Nagalit ang Aleng Ito sa Kaniyang Ampon nang Ipatawag Siya ng Guro nito sa Eskuwelahan; Pahiya Siya nang Malaman ang Totoong Dahilan!
“Mama, p-pinatatawag daw po kayo ni teacher sa s-school,” nayuyukong saad ng batang si Pinggoy sa kaniyang kinagisnang inang si Aling Jessa, ang taong siyang nag-ampon sa kaniya, dahil wala itong kakayahang magkaroon ng sariling anak.
“Ano?!” agad namang bulyaw ni Aling Jessa sa narinig na sinabi ng kaniyang ampon. “Anong kalokohan na naman ang ginawa mong bata ka? Perwisyo ka talaga!” hiyaw pa niya at dahil doon ay napaatras naman sa kinatatayuan nito ang bata.
“W-wala po akong ginawang masama, m-mama! A-ang totoo po n’yan—”
Ngunit bago pa man matapos nito ang sasabihin ay tinamaan na ito ng lumilipad na tsinelas ng ginang. Agad na umiyak si Pinggoy habang hawak ang tinamaang noo. “Pumasok ka sa kwarto mo at mag-aral ka roon! Hindi ako nagpapakahirap na magtrabaho para lang gumawa ka nang gumawa ng kalokohan!” hiyaw pa ni Aling Jessa kaya naman tinalima na lamang iyon ng kaniyang anak.
Nasapo niya ang kaniyang kumikirot na ulo. Hindi niya mapigilang hindi mainis sa bata, dahil sa tuwing nakikita niya ito ay naaalala niya ang dahilan kung bakit siya iniwan ng kaniyang asawa. Hindi niya kasi ito kayang bigyan ng anak kaya naman naisipan niyang mag-ampon. Akala niya, dahil doon ay mabubuo na ang kanilang pamilya ngunit imbes ay lalo pang lumayo sa kaniya ang loob ng mister at iniwan silang dalawa! Simula noon ay kay Pinggoy na ibinaling ni Aling Jessa ang kaniyang galit. Dito niya ibinuhos ang lahat ng kaniyang inis at kamiserablehan sa mundo.
Dama naman ni Aling Jessa na noon pa man ay sinusubukan na ng bata na maging malapit sa kaniya, ngunit sadyang hindi niya ito binibigyan ng importansiya. Malas ang tingin niya rito at ito rin ang sinisisi niya sa lahat ng masamang nangyari sa kaniyang buhay. Hindi ito biyaya, kundi isang sumpa kung ituring ni Aling Jessa!
Kinabukasan ay maagang gumayak ang ginang. Nagulat pa si Pinggoy nang makitang nakabihis siya. “Ano’ng tinitingin-tingin mo? Halika na at baka mahuli tayo sa eskuwelahan mo! Ipinapatawag ako ng teacher mo, hindi ba? Siguraduhin mo lang Pinggoy na hindi masiyadong mabigat ang kalokohang ginawa mo, dahil kapag napahiya ako sa eskuwelahan ninyo, humanda ka sa akin pag-uwi natin!” mahabang sermon niya pa sa bata na agad namang tinanguan nito.
Pagkarating na pagkarating pa lang nina Aling Jessa at Pinggoy sa eskuwelahan ay masaya na silang binati ng guro nitong nakasalubong nila sa gate. “Misis, naku, buti naman po at pinaunlakan ninyo ang imbitasyon ko! Matagal ko na ho talaga kayong gustong makausap, e. Halina ho kayo sa faculty room at nang makapag-usap ho tayo nang maayos,” anito na agad namang ipinagtaka ni Aling Jessa, ngunit nagpatianod na lang siya nang igiya sila nito sa faculty room.
“Ano ho bang kasalanan nitong batang ito, ma’am? May ginawa ho ba siyang kalokohan?” agad na tanong ni Aling Jessa sa nasabing guro matapos siya nitong paupuin sa harap nito.
Natawa lang ang guro ni Pinggoy sa narinig bago ay umiling ito. “Naku, hindi po, misis. Ang totoo po n’yan ay ipinatawag ko kayo dahil gusto ho naming mga guro ni Pinggoy na bigyan siya ng scholarship para makapag-aral siya ng highschool sa isang magandang eskuwelahan. Napakatalino po kasi ng anak ninyo. Bukod doon ay napakabait din niyang bata. Siya ho ang pinakamasipag, pinakamatulungin at pinakamasayahin naming estudyante na palaging naghahatid ng ngiti sa aming lahat. Saludo po kami as inyo sa maayos na pagpapalaki ninyo kay Pinggoy,” nakangiting sabi pa ng guro na halos ikalaglag naman ng panga ni Aling Jessa.
Literal siyang napanganga. Hindi niya inaasahan ang sinabing ’yon ng guro dahil ang buong akala talaga niya’y may kasalanan ito kaya siya ipinatatawag! Bigla tuloy siyang nakonsensiya sa ginawa niya kay Pinggoy kagabi nang magsabi ito sa kaniya!
Dahil doon, pag-uwi nila ng bahay ay agad na napaiyak si Aling Jessa sa harap ni Pinggoy. Labis ang pagsisisi niyang nararamdaman sa kaniyang puso. Mahal naman talaga niya ang bata, ngunit nangibabaw ang galit sa kaniyang damdamin.
“Patawarin mo ako, Pinggoy, anak. Sobrang laki na pala ng pagkukulang ko sa ’yo nang hindi ko napapansin,” humahagulhol pa ring aniya sa bata. Labis na kahihiyan ang nararamdaman niya ngayon kapag naaalala niya ang papuri sa kaniya ng guro nito.
Maya-maya pa, naramdaman na lamang ni Aling Jessa na niyakap siya ni Pinggoy. “Ayos lang po ’yon, mama. Mahal ko pa rin naman po kayo, e. I love you po!” sabi pa nito na lalong nagpahagulhol sa ginang.
Dahil doon ay unti-unting nagbago ang pakikitungo ni Aling Jessa sa kaniyang anak. Natuto na siyang pakitaan ito ng pagmamahal na labis namang ikinasaya ng bata. Pinagsisihan ni Aling Jessa ang ginawa niya rito, kaya ngayon ay balak niyang bumawi sa anak, kahit habang buhay. Dahil doon ay mas naging maganda na ang kanilang pagsasama.