Nagtiyaga ang Babaeng ito na Turuan ang Kaklase Niyang Mahina ang Isip; Matinding Biyaya pala ang Ihahatid nito sa Kaniya sa Huli
Galit na galit na naman ang kanilang guro. Paano kasi ay naabutan nitong sira na naman ang kaniyang mesa, at inaayos iyon ni Jared—ang pinakapasaway nilang kaeskuwela.
“Ano na namang ginawa mo, Jared? Nakasira ka na naman?!” hiyaw agad ng guro nang hindi man lang itinatanong kung ano ang nangyari.
“H-hindi po, ma’am—”
“Huwag ka nang magpaliwanag!” putol naman ng kanilang guro sa sana’y sasabihin ng binata. “Wala nang naniniwala sa paliwanag ng isang sinungaling na kagaya mo! Pumunta ka sa guidance office. Doon ka magmuni-muni sa detention!” hiyaw pa nito.
Walang ni isa man sa kanilang mga kaeskuwela ang nagtangkang ipagtanggol man lang si Jared at sabihin kung ano talaga ang totoong nangyari. Napailing na lamang si Myca—ang kanilang class president—dahil wala siyang choice kundi ang siya na lamang ang magpaliwanag sa kanilang guro na hindi si Jared ang may kasalanan.
“Ma’am, hindi po si Jared ang may gawa n’yan,” saad ni Myca na agad namang nagpahinto sa noon ay papalabas na sana nilang guro kasama si Jared. “May mga naghaharutan po kasing pang-umagang estudyante rito kanina, at sila po ang nakasira n’yang teacher’s table. Wala po kasing ibang marunong gumawa sa amin kundi si Jared lang kaya nagpresinta na po siyang siya na lamang ang mag-aayos,” malumanay na sabi pa ni Myca kaya’t naliwagan ang kanilang guro.
“Ganoon ba?” Parang napapahiyang sabi pa ng guro. “Bakit hindi n’yo sinabi agad? O, siya. Maupo ka na roon ulit, Jared.”
Nakahinga nang maluwag si Jared at hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Myca. Ang totoo ay naaawa siya sa kaeskuwela niyang ito. Alam naman niya kung bakit pinag-iinitan ito ng karamihan sa kanilang mga guro. Iyon ay dahil bukod sa bulakbol na ito noon ay ito rin ang may pinakamahinang ulo sa kanilang lahat. Para bang wala itong kagana-ganang mag-aral at madalas ay tamad na tamad pa itong pumasok.
Ngunit para kay Myca ay mas lalong kailangan itong pagtuunan ng pansin ng kanilang mga guro, lalo pa at ang mga magulang nito ang isa sa pinakamalaking mag-donate ng pera sa kanilang school dahil sa angkin nilang yaman. Si Myca nga ay nakapasok lamang doon dahil sa kanilang programang pagbibigay ng scholarship sa mga katulad niyang mahihirap.
Naaawa tuloy siya kay Jared. Kaya naman nang matapos ang klase nila ay agad niya itong tinabihan upang kausapin… “Gusto mo bang i-tutor kita? Para hindi ka na laging pinag-iinitan ng mga teachers natin,” bigla ay alok ni Myca sa kaeskuwela na halatang nagulat naman sa kaniyang alok.
“B-bakit mo ako tutulungan?” takang tanong naman nito ngunit nagkibit-balikat lang si Myca.
Napabuntonghininga na lang si Jared. Bakit pa nga ba siya nagtatanong, e, kailangan naman talaga niya ang tulong nito. Sigurado namang naaawa lang sa kaniya si Myca. Dahil doon ay walang pakundangang pumayag na lang siya.
Araw-araw, tuwing break time at pagkatapos ng uwian ay nagpapaiwan sina Jared at Myca sa school upang magturuan. Muli ay ipinaliliwanag ni Myca sa binata ang mga lessons nila na hindi nito naiintindihan, at dahil doon ay mabilis nito iyong natutunan! Simula nang tutor-an ni Myca si Jared ay naging maganda na ang takbo ng buhay highschool nito at kalaunan ay naka-graduate pa sila nang sabay na mayroong nakuhang awards!
Kahit hanggang sa magkolehiyo na ang dalawa ay nanatili silang matalik na kaibigan. Ang hindi naman alam ni Myca, dahil sa kaniyang ginawang kabutihan ay ikinatuwa nang labis ng mga magulang ni Jared ang naging pagbabago ng kanilang anak! Isang araw ay bigla na lamang siyang nagulat na naroon ang mga ito, kasama si Jared, sa kanilang tahanan dahil gusto siya nitong bigyan ng malaking reward money para sa ginawa niyang kabutihan!
“Tanggapin mo ang ibinibigay ng mga magulang ko sa ’yo, Myca. Hindi ’yan bayad kundi pagtanggap ng utang na loob. Gusto kong maging maganda rin ang buhay mo, lalo pa at alam kong malaki ang pangarap mo para sa ’yong pamilya. Sabay tayong bubuo ng pangarap natin para sa kinabukasan, Myca,” pangungumbinsi pa sa kaniya ni Jared noon kaya hindi na nakatanggi pa si Myca.
In-invest niya ang perang ibinigay ng mga ito sa isang negosyong pinagtulungan nilang itayo ni Jared. Kahit nasa kolehiyo pa silang dalawa ay nagsimula na silang kumayod at magtrabaho, kaya naman nang pareho na silang makapagtapos ay malago na rin ang kanilang negosyo!
Labis ang naging pasasalamat ng dalawa sa isa’t isa, dahil pareho silang naghilahan pataas. Sa tagal din ng kanilang pagsasama, hindi na rin naiwasan ng dalawa na sa huli ay mahulog sila sa isa’t isa na naging dahilan kaya’t sila ang nagkatuluyan. Wala namang kaso iyon sa kani-kaniya nilang kaanak. Ngayon ay masaya na silang bumubuo ng sarili nilang pamilya.