Bumalik sa Piling ng Babae ang Lalaking Pinakamamahal Niya; ‘Di Niya Inasahan na Iiwan Ulit Siya Nito
Kakarating lang ni Viola sa inuupahan niyang apartment, galing siya sa opisina. Medyo nahimas nga niya ang kaniyang sentido dahil sumasakit ang ulo niya sa sobrang trapik. Tapos na siyang magpalit ng damit nang marinig niya ang mga katok sa pinto.
Pagbukas niya ay ‘di niya inasahan ang dumating na bisita, si Raffy.
Ganoon na ganon din ang anyo ng lalaki nang una itong pumunta sa kaniya. Ngayong bumalik na naman ito ay alam na niya kung ano ang dahilan.
“Good evening, Viola. K-kung pwede…ibig kong magsimula tayong muli,” malambing na sabi nito. Sa tingin niya ay naka-inom ang lalaki, dahil amoy alak ito nang pumasok sa apartment niya.
“Iniwan ka niya ulit?” tanong niya.
“Hindi ko alam kung saan ako nagkulang sa kaniya. Ginawa ko naman ang lahat para mapaligaya siya pero binabalewala niya pa rin ako,” sagot ng kausap.
Si Raffy ay nakilala niya sa isang bar dalawang taon na ang nakakalipas. Dahil nagkakasundo sila sa mga bagay-bagay ay madaling nagkalapit ang mga damdamin nila. ‘Di nagtagal ay nahulog ang loob niya sa lalaki at ganoon din ito kaya nagkaroon sila ng relasyon. Pero huli na nang matuklasan niya na mayroon na pala itong asawa at may isang anak. Nalaman din niya na mahilig pumatol at sumasama sa ibang lalaki ang misis nito kaya nagawang magloko ni Raffy at makipagrelasyon sa kaniya. Noong unang iwan ito ng asawang si Maxine at sumama sa kalaguyo ay pumunta ito sa apartment niya at niyaya siyang magsama na silang dalawa.
Pero ang problema, nang bumabalik ang asawa ng lalaki ay iniwan siya nito na parang walang nangyari. Sa madaling salita, panakip-butas lang siya. Ngayon ay bumabalik na naman ito sa kaniya makalipas ang ilang buwan dahil siguradong iniwan na naman ito ng babae. Wala siyang magawa, hindi niya kayang itaboy si Raffy dahil mahal na mahal niya pa rin ito kaya kahit panakip-butas lang siya ay ayos lang basta makasama niya ito.
Kaya nang dumating ito ay muling humaplos ang awa sa puso niya. “P-Pumasok ka,” sabi niya saka iginiya ang lalaki sa salas.
Muli ay nadama ni Viola ang kakaibang kasiyahan kapag kasama niya ang lalaki kahit pa minsang nagdulot sa kaniya ng pait ang pag-iwan nito noon sa kaniya.
“A-Akala ko, hindi ka na babalik sa akin. Akala ko, tuluyan mo na akong nalimutan,” sabi niya.
“Hindi kita malilimutan kailanman, Viola,” sagot ng lalaki.
Mula noon ay sa apartment na niya umuuwi ang lalaki. Tuwang-tuwa naman si Viola dahil sa wakas ay bumalik ang pinakamamahal niyang si Raffy. Kung dati, kasa-kasama niya palagi ang mga kaibigan niya sa opisina para mamasyal ngayon ang lalaki ang gusto niyang kasama.
“Hey, hindi ka ba sasama sa amin na manood ng sine?” tanong ng isa sa mga kaibigan niya.
“Hindi pwede, eh, may naghihintay na sa akin sa apartment,” tugon niya.
A, si Raffy lang ang mahalaga sa kaniya, si Raffy at wala nang iba kaya excited siyang umuwi para maipagluto ng paboritong ulam ang mahal niya.
Pagdating sa apartment ay naratnan niya na roon ang kinakasama. Maaga itong umuwi. Ipinaghanda niya agad ito ng pagkain.
“Wow! Ang sarap naman nito. Wala ka pa ring kupas pagdating sa pagluluto,” wika ni Raffy.
“Siyempre, para sa iyo iyan, mahal ko,” sagot niya.
At pagkatapos nilang kumain ay pumasok na sila sa kwarto para magpakalunod sa kaligayahan.
“Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang buhay kung wala ka,” masuyong sabi sa kaniya ni Raffy habang pinapaliguan siya ng halik.
“Just love me and i’ll do everything para sa iyo,” malambing na tugon ni Viola saka ginantihan ng halik ang kalaguyo.
Ngunit ang inakala ni Viola na kaligayahan ay hindi pala pangmatagalan. Alam niyang masakit ang unang kabiguan niya kay Raffy pero mas masakit pala ang ikalawa, insulto at sampal na ito sa katauhan niya.
“Ano? Babalikan mo siya? S-Sa kabila ng lahat ng ginawa niya sa iyo?” naluluhang sabi niya.
“Pasensya na, pero mahal ko si Maxine, Viola…higit kaysa sa sarili kong kaligayahan,” sagot ng lalaki.
Heto na naman siya, umiiyak sa balikat ng mga kaibigang pilit na umuunawa sa kaniya.
“Kung bakit naman kasi kay daming lalaki, sa sira-ulong iyon ka pa nagpakaloko,” sabi ng isa.
“Anong magagawa ko, mahal ko siya, eh…mahal ko siya,” lumuluhang sambit niya.
Mula nang iwan siya ni Raffy ay bumalik siya sa dati niyang buhay. Palagi na ulit niyang kasama ang mga kaibigan niya.
“Wow! sumasama ka na ulit sa amin ha, Viola. Mabuti ‘yan, deserve mo ang maging masaya,” sabi ng isa sa mga kaibigan niya.
“Oo nga naman. Huwag kang mag-alala, dadalasan natin ang paglabas para tuluyan mo nang makalimutan ang lalaking iyon,” sabad ng isa.
At nakasanayan na nga niyang muli ang mag-isa sa kaniyang apartment sa loob ng ilang buwan. Pero isang gabi, pag-uwi niya…
“Huh?! I-Ikaw?!”
Naroon si Raffy. Naghihintay sa kaniya.
“Hello, sweetheart!” anito.
“Paano ka nakapasok dito?” tanong niya.
“Mahalaga pa ba na malaman mo? Ang importante ay narito akong muli…ain’t you happy to see me?” sabi ng lalaki.
“Bakit, itinapon ka na naman ba ni Maxine?”
Kumunot ang noo ni Raffy. “Hey, halik at yakap mo ang gusto kong ipasalubong mo sa akin, hindi sumbat,” anito.
Sa puntong iyon ay nakapagdesisyon na si Viola. Ayaw na niyang muling masaktan.
“Tapos na akong umiyak, Raffy, at ayoko nang umiyak pang muli,” tugon niya.
Hindi nakakilos ang lalaki, hindi makapaniwala sa sinabi niya. “P-pero sweetheart…”
Tinangka siyang yakapin ni Raffy pero hindi na niya hahayaan iyon. Nadala na siya.
“Tama na, gusto ko nang buuin ang pira-pirasong bahagi ng puso ko na winasak mo. Hindi ko na muling papayagan na wasakin mo ulit ito. Ayoko nang maging panakip-butas mo, kaya lumayas ka na, Raffy…umalis ka na!” hayag niya.
Lulugu-lugong lumabas sa pinto si Raffy. Tuluyan na itong umalis.
Buong magdamag na umiyak si Viola pero iyon na ang huling iyak niya para kay Raffy. Wala siyang pinagsisisihan sa mga sinabi niya rito. Kung mahal talaga siya ni Raffy pangangatawanan siya nito pero hindi, eh kaya siya na mismo ang tumapos sa relasyon nila, sa kahibangan niya.
Mula noon ay hindi na siya ginulo pa ni Raffy. Nabalitaan niya na nagkabalikan na ulit ang lalaki at ang asawa nito. Napagtanto niya na tama talaga ang desisyon niya na makipaghiwalay na rito. Umaasa na lang siya na balang-araw ay makakahanap din siya ng tamang lalaki na kaya siyang panindigan at magmamahal sa kaniya ng buong-buo na wala siyang kahati.