Pinipilit Niya ang Anak na Muling Magpakasal sa Kung Sinong Lalaking Napupusuan Niya, Nagising Siya sa Kamalian Niyang Ito
Simula pa lang noong mapawalang bisa ang kasal ng kaniyang anak sa isang alkalde, agad nang naghanap ang ina na si Loren ng lalaking maaaring muling mapangasaqa nito dahil ayaw niyang kaawaan at pagpiyestahan ng iba ang pangyayaring ito sa buhay ng kaniyang anak.
Naranasan niya rin kasi na mapawalang bisa ang kaniyang kasal sa ama ng kaniyang mga anak. Sandamakmak na panghuhusga, tsismis at kung anu-anong katatawanan ang binato sa kaniya noon hindi lang ng mga kaibigan niya, pati ng mga katrabaho, kaanak, at mismong mga kapatid niya dahilan upang ganoon niya na lamang kung sugpuin na maranasan din ito ng kaniyang anak.
Sa katunayan, lahat ng perang naipon niya ay ginamit niya para makausap ang mga lalaking napupusuan niya para sa kaniyang anak at dahil nga mayayaman ang mga ito, hindi maaaring wala siyang gamiting tao para lamang makausap ang mga ito kaya nagkandaubos-ubos ang kaniyang ipong pera.
Katulad na lamang noong tangkain niyang makausap ang anak ng may-ari ng isang sikat na kainan sa Maynila. Nakiusap siya sa may-ari ng kainang iyon at kaniya itong binigyan ng mamahaling alahas para lang siya’y pahintulutan nitong makaharap ang anak nito at mapag-usapan ang sadya niya.
Halos lahat naman ng lalaking napupusuan niya ay agad na pumapayag na makipagkita sa kaniyang anak. Lalo na kapag naipakita na niya ang larawan nitong napakaganda at ang talino mayroon ito na pinatutunayan ng diploma at mga parangal nito noong nag-aaral pa ito.
Kahit nagtagumpay man siya sa paghahanap ng lalaki, hindi niya naman makitaan kahit katiting na interes ang kaniyang anak na muling makipagkilala kahit isa sa mga ito.
“Ano ka ba naman, anak? Gusto mo bang matulad ka sa akin, ha? Mabuti pa nga ako at may mga anak na ako bago pa man ang iwan ng asawa ko, eh, ikaw? Wala kahit isa! Kaya kapag hindi ka pa kumilos ngayon sa paghahanap ng bago mong mapapangasawa, sigurong tatanda kang dalaga!” sigaw niya rito, isang araw nang hindi nito siputin ang binatang naghihintay dito sa isang restawran.
“Mama, pupwede po bang tigilan niyo na ang ginagawa niyo? Kakapawalang-bisa lang ng kasal ko noong nakaraang buwan! Paano niyo nasisikmura na ibenta ako agad sa ibang lalaki, ha?” galit nitong wika saka agad na sinara ang telebisyong pinapanuoran.
“Diyos ko! Hindi kita binebenta, anak! Tinutulungan lang kita na maghanap ng lalaking babago sa buhay mo! Baka nakakalimutan mo, limang taon na lang, korenta anyos ka na! Napag-iiwanan ka na ng panahon!” pag-aalala niya pa.
“Kahit sisenta anyos na ako, wala kang karapatan na kontrolin ang buhay ko!” bulyaw nito sa kaniya kaya agad niya itong nasampal na naging dahilan para ito’y maglayas.
“Mukhang nasobrahan naman, mama, ang pag-aalala mo kay ate, ha?” sambit ng bunso niyang anak habang pinapanuod na umusad palayo ang sasakyan ng kaniyang panganay na anak. “Kakampihan mo pa ang bastos na ‘yon?” sigaw niya rito.
“Hindi naman sa ganoon, mama. Mali siya pero may mali ka rin. May karapatan kang gabayan siya, mama, pero wala kang karapatan na kontrolin ang buhay niya sa kung anong dapat niyang gawin o kung sinong dapat niyang muling mapangasawa. Ang kailangan mong gawin, mama, patatagin mo ang loob niya. Lalo na ngayon na tiyak, hindi pa niya natatanggap ang nangyari sa kasal nila ng minamahal niyang lalaki. Alam mo ang hirap, mama, kaya imbis na dagdagan mo ang bitbitin ng puso niya, pagaanin mo na lang,” magalang nitong pangaral habang nakayakap pa sa kaniya kaya siya’y agad na nagising sa kabaliwang ginagawa niya.
Oramismo, agad niyang hinabol ang anak niyang iyon.
“Ano na naman bang sadya mo, mama? Huwag mong haranagan ang daan ko!” sigaw nito sa kaniya nang iharang niya ang sasakyan niya rito.
“Gusto mo bang magkape, anak? Magpalinis kaya tayo ng kuko? Parang gusto ko nga ring magpamasahe, eh! Halika, samahan mo ako!” tuloy-tuloy niyang alok dito na ikinatawa nito.
“Anong meron sa biglaang pagbabago ng ugali mo, mama?” tawang-tawa tanong nito.
“Hindi na importante ‘yon! Ang mahalaga sa akin ngayon, makasama ang panganay kong nasaktan ko nang lubos!” yaya niya pa rito dahilan para agad din itong sumang-ayon.
Dahil sa pangyayaring iyon, malaking pagbabago ang nakita niya sa kaniyang anak. Kung dati ay maghapon lang itong nagkululong sa kanilang bahay, ngayon ay napapadalas na ang paglabas nito at napansin niyang humahalakhak na itong muli.
Hanggang isang araw, may isang lalaki na lang itong ipinakilala sa kaniya na labis niyang ikinatuwa!
“Salamat naman, may gagabay nang muli sa anak ko. Ingatan mo siya, hijo, ha? Huwag na huwag mong sasaktan ‘yan!” sabi niya sa bagong nobyo nito.
Muli ngang ikinasal ang kaniyang anak paglipas lang ng ilang taon. Agad din siyang nabigyan ng apo nito na talagang kumumpleto na sa kaniyang buhay.
“Siguro kung pinilit ko pa nang pinilit ang panganay ko sa lalaking napupusuan ko para sa kaniya, tiyak, wala pa akong makakargang bata mula sa sinapupunan niya,” bulong niya sa sarili habang hinehele-hele ang una niyang apo.