Nag-uwi ng Bagong Babae ang Kaniyang Ama Matapos Mawala ang Kaniyang Ina; Gagawin Niyang Miserable ang Buhay Nito
“Sino ’yan, papa?!” pasinghal na tanong ni Cara sa kaniyang ama nang isang araw ay bigla na lamang itong umuwi na may babaeng nakaangkla sa mga braso nito. “May pamalit ka na agad kay mama, gayong ilang buwan pa lang ang nakakalipas simula nang sumakabilang buhay siya?!” Hawak pa man din ni Cara sa kaniyang kamay ang litrato ng kaniyang ina, at iniiyakan niya iyon kanina bago pa dumating ang mga ito.
“Anak, pakinggan mo muna ako. May kailangan kang—”
Hindi na natapos pa ng kaniyang ama ang sana’y sasabihin nito dahil itinaas ni Cara ang kaniyang palad. “Hindi ko na ho kailangan ang paliwanag ninyo. Bahala ho kayo kung gusto ninyong itira sa bahay na ’to ang babaeng ’yan dahil wala naman akong ibang magagawa. Anak n’yo lang ako. Basta, gusto ko lang sanang malaman ninyo na hindi ko siya tinatanggap.” Pagkatapos no’n ay tinalikuran na ni Cara ang ama at ang babae nito.
Buhat nang araw na ’yon ay hindi niya na kinausap pa ang kaniyang ama. Masama ang loob niya. Hindi pa nga siya nakakahuma mula sa pagkawala ng kaniyang ina ay mayroon na agad itong iba! Hindi naman sila gaanong malapit sa isa’t isa ng kaniyang ina. Sa katunayan ay mas malapit pa siya sa kaniyang ama. Iyon ang dahilan kaya’t mas lalong masama ang loob niya, dahil hindi man lang siya nabigyan ng pagkakataong mas maramdaman ang pagmamahal ng kaniyang mama.
Lumaki siyang palaging magkaaway ang kaniyang mga magulang. Pasalamat na nga lang siya at tumagal ang mga ito nang ilang taon, hanggang sa mawala na lang sa mundo ang kaniyang ina. Kahit kailan kasi ay hindi niya narinig na sinabi ng kaniyang ama na mahal nito ang asawa, at para bang masiyado itong malayo sa kaniyang ina kundi nga lang dahil sa kaniya.
Dahil sa sobrang sama ng loob ay hindi pinakinggan ni Cara kailan man ang tangkang pakikipag-usap sa kaniya ng kaniyang ama. Bukod doon ay ginawa niya rin ang lahat para lang maging miserable ang buhay ng kaniyang ‘madrasta’ na himalang hindi rin naman nagsusumbong sa kaniyang ama sa lahat ng pambabastos at pang-aalipusta niya rito. Pinagsisilbihan siya ng nasabing babaeng napag-alaman niyang nagngangalang Carmina. Ginawa nito ang lahat upang makuha ang kaniyang loob, ngunit naging matigas ang puso ni Cara para dito.
“Hindi kita kailan man matatanggap kahit na ano pa ang gawin mo. Itigil mo na ang pagpapanggap na may pakialam ka sa akin, dahil alam ko namang pera lang ng tatay ko ang habol mo!” minsan ay tahasang sabi niya sa babae nang dalhan siya nito ng kape sa habang naroon siya sa salas. Napayuko lamang ito at hindi na nag-abalang sumagot pa, ngunit napaigtad siya nang biglang sumigaw ang ama na kanina pa pala nakatayo sa kanilang likuran!
“Wala kang karapatang pagsalitaan ng ganiyan ang mama mo, Carmina!” galit na galit na sigaw nito sabay sampal sa kaniya!
Agad namang nagpuyos ang damdamin ni Cara sa sobrang galit. Nagawa siyang saktan ng sariling ama, dahil lang sa babaeng ito?! “Huwag n’yo nga siyang tawaging mama ko, dahil hindi ko naman siya nanay!” hiyaw niya pabalik, ngunit ang sumunod na sinabi ng kaniyang ama ang nagpagulat sa kaniya.
“Diyan ka nagkakamali, Julia…dahil ang totoo, siya ang tunay mong ina,” nayuyukong sabi ng kaniyang ama bago ito nagsimulang magkuwento.
“Sanggol ka pa lang buhat nang ilayo ka ng pamilya ko sa mama mong si Carmina. Ayaw kasi sa kaniya ng aking ina—ng lola mo—kaya naman gumawa ito ng paraan para paglayuin kaming dalawa. Ang buong akala ko ay iniwan ako ng ’yong ina, kapalit ang perang ibinigay sa kaniya ng lola mo. Iyon pala ay tinakot lang siya nito na kapag nagpumilit pa siyang makipagkita sa akin ay idadamay ka raw sa galit ng ’yong lola. Dahil doon ay nagpakasal ako sa kinilala mong ina at sinubukan kong kalimutan si Carmina, ngunit bago mawala sa mundo ang kinilala mong ina ay inamin niya sa akin ang lahat. Iyon ang dahilan kung bakit mabilis kong hinanap ang tunay mong ina at dinala ko siya rito para magkasama na tayong tatlo,” mahabang paliwanag pa ng kaniyang ama.Sa nalaman ay halos hindi makapaniwala si Cara. Bigla siyang napaluhod at napaiyak. Maling-mali pala ang ginawa niya sa mismong tunay na ina, kaya naman labis ang naging pagsisisi niya ngayon!
“Alam ko pong hindi sapat ang paghingi ko sa inyo ng tawad…pero, mama, sana po ay bigyan n’yo ako ng pagkakataong makabawi.”
Pagkasabing-pagkasabi niya noon ay umiiyak siyang niyakap ng kaniyang ina. Hindi na nito kailangan pang magsalita upang iparating na pinapatawad na siya nito. Laking pasasalamat ni Cara, dahil doon. Ipinangako niya sa inang babawiin nila ang lahat ng nawalang panahon na sila ay magkasama. Mamahalin niya ito nang buong-buo at simula ngayon ay magiging mabuti siyang anak sa kaniyang mga magulang.