responsibilidad ko sa iyo bilang ama. Masaya akong ganiyan ang pangarap mo sa akin. Pero ayaw ko namang maging pabigat sa iyo. Gusto ko’y ma-enjoy mo rin ang sarili mong sahod. Pero saka na natin ‘yan pag usapan kapag may trabaho ka na talaga! Ano na ba ang gagawin ko sa pagtatapos mo? Maghahanda na ako ng talumpati?” biro muli ng ama.
“Si tatay talaga! Basta, tatay, ako na po ang bahala sa atin makatapos lang ako ng pag-aaral. Nais ko lang ay makasama po kayo,” wika muli ng dalaga.
Ilang araw bago dumating ang pagtatapos ni Roselle ay hindi na niya makontak pa ang kaniyang ama. Hindi ito sumasagot sa telepono kaya labis ang kaniyang pag-aalala. Panay ang tawag niya hanggang sa wakas ay sagutin din ito ng ama.
“‘Tay, ano po ba ang nangyari sa inyo? Akala ko po ba’y uuwi na kayo rito ng mas maagad kaysa sa araw ng pagtatapos ko? Nasaan na po ba kayo?” tanong ni Roselle.
“Anak,” malungkot na sambit ng ama. “Hindi ako makakauwi dahil maraming trabaho dito sa restawran. Pasensya ka na. Ibidyo mo na lang ang pagtatapos mo para mapanood ko, a! Ikaw na ang bahala diyan. Kailangan ko nang bumalik sa kusina, anak. Tinatawag na ako ng amo ko. Tatawagan na lang kita ulit,” wika pa ng ginoo.
Napaluha si Roselle dahil matagal nilang hinintay ang pagkakataong ito para lang hindi makapunta ang kaniyang ama. Hindi niya matanggap na ayos lang sa kaniyang tatay na hindi ito masaksihan ng personal. Hindi niya tuloy maiwasan ang magtampo lalo na’t nais pa naman siya itong surpresahin na may matatanggap siyang parangal.
Dumating ang araw ng pagtatapos ni Roselle na wala roon ang ama. Ni tawag ay hindi nito sinasagot. Kinutuban tuloy ang dalaga na parang may tinatago sa kaniya ang ama.
Kaya naman agad siyang gumawa ng paraan upang makaipon ng pera. Mabuti na lang at nakahanap agad siya ng trabaho na may kalakihan ang sahod. Isang buwan lang ay nakapag-ipon na siya ng pera para makapunta siya sa Korea.
Panay pa rin ang tawag niya sa ama ngunit talagang ayaw na siya nitong kausapin.
Pinuntahan niya ang dating pinagtatrabahuhan nito ngunit laking gulat niya nang sabihing hindi na raw ito dito nagtatrabaho. Lalo tuloy kinabahan si Roselle. Baka napaano na kasi ang tatay niya.
Hinanap niya sa kalapit na lugar ng restawran ang kaniyang ama. Ipinagtanong-tanong niya ito sa mga tao roon. Susuko na sana siya nang biglang may isang pulubi ang kaniyang natanaw.
Dahan-dahan niya itong nilapitan ay laking gulat nga niya nang makitang ito ang kaniyang ama. Unti-unting pumatak ang kaniyang mga luha.
Patuloy ang pamamalimos nito sa mga tao. Pero napansin din niyang tila hindi na ito nakakakita pa.
Upang malaman ang totoong nangyari ay iniba niya ang kaniyang boses at kinausap ang ama.
“Ginoo, Pilipino po kayo, hindi ba? Ano po ang ginagawa ninyo rito?” wika niya.
“Oo, Pilipino ako, hija. Dati akong kusinero sa isang restawran malapit sa parkeng ito. Pero tinanggalan na kasi nila ako ng trabaho dahil unti-unti na akong nabulag.
“Nasaan po ang pamilya ninyo?” pilit na tinatago ni Roselle ang kaniyang lungkot.
“Wala na akong asawa. Mayroon akong nag-iisang anak sa Pilipinas. Pero hindi niya alam ang kondisyon ko. Sayang nga at hindi ako nakauwi dahil nagtapos siya sa kolehiyo ngayong taon. Ayaw ko na ring ipaalam sa kaniya ang nangyari sa akin dahil ayaw kong maging pabigat sa kaniya,” wika pa ni Ador.
Dito na niyakap ni Roselle ang ama habang patuloy sa paghagulgol.
“Tatay, hindi mo naman kailangan pong itago sa akin ang lahat ng ito. Kahit kailan ay hindi po kayo magiging pabigat sa akin! Aalagaan ko po kayo tulad ng pag-aalagang ginawa ninyo sa akin! Tatay, bakit po ninyo inilihim ito?” pagtangis ng dalaga.
Nagulat si Mang Ador dahil ang anak na pala niya ang nasa kaniyang harapan.
“Roselle, anak, ikaw ba talaga ‘yan? Patawarin mo ako sa nagawa ko, anak. Ayaw ko lang kasing maging pasanin mo ako kaya ko nagawa ito. Bulag na ang tatay mo, anak. Hindi na kita makikita kahit kailan,” umiiyak na ring sambit ng ginoo.
“Narito na po ako, ‘tay, ako na pong bahala sa inyo. Umuwi na po tayo sa Pilipinas, ‘tay! May magandang trabaho na rin naman ako doon. Saka alam mo, ‘tay, tama ka, may parangal nga akong nakuha nang magtapos ako sa kolehiyo!” dagdag pani Roselle.
Lalong naluha si Mang Ador dahil hindi man lang niya nasilayan ang pagtatapos ng anak sa kolehiyo. Ngunit masaya na rin siya dahil sa wakas ay hindi man niya nakikita ang anak ay kapiling na rin niya ito.
Dahil sa pagmamahal at sa lahat ng sakripisyo ng ama ay hindi nagdalawang isip si Roselle na alagaan ang kaniyang ama. Nagkaroon siya ng pag-asa nang ipasuri niya ito at may pag-asa pa raw na maibalik ang paningin nito.
Labis na pinag-ipunan ng dalaga ang operasyon para sa mga mata ng kaniyang ama. Lahat ng kaniyang naipon ay inilaan niya rito. Mabuti na lamang at naging matagumpay rin ang operasyon at bumalik na ang paningin ni Ador.
“Sabi ko naman sa iyo, anak, hindi mo na ito kailangang gawin. Gusto ko ay ma-enjoy mo ang sarili mong kita,” saad ni Ador sa anak.
“‘Tay, pera lang po ‘yun. Kikitain ko pa ulit ‘yun. Hindi rin naman ako mag-eenjoy kung hindi mo rin makikita ang tagumpay ko. Baliwala ang lahat ng ito kung wala ka,” wika naman ni Roselle.
Labis ang pasasalamat ni Ador sa kaniyang anak.
Makalipas ang dalawang taon ay sa wakas, nasilayan muli ni Ador si Roselle At sa unang pagkakataon ay napanood na rin niya ang bidyo ng pagtatapos nito.