Inday TrendingInday Trending
Pilit na Sinasabohate ng Lalaking Inggitero ang Kaniyang Katrabaho; Lahat ng Kaniyang Masasamang Plano ay Babalik sa Kaniya

Pilit na Sinasabohate ng Lalaking Inggitero ang Kaniyang Katrabaho; Lahat ng Kaniyang Masasamang Plano ay Babalik sa Kaniya

Nakasimangot si Paul, isang Med Rep na lumabas ng tanggapan ng kaniyang amo. Hindi kasi niya matanggap na hindi siya ang nakakuha ng promotion kung hindi ang kasamahan niyang si Melchor. Noon pa man ay katunggali na niya ito sa maraming bagay. At labis niyang ikinaiinis na kahit minsan ay hindi pa niya ito natatalo.

“Huwag mong sabihing umasa ka pa talaga na makukuha mo ang promotion, Paul. Magaling masyado si Melchor. Walang makakatalo sa kaniya sa benta. Saka gusto niya ng lahat ng amo natin kaya hindi na nakakapagtaka,” saad ng kasamahang si Joshua.

“Ang sa akin lang naman ay pwedeng pagbigyan naman sana ang iba. Palagi na lang si Melchor ang binibigyan nila ng parangal at papuri. Marami naman sa atin ang ginagawa ang lahat para makabenta ng marami. Hindi naman biro ang pagbebenta ng gamot,” asawa na wika pa ng ginoo.

“Tanggapin mo na kasing magaling talaga ‘yang si Melchor. Ang kailangan mong gawin ay kaibiganin siya para malaman mo kung ano ang mga teknik niya at magaling talaga siyang mag-alok at bumenta. Tingnan mo nga at pati ang iba nating kasamahan ay tuwang-tuwa sa kaniya. Mabait kasi talaga at magaling makisama,” sambit muli ng katrabaho.

Imbes na gumaan ang kalooban ni Paul ay lalo siyang nainis. Pinamukha pa kasi sa kaniya ng kaibigan na totoong mas magaling sa kaniya ang katunggali.

“Isang araw ay makakaganti rin ako sa iyo. Kailangan ko lang ilabas itong nararamdaman ko dahil matatalo ako kung kikimkimin ko lang ito,” saad niya sa sarili.

Mula ng oras na iyon ay wala nang ginawa si Paul kung hindi isabotahe si Melchor.

Isang araw ay may naisip siyang magandang plano.

“Melchor, pinapatawag ka ni boss. Hintayin mo raw siya sa kaniyang tanggapan,” wika ni Paul.

Nagtaka si Melchor dahil alam niyang mahigpit na bilin ng kanilang amo na huwag papasok sa kaniyang tanggapan kung wala siya.

“Sigurado ka ba? Naroon ba siya?” tanong naman ni Melchor.

“Lumabas lang ata sandali. Siguro ay makakasalubong mo na iyon. Pumunta ka na raw at may pag-uusapan kayong mahalaga. Baka tataasan na ‘yung sahod mo. Balitaan mo ako, a!” nakangiti pang sambit ni Paul.

Pagdating ni Melchor sa tanggapan ng amo ay nakita niyang wala naman ito sa loob. Pero dahil sa sinabi ni Paul ay pumasok pa rin siya.

“Sigurado na akong mapapagalitan itong si Melchor. Baka mamaya ay mawalan pa siya ng trabaho!” natatawang sambit ni Paul habang pinagmamasdan ang kasamahan.

Maya-maya ay nariyan na ang amo at nagulat na naroon si Melchor sa loob. Kahit hindi naririnig ni Paul ang mga pangyayari ay natitiyak niyang pinagagalitan na ito.

Pinipigilan niya ang kaniyang ngiti habang hinihintay na lumabas si Melchor sa tanggapan ng kanilang boss. Maya-maya, paglabas nila’y nakita ni Paul na pinasasalamatan pa ng amo ang katrabaho.

“B-bakit ganon? Bakit ayos lang kay boss na pumasok si Melchor sa silid niya ng wala siya roon!” sambit niya sa sarili.

Nalaman niyang nakita pala ni Melchor ang isang kable sa opisina ng kanilang amo na umuusok at nagliliyab. Mabuti na lang at naroon siya kung hindi ay magkakasunog sana. Dahil dito ay lalong napalapit ang amo kay Melchor at nabigyan pa ito ng parangal.

Inis na inis na naman si Paul. Pero hindi siya tumigil alam niyang isang araw ay may kalalagyan rin itong si Melchor.

Isang araw ay may outing ang kanilang kompanya. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay si Melchor pa ang makakasama ni Paul sa kwarto.

“Kita mo nga naman ang swerte. Kung sino pa ‘yung pinaka ayaw ko’y siya pa ang makakasama ko!” sambit ni Paul.

Inunahan na niya si Melchor na makapasok ng silid upang makapili siya ng mas magandang pwesto. Abala pa naman ang katrabaho sa pakikipag-usap sa ilang kapwa rin nils Med Rep.

Habang nasa silid ng hotel na tinuluyan ay nakita ni Paul ang mga tuwalya at ilang pampersonal na kagamitan. Nang makita niya ang sipilyo na nakasilid sa kahon nito ay nagkaroon siya ng ideya upang muling makaganti sa katunggali. Kinuha niya ito at saka ipinahid sa inodoro at sa ibang parte ng banyo. Bahagya lang niya itong hinugasan ng tubig at saka pinatuyo at saka ibinalik sa kahon na parang walang nangyari.

Kinagabihan ay nakita niya si Melchor na ginagamit ang toothbrush na iyon. Tawang-tawa si Paul dahil sa wakas ay nakaganti na siya.

“Simula pa lang ‘yan ng paghihiganti ko sa iyo, Melchor. Kasalanan mo ‘yan kasi mapapel kang masyado!” sambit niya muli sa kaniyang sarili.

Natapos ang outing ng may ngiti sa labi ni Paul.

Ngunit hindi pa dito nagtapos ang lahat. Narinig ni Paul sa isang kapitbahay na may pekeng gamot na ibinenta sa kanila.

“Sayang at ang dami ko pa namang binili dahil ang mura nga! Akala ko’y nakamura na ako!” saad ng ale.

Binili ni Paul ang lahat ng gamot. Balak niya itong ipain na naman kay Melchor. Sa tulong nito’y tuluyan nang masisira ang pangalan ng katrabaho.

Inilagay ni Paul ang pekeng g@mot sa mesa ni Melchor. Buong akala naman ni Melchor ay bagong istak ito para sa paghahanap niya ng kliyente. Masaya pa nga siya dahil marami na naman siyang maipamimigay.

Napapailing sa sobrang pagpigil ng tawa si Paul. Alam niyang ito na ang katapusan ng kaniyang katunggali.

“Bakit parang ang saya-saya mo riyan? Nakabenta ka ba ng marami? May bago kang kliyente?” tanong pa ni Joshua.

“Mas higit pa doon, pare. Sa wakas ay mauungusan ko na si Melchor. Nakakasiguro ako sa bagay na ito. Saka alam mo noong nasa hotel tayo ay may ginawa akong kabulastugan sa kaniya. ‘Yung sipilyo niya’y kinaskas ko sa inidoro. ‘Yun ang ginamit niya!” hagalpak ni Paul.

“Ang sama mo naman. Hindi ko akalain na kaya mong gawin ‘yan kay Melchor. Hindi ka ba natatakot sa karma? Wala namang ginagawa sa iyo ‘yung tao,” saad muli ng katrabaho.

Walang pakialam si Paul sa komento ni Joshua. Basta siya’y maligaya dahil matatanggal na sa opisina si Melchor.

Habang papunta ng ospital si Melchor upang dalhin sa isang kliyenteng doktor ang mga gamot ay muli niya itong tiningnan. Para kasing may mali sa mga ito.

Lubos na pinakatitigan at sinuri ni Melchor ang mga gamot at saka niya ito itinawag sa kaniyang amo.

“Bago na ba ang balot ng ating gamot, boss? Parang may kakaiba kasi dito sa gamot na ibinigay sa akin,” wika ni Melchor.

Bumalik sa opisina si Melchor lingid sa kaalaman ni Paul. Pero bago pa siya bumalik sa tanggapan ng amo ay ipina-review na niya ang CCTV kung sino ang naglagay ng hinihinalang pekeng gamot sa kaniyang mesa.

Nadismaya siya nang makitang si Paul ang gumawa nito. Nang ipakita niya ang gamot sa amo ay pinatotohanan nitong peke ang gamot.

Pupuntahan sana niya si Paul sa mesa nito upang komprontahin ngunit narinig niya kung paano nito ipinagkakalat na ang sipilyong ikinaskas sa inidoro ang ginagamit niya doon sa hotel.

Dito na nag-init ang ulo niya.. Ngunit inunahan na siya ng amo sa pakikipag-usap kay Paul.

“Paul, kunin mo na ang mga gamit mo at umalis ka na sa tanggapang ito. Tanggal ka na!” saad ng boss.

“A-ako? Matatanggal? P-pero bakit ako? Hindi ba’t si Melchor dapat ‘yun?” depensa ni Paul.

“Lalo mo lang pinatuyan ang kasalanan mo, Paul. Wala pa naman akong sinasabing dahilan. Nakalimutan mo ata na may CCTV ang opisina na ito. Nakita na ikaw ang naglagay ng pekeng gamot sa mesa ni Melchor. Muntik na niya itong ipamahagi sa isang ospital! Mabuti na lang at magaling talaga itong si Melchor at napansin niya. Umalis ka na sa opisinang ito bago pa kita kasuhan. Hindi katanggap-tanggap ang ginawa mo! Traydor ka!” bulyaw pa ng amo.

Napahiya si Paul sa harap ng kaniyang mga kasamahan. Ngunit wala man lang dumamay sa kaniya. Masaya pa nga ang mga ito na napatalsik siya.

“Hindi ko alam kung ano ang nagawa ko sa iyo upang manalbahe ka ng ganoon. Sana ay nakipag kompetisyon ka na lang sa akin ng malinis baka nagkaroon ka pa ng pag-asa. Isa pa, huwag kang masyadong magyabang tungkol sa sipilyo sa hotel. Alam mo ba na inakala kong sa akin ang mga twalya at ibang pampersonal mong kagamitan. Habang tinitingnan ko ay nalaglag ko ang sipilyo mo sa sahig. Kaya pinalitan ko ito ng sipilyo na para sa akin. Buong akala mo ay ako ang gumagamit ng maruming sipilyo gayong ikaw mismo ang nahulog sa iyong patibong. Karma ‘yan sa mga masasama mong binabalak,” sambit pa ni Melchor.

Naging katatawanan pa tuloy itong si Paul bago umalis ng opisina. Inis na inis siya sa kaniyang sarili dahil sa mga plano niyang hindi naman nagtatagumpay. Ngayon ay natanggal na nga siya sa kaniyang magandang trabaho, hindi pa siya makapasok sa ibang kompanya dahil walang nais na tumanggap sa kaniya.

Advertisement