Simula nang makakuha ng mataas na posisyon ang dalagang si Mae sa isang kilalang hotel sa Maynila, ganoon niya na lamang kung maliitin ang kapatid niyang nagtatrabaho sa isang restawran sa probinsyang kinalakihan nila.
Parehas naman silang nakapagtapos ng pag-aaral. Sa katunayan pa nga, may pinakamataas na parangal pa ang kapatid niyang ito noong makapagtapos ito ng kolehiyo, habang siya, ang mga grado niya ay puro pasang awa!
Ito ang dahilan upang ganoon niya na lamang ito maliitin at ipagmalaki rito ang trabahong mayroon siya kahit pa b*bita siya noon sa paaralan.
“Sabi ko na nga ba, eh, walang magandang maidudulot sa buhay ko ang pagkakaroon ng matataas na grado! Mabuti na lang talaga, hindi ako nagsunog ng kilay sa pag-aaral noon, kung hindi baka kasing p*ngit ng trabaho ni ate ang trabaho ko ngayon!” sabi niya habang sabay-sabay silang mag-iina na nakain ng almusal, isang araw nang makita niya sa mukha ng kapatid ang pagod.
“Ano ka ba, bunso? Maganda rin naman ang trabaho ng ate mo, ha!” pagtatanggol ng kaniyang ina.
“Naku, ito ka na naman, nanay! Kinakampihan mo na naman si ate porque palagi ka niyang napapaakyat sa entablado noong nag-aaral pa kami! Sa tagal niya sa pagtatrabaho, napaangat niya ba ang buhay natin? Hindi, ‘di ba? Kasi nga, sa pag-aaral lang siya magaling, hindi sa pagkuha ng magandang trabaho!” pangmamaliit niya pa rito na ikinangiti lang ng kaniyang ate.
“Tumahimik ka na riyan, Mae. Hindi na maganda ang mga lumalabas sa bibig mo! Kumilos ka na riyan at baka mahuli ka pa sa trabaho!” payo ng kaniyang ina na ikinatawa niya.
“Ayos lang kahit mahuli ako sa trabaho, nanay, baka nakakalimutan mo, ako ang manager! Iyang si ate ang pagmadaliin mo, baka kapag nahuli ‘yan sa trabaho, mabawasan pa ang maliit niyang sahod!” sigaw niya kaya agad na ring umalis ang kaniyang kapatid at siya’y pinagpapalo sa braso ng kaniyang ina.
Sa labis na kagustuhan niyang mapahiya ang kapatid niya, imbis na siya’y dumiretso sa trabaho, sinundan niya pa ito sa restawrang pinagtatrababuhan nito at ito’y pinagmasdan kung paano magtrabaho.
Hindi pa siya nasiyahan at siya’y pumasok pa sa naturang restawran bilang isang kustomer. Nang makita siya ng isa sa mga katrabaho ng kaniyang kapatid, siya’y agad nitong nilapitan upang kuhanin ang kaniyang order.
“Ayokong ikaw ang kumuha ng order ko. Gusto ko si ate ang magsilbi sa akin,” maldita niyang sabi rito.
“Ay, ma’am, pasensya na po kayo, kung ayos lang po sa inyo, ako na pong bahala sa lahat ng kailangan niyo. Hindi na po kasi maaaring magsilbi sa mga kustomer ang ate niyo,” magalang nitong sagot. “Anong ibig mong sabihin d’yan?” tatawa-tawa niyang tanong.
“Hindi niyo po ba alam na siya na ang may ari ng restawrang ito?” tugon nito na talagang ikinapagtaka niya.
“Anong kabaliwan ang sinasabi mo riyan? Sa baba ng sahod niya, imposibleng mapasakaniya ang branch na ito!” sigaw niya.
“Sa kaniya na po talaga ito nakapangalan, ma’am. Sa sipag at dedikasyon po ng ate niyo sa trabaho, maraming kustomer ang nahumaling sa kaniya. Sa araw-araw, nakakalikom siya ng sampu hanggang labing limang libong piso dahil sa mga mayayaman naming kustomer na nagbibigay sa kaniya. Lahat po iyon ay inipon niya hanggang sa mabili niya itong restawran,” kwento nito na talagang nagpatulala sa kaniya.
“Ngayon, bunso, magagawa mo pa ba akong maliitin? Patunay lang ang gradong nakuha ko noon sa kung anong kaya kong gawin sa buhay ko. Ako ba ang gusto mong magsilbi sa’yo? Walang problema!” sabi pa ng kaniyang kapatid saka kinuha ang menu board sa naturang empleyado, “Ano pong order niyo, ma’am?” tanong nito sa kaniya at dahil sa labis na pagkahiya, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang umalis doon at bumalik sa kanilang bahay upang ikumpirma sa ina ang nalamang balita.
“Kaya nga todo awat ako sa’yo sa mga pananalita mo sa ate mo, eh! Ikaw kasing bata ka, wala ka pa mang nararating, nagyayabang ka na! Ayaw mong gayahin ang ate mo na kahit may ipagmamayabang na, tahimik at nagsusumikap pa rin! Humingi ka ng tawad sa kaniya, tiyak naman na patatawarin ka no’n!” sabi pa ng kaniyang ina.
Sa oras iyon, pakiramdam niya, siya na ang pinakamaliit na tao sa bahay na iyon. Hiyang-hiya kasi siya sa ginawa niya sa kapatid at sa pinakita niyang ugali sa restawran nito. Gustuhin man niya sanang pumasok sa trabaho, hindi niya magawa dahil sa kahihiyang bumabalot sa kaniyang puso.
Aral ang napulot niya sa pagkakamali niyang iyon kaya siya’y agad na humingi ng tawad sa kaniyang kapatid at kailanman ay hindi na ipinagkumpara ang tagumpay nilang dalawa. Bagkus ito’y pinag-isa nila upang mabigyan nang magandang buhay ang kanilang ina.