Ipinasabay ng Kasamahan sa OFW na ito ang Isang Kargamento; Ikapapahamak pala Niya ang Pagtitiwala
“Rigo, anak,” masayang bungad ng inang si Minda na tinawagan ang anak sa telepono upang maihatid ang isang magandang balita. “Hindi ka na magtatampo sa akin dahil sa wakas ay pinayagan na ako ng amo ko na magbakasyon d’yan sa Pilipinas kahit sandali. Dalawang linggo lang pero ayos na rin basta makasama ko kayo ng tatay mo. Sagot naman ng amo ko ang pamasahe ko,” dagdag pa ng ginang.
Tulad ng inaasahan ay walang paglagyan ang saya ng kaniyang anak. Ilang taon na rin kasi itong humihirit sa kaniyang ina na umuwi naman upang kaniyang makasama.
“Kailan na po ang uwi n’yo niyan, ‘nay? Ibabalita ko po agad kay tatay nang sa gayon ay makauwi rin siya. Sa Maynila po siya na destino mas malaki nga raw po ang kita ng construction worker doon,” wika naman ni Rigo.
“Ako na ang tatawag sa tatay mo para magsabi. Nagpapasalamat nga ako dito sa kasamahan ko at inako niya ang mga trabaho ko habang nasa bakasyon ako. Kaya pinayagan ako ng amo kong umuwi. Siya nga pala, huwag n’yo na ako sunduin sa paliparan at ako na ang bahala,” wika muli ng ina.
Pagkatapos nilang mag-usap ng anak ay agad naman niyang tinawagan ang asawa para ibalita rin ang kaniyang pag-uwi. Pagkatapos ay mabilis na niyang inayos ang kaniyang gamit. Pati na rin ang iniipon niyang mga pasalubong para sa kaniyang pamilya.
“Handang-handa ka na talaga, Minda, a! Mag-enjoy ka sa bakasyon mo!” saad ng kasamahang si Madel.
“Oo, hindi na ako makapaghintay na ibigay sa anak ko ‘tong bago niyang selpon. Regalo ko ‘to sa kaniya dahil may honor siya noong nakaraang pasukan. Masaya ako at maiaabot ko ‘to ng personal sa kaniya. Maraming salamat sa iyo, a!” tugon naman ng ginang.
“Naku, wala ‘yun! Parang hindi naman tayo magkatrabaho. Siya nga pala, Minda, may pakiusap lang din ako sa iyo tutal hindi ako makakauwi sa Pilipinas, e. Kikitain ka sana ng pinsan ko doon. May ibibigay siya sa iyo para pag-uwi mo dito ay madala mo. Kung ayos lang sa iyo,” pakiusap ng kasamahan.
“Walang problema, ikaw pa ba? Malakas ka sa akin. Basta ibigay mo sa akin ang pangalan niya at telepono para makapag-usap kami,” nakangiting sambit ni Minda.
Dumating ang araw ng paglipad ni Minda pauwi ng Pilipinas. Paglapag pa lang ng eroplano ay hindi na siya makapaghintay na makasama ang kaniyang pamilya.
Paglabas niya sa airport ay nagulat siya nang makita ang kaniyang mag-ama na sumalubong sa kaniya.
“‘Di ba’t sinabi kong huwag na kayong sumundo at ako na ang bahalang umuwi sa atin? Anong oras pa kayo naghihintay dito?” tanong ng ginang.
“Walang kaso kahit maghintay kami ng matagal, mahal. Sabik na sabik na kaming makita ka nitong si Rigo. Halos hindi na nga nakatulog itong anak mo sa pagkasabik,” wika ng asawa.
Hindi na rin nakapaghintay pa si Minda at ibinigay na ang regalo sa kaniyang anak.
“Ito na ang regalo ko sa iyo dahil nanguna ka na naman sa klase. Ingatan mo ito, a!” wika ni Minda.
Pagbukas ni Rigo ng regalo ay tuwang-tuwa siyang makita ang selpon na binili ng ina.
Habang nasa sasakyan pauwi ay abala pa rin ang binata sa kaniyang selpon.
“Hindi mo na pinansin ang nanay mo. ‘Yang regalo lang yata ang kailangan mo kaya gusto mong umuwi ang nanay mo, e!” biro ng ama.
“Hindi naman po! Natutuwa lang ako na may bago na po akong selpon. Mas maayos na po kaming makakapag video call ni nanay,” tugon ng anak.
Pagka uwi pa lang sa bahay ay binuksan na ni Minda ang kaniyang balikbayan box para ibigay ang mga pasalubong. Nagplano na rin sila ng kanilang mga lakad.
Wala silang inaksayang oras dahil sandali nga lang si Minda sa Pilipinas. Kaliwa’t kanan ang kanilang mga alis. Wala namang ginawa si Rigo kung hindi kumuha ng larawan.
Dalawang araw bago bumalik ng Macau si Minda ay tumawag ang kasamahang si Madel para ipaalala ang pagkikipagkita sa kaniyang pinsan.
“Nakausap ko na rin siya, Madel. Bukas ay pupunta siya rito para ibigay sa akin ang ipapaabot niya sa iyo. Ako nang bahala,” wika naman ni Minda.
Kinabukasan nga ay dumating na ang pinsan ni Madel dala ang isang maliit na kahon.
“Ayos lang ba na binalot ko na, Minda? Nakakahiya naman kasi kung ikaw pa ang magbabalot,” wika ng babae.
“Ano ba ang laman nito? Babasagin ba?” tanong ng ginang.
“A, tatlong bagong selpon at limang pabango. Ibebenta din daw niya sa mga kaibigan n’yo doon. Dito pa siya nagpabili dahil mahal daw ang selpon sa Macau,” sambit muli ng ale.
“Sige, ako na ang bahala. Iingatan ko ito. Pakisabi mo na rin kay Madel na nasa akin na ang package niya,” muling saad ni Minda.
“Papaalala ko lang sa iyo, Minda na huwag mo nang buksan kasi kailangan daw ay selyado ang selpon kapag ibinigay sa bibili para ata sa warranty,” paalala pa ng babae.
Pagka alis ng babaeng iyon ay kinausap si Minda ng kaniyang asawa.
“Kilala mo ba ang babaeng iyon? Baka mamaya kung ano ang laman niyan, a? Buksan kaya muna natin?” giit ng ginoo.
“Huwag na at narinig mo naman na kailangan ay silyadong makarating kay Madel. Saka tiwala naman ako sa kasamahan ko kasi mabait ‘yun! Ilang beses na rin niyang sinabi na nagpabili siya dito sa pinsan niya ng selpon at pabango. Huwag ka nang mag-alala pa,” wika muli ni Minda.
“Hindi kasi maganda ang kutob ko, mahal. Noong isang araw kasi ay kalat sa balita ‘yung isang OFW na pabalik naman ng Pilipinas tapos ay nagpasabay rin ng kargamento. Nakakulong ngayon sa ibang bansa!” paliwanag pa ng mister.
Pero iginiit talaga ni Minda na mapagkakatiwalaan ang kaniyang kasamahan at pinsan nito.
Paalis na si Minda at muntik na niyang maiwan ang pinasabay na kargamento kaya binalikan pa niya ito. Pagdating sa paliparan ay ayos naman ang lahat nang suriin ang kaniyang mga kagamitan.
“Hindi ba’t sinabi ko sa iyo na ayos lang ang lahat. Huwag ka nang mag-alala pa. Selpon talaga ang laman ng kahon na iyon,” wika ni Minda sa asawa.
Niyakap at hinalikan na niya ang mga ito upang magpaalam. Habang nasa paliparan ay naiisip niya ang kaniyang pamilya. Ayaw man niyang umalis ay kailangan para sa kanilang magandang kinabukasan.
Paglapag ng eroplano sa Macau ay kailangan na namang dumaan sa inspeksyon ng mga gamit ni Madel. Sa pagkakataong ito’y bigla na lang siyang pinalibutan ng mga pulis at saka siya hinuli. Napag-alaman na sa kaniyang gamit ay mayroong ipin@gbabawal na g@mot.
“Sandali lang hindi po sa akin ang kargamentong iyan. Ipinasabay lang po sa akin. Makinig naman kay! Hindi po ako nagtutulak. Hindi po akin iyan!” pagtangis ng ginang.
Ngunit tinuluytan siya ng mga pulisya. Kinasuhan siya at ikinulong.
Nagmamakaawa si Minda na tulungan siya ng kaniyang amo lalo ng kasamahang si Madel.
“Parang awa mo na, Madel, aminin mo na sa kanila na para sa iyo talaga ang kargamentong iyon! Wala akong kinalaman sa drog@ng nakita nila sa akin. Sumunod lang ako sa pakiusap mo!” umiiyak na wik ni Minda.
“Wala akong alam sa mga sinasabi mo, Minda. Pasensya na pero ayaw kong madamay,” tanging sambit ng kasamahan.
Halos pinagsakluban ng langit at lupa si Minda dahil hindi niya mapatunayang wala siyang kinalaman sa naturang kargamento.
Samantala, alalang-alala naman ang mister ni Minda dahil hindi pa siya tumatawag na nakalapag na ang eroplano ng ligtas sa Macau. Kaya gumawa ito ng paraan upang mahagilap ang asawa. Doon nga niya napag-alaman na nasa kulungan na ito dahil sa ilegal na kargamento.
“Sinasabi ko na nga ba’t hindi mapagkakatiwalaan ang babaeng iyon! Napahamak na nga ang nanay mo!” wika ng ginoo sa kaniyang anak.
“A-ano na po ang kailangan nating gawin, ‘tay? Paano na po makakalaya si nanay? Baka mamaya ay kung ano na ang mangyari sa kaniya doon!” pagtangis ni Rigo.
“Kailangan nating mapatuyanan na hindi sa kaniya ang kargamentong iyon para mapawalang sala siya. Saan naman kaya natin hahagilapin ang babaeng iyon. Tiyak ako na alam na niya ang lahat at nagtatago na iyon!” wika naman ng ama.
Naalala ni Rigo ang ang araw na iyon habang nakikipag-usap ang kaniyang ina sa pinsan ng kasamahan.
“Tatay, nai-bidyo ko nga po pala ang pag-uusap nila noon. Sinusubukan ko po kasing idokumento ang pagdating hanggang sa pag-alis ni nanay. Ang buong pag-uusap na iyon ay nakunan ng kaniyang selpon,” sambit ng binata.
Nabuhayan ng loob ang mag-ama. Pumunta sila sa ahensya ng gobyerno upang humingi ng tulong para sa kalayaan ng ginang. Mabuti na lang at nakunan ni Rigo ang lahat ng pangyayari kaya malakas ang kanilang ebidensya.
Hindi nagtagal ay napatunayang inosente si Minda at pinakawalan din siya. Habang ang pinsan an nakatransaksyon niya rito sa Pilipinas ay dinamot ng mga pulis at kinulong. Maging si Madel ay dinampot din ng mga pulis upang siya naman ang hatulan.
Dahil sa pangyayaring iyon ay minabuti na lang ni Minda na umuwi ng Pilipinas at dito na lang maghanap ng trabaho.
“Isang matinding aral na rin ang nangyari sa akin na huwag akong basta magtiwala. Buong akala ko ay hindi ko na kayo makikita pa. Salamat sa Diyos at nakalaya rin ako. Maraming salamat sa iyo, Rigo, kung hindi dahil sa bidyo mo ay nasa kulungan pa rin ako hanggang ngayon,” pagtangis ng ginang.
“Huwag ka nang matakot, mahal, at narito ka na sa piling namin. Ligtas ka na. Ibaon mo na sa limot ang lahat at magsimula na lang tayo muli ng panibagong buhay. Huwag kang mag-alala dahil hindi ko pababayaan ang pamilya natin,” saad naman ng mister.
Sa wakas ay nakakuha na ng kapanatagan si Minda sa piling ng kaniyang pamilya. Ngayon ay masaya na siyang namumuhay kasama ang kaniyang mag-ama.