Pinagtabuyan Niya ang Kaibigang Babae Upang Makaiwas sa Usap-usapan, May Nararamdaman Pala Siya Para Rito
Tuwing magkasama ang binatang si Kaloy pati ang kababata niyang si Allain, palagi silang napagkakakamalan ng mga tao na magkasintahan. Bukod kasi sa magkalapit lamang ang kanilang edad at maganda silang tingnan kapag sila ay magkasama, sila ay pareho ring walang kasintahan dahilan para halos araw-araw, sila ay magkasama sa lahat ng gawain.
Kung ang kaibigan niyang si Allain ay natatawa lamang tuwing sila’y napagkakamalamang magkasintahan habang sila’y naglalakad, kumakain sa restawran o kahit habang maglalakad, siya naman ay labis na naiirita. Katwiran niya, baka raw may makarinig at ipagkalat na sila ngang dalawa ay magkasintahan. Sabi niya pa, “Paano ako makakatagpo ng babaeng magiging kasintahan ko kung alam ng lahat, ikaw ang nobya ko?”
Ang kagustuhan niyang magkaroon ng kasintahan ang siyang nagbigay daan sa kaniya para kaniyang iwasan ang kaibigan niyang ito. Kung dati ay siya pa ang nagpupunta sa bahay nito para yayaing kumain o tumambay, ngayon ay kahit siya na ang pinupuntahan nito, kaniya pa itong tinataboy.
At dahil nga gustong-gusto na niyang magkaroon ng kasintahan, wala na rin siyang sinayang na oras simula nang iwasan niya ang kaibigan niyang ito.
Sakto namang may isang dalagang nagbigay ng motibo sa kaniya nang minsan siyang magawi sa Maynila upang maghanap ng trabaho. Ang dalagang ito na nakasabay niya lamang sa isang interbyu ay agad niyang nakasama sa pag-iinom at pagtulog dahilan para agad na siyang magpasiyang pumasok sa isang relasyon kasama ito.
Upang maputol na ang mga usap-usapan tungkol sa kanila ng kaniyang kaibigan, agad niya ring iniuwi sa kanilang bahay ang dalagang ito at kaniyang ipinakalandakan na ito’y kaniyang nobya.
“Masaya ako para sa’yo, bespren!” sabi sa kaniya ni Allain.
“Salamat naman kung ganoon! Sa wakas, hindi na tayo mapagkakamalamang magkasintahang, ano?” tatawa-tawa niyang sabi rito.
“Oo nga, eh!” tugon nito saka na niya ito muling pinaalis sa kanilang bahay dahil gusto nang magpahinga ng kaniyang kasintahan.
Kaya lang, halos tatlong buwan lamang ang nakaraan, nang siya’y maging abala sa pagtatrabaho, nabalitaan niyang mayroong binata raw ang palaging naghahatid at sundo kay Allain sa trabaho!
Hindi niya malaman kung bakit, pero siya’y agad na nakaramdam ng selos nang malaman niya ito dahilan para agad niyang puntahan sa bahay ang kaibigan niyang iyon.
Pagpunta niya roon, kitang-kita niya kung paano bumaba sa isang magarang sasakyan si Allain. Masaya rin itong kumaway sa lalaking nasa loob ng sasakyan. Buong akala niya’y pagkatapos noon ay makakausap na niya ang dalaga ngunit mayamaya, bumaba pa sa sasakyan ang kasama nitong binata at ito’y humalik sa pisngi ng kaibigan niya.
Sa labis niyang pagkabigla, agad siyang napahangos at kaniyang nasapok ang naturang binata.
“Kaloy! Anong ginagawa mo?” gulat na gulat na sigaw ni Allain.
“Binabastos ka na nito, eh! Tuwang-tuwa ka pa riyan!” sigaw niya rito.
“Anong binabastos? Nobyo ko ito, Kaloy! Masama bang halikan ako sa pisngi ng kasintahan ko?” tanong nito na ikinagulat niya.
“Kasintahan mo na ang mokong na ‘to? Bakit hindi mo sinasabi sa akin, ha?” galit niyang tanong dito.
“Kailangan ko bang sabihin sa’yo lahat ng kaganapan sa buhay ko? Palagi mo nga akong tinataboy nitong mga nakaraang, eh, tapos ngayon gan’yan ang ipapakita mong ugali sa nobyo ko? Sino ka ba sa inaakala mo, ha?” galit nitong sabi saka agad na hinila papasok ng bahay ang binatang sinapok niya.
Dahil sa pangyayaring iyon, lalong lumabo ang pagkakaibigan nilang dalawa ni Allain. Panay selos man ang nararamdaman niya tuwing nakikita niya itong kasama o kausap ang kasintahan nito, wala siyang magawa kung hindi ang mapabuntong-hininga at itago ang totoo niyang nararamdaman.
“Aminin mo, may nararamdaman ka para sa bespren mo, ano?” biglang sabi ng kinakasama niyang dalaga na nagpatalon ng puso niya.
“A-anong kalokohan ‘yan, mahal?” uutal-utal niyang tanong dito.
“Kalokohan? Pati nga sa pagtulog mo, pangalan niya ang binibigkas mo. Aminin mo nang may gusto ka sa kaniya, kaysa pinapahirapan mo ang sarili mo,” payo nito sa kaniya, “Huwag mo na akong intindihin, sa katunayan, sumama lang naman talaga ako sa’yo para may makasama lang ako sa kama pero ni katiting na pagmamahal, wala akong maramdaman para sa’yo. Ngayong nakokonsensya na ako, papakawalan na kita,” dagdag pa nito saka agad nang nag-empake na talagang nagbigay sa kaniya nang magkahalong emosyon.
Dobleng sakit man ang naramdaman niya noong panahong iyon, lamang pa rin ang espasyo ng pagsisisi sa puso niya dahil sa ginawa niya sa kaniyang matalik na kaibigan na kung hindi niya lang sana pinagtabuyan ay nobya na niya sa ngayon.
“Huwag kang mag-alala, Allain, kapag sinaktan ka niya at iniwan, handa akong ipatanggol ka at maging sandalan mo. Pangako, kapag nagkaroon ulit ako ng pagkakataon na mapalapit sa’yo, hinding-hindi na kita itataboy palayo,” sabi niya sa hangin habang pinagmamasdang masayang nakikipagkwentuhan ang kaibigan niya sa nobyo nito.