Inday TrendingInday Trending
Niregaluhan Niya ng Parrot ang Kaniyang Lola; Iyon pa pala ang Magliligtas ng Buhay Nito

Niregaluhan Niya ng Parrot ang Kaniyang Lola; Iyon pa pala ang Magliligtas ng Buhay Nito

“Lola, aalis na po ako, ha?” Agad na bumalatay ang lungkot sa mukha ng kaniyang lola nang magpaalam dito si Julia. Papasok na kasi siya sa trabaho, ngunit ayaw nito. Dahil doon ay napahugot ng malalim na paghinga ang dalaga at muli itong kinausap. “Lola, nandito naman po si yaya, e. Sa kaniya ka muna, okay? Uuwi naman po ako mamaya, pagkatapos ng trabaho ko,” sabi pa niya sa kaniyang lola at dahil doon ay ngumiti na ito sa wakas.

Naaawa si Julia sa kaniyang lola. Kung puwede nga lang na hindi na siya umalis ng bahay ay hindi niya na ito iiwan at tututukan na lamang ang pag-aalaga rito. Kaya lang ay hindi naman ’yon maaari dahil nagsisimula pa lamang lumago ang kaniyang negosyo. Buhat nang ma-stroke ang kaniyang lola ay naging malungkutin na ito. Hindi na kasi ito nakakapagsalita nang maayos at palagi na lamang nasa kaniyang wheelchair, dahil naparalisa ang mahigit sa kalahati ng katawan nito. Dahil doon ay kumuha si Julia ng mag-aalaga sa kaniyang lola at makakasama nito sa tuwing wala siya sa kanilang tahanan.

Lola’s girl si Julia. Ito na kasi ang nag-alaga sa kaniya buhat nang maghiwalay ang kaniyang mga magulang at pareho na silang nagkaroon ng kaniya-kaniyang asawa. Dahil doon ay labis na naging malapit ang dalaga sa matanda at mahal na mahal niya ito. Gustuhin man ni Julia na ibalik sa kaniyang lola ang lahat ng pag-aalagang ginawa nito sa kaniya noong bata pa siya ay hindi naman niya kayang hatiing ang sarili. Kailangan din niyang kumayod para mabuhay silang dalawa lalo pa at ngayon ay nagme-maintenance na ito. Mahal ang mga gamot kaya nga halos hindi na natutulog si Julia sa kakakayod.

Nang pauwi na siya sa kanilang bahay nang araw na ’yon ay hindi sinasadyang napadaan siya sa isang bagong bukas pa lamang na pet shop. Dahil doon ay may naisip siyang ideya. Ano kaya kung bilhan niya ng alaga ang lola niya? Para naman may mapaglibangan ito sa tuwing wala siya.

Isang Parot ang napili niyang bilhin. Madali kasing alagaan ang ibon kumpara sa ibang hayop, dahil hindi ito kailangang intindihin maya’t maya ng kaniyang lola. Bukod doon, ang sabi ng nagtitinda ay pwede raw turuan ang nasabing Parot na magsalita. Naisip tuloy ni Julia na baka maaari itong gawing therapy ng kaniyang lola para mabilis itong maka-recover mula sa pinagdaanang stroke.

“Lola, may surpresa ako sa ’yo!” masayang ani Julia sa matanda nang sa wakas ay makauwi na siya. Agad naman siyang sinalubong nito ng mahigpit na yakap, kahit pa hirap pa rin itong gumalaw ngayon.

Ipinakita ni Julia ang binili niyang Parot at agad naman niyang nakita ang tuwa sa mga mata ng matanda. Mukhang nagustuhan nito ang kaniyang pasalubong!

Simula noon, hindi na masiyadong nag-aalala si Julia sa kaniyang lola, dahil mabilis itong naging malapit sa kaniyang alaga. Nalilibang ito dahil napakaganda rin naman ng hirtsura ng nasabing ibon. Tama rin ang hinala ni Julia na makakatulong ito sa mabilis na pag-recover ng kaniyang lola, dahil unti-unti ay nakapag-utal nang muli ng mga salita ang matanda, kasabay ng unti-unti ring pagkatutong magsalita ng ibon. Madalas silang gayahin nito sa kahit na anong sinasabi nila, kaya naman lalo pang natuwa roon ang kaniyang lola.

Ngunit ang mas hindi inaasahan ni Julia ay nang dumating ang oras na bigla’y inilgtas ng nasabing ibon ang kaniyang mahal na abuela…

Pumasok si Julia sa trabaho nang araw na ’yon, gaya ng araw-araw niyang ginagawa. Lalo pa kasi siyang naging busy ngayon dahil unti-unti nang lumalaki ang kaniyang negosyo. Hindi niya alam kung bakit nang araw na ’yon ay sobrang kabado siya…iyon pala ay may aksidente nang nangyayari sa kanilang bahay!

“Hello, ate? P’wede po bang umuwi muna kayo? Nagkaroon po kasi ng malaking sunog ngayon dito sa bahay!” balita sa kaniya ng kanilang kasambahay na agad namang nagpataranta kay Julia.

Napahangos si Julia pauwi. Doon niya nalaman na nagkaroon pala ng sunog, dahil mayroong nagtangkang magnakaw sa kanilang tahanan. Gumamit ito ng pampasabog para mabuksan ang volt na nasa kaniyang kuwarto, kung saan siya naglalagay ng mahahalagang gamit, ngunit hindi inaasahang sumiklab naman ang ilang mga gamit na nadali ng naturang pagsabog.

Dahil doon ay agad na nagtatakbo palabas ang kawatan nang hindi man lang inaapula ang apoy! Huli na nang malaman ng kaniyang kasambahay ang nangyayari sa labas, gayong nasa itaas pa man din ang kaniyang lola! Mabuti na nga lang talaga at humiyaw ng “Tulong!” ang kanilang alagang Parrot hanggang sa may makarinig sa kaniya. Hindi akalain ni Julia na ito pa pala ang magliligtas sa buhay ng kaniyang lola. Lalo tuloy niyang ipinagpasalamat sa Diyos ang naging desisyon niyang bumili ng nasabing Parrot. Simula noon ay dinagdagan pa ni Julia ang kanilang mga alagang hayop, bilang pagkilala sa kabayanihang ginawa ng ibong alaga nila para sa kanila.

Advertisement