Agad Siyang Nagalit sa Kaibigan nang Mapansing Todo Dikit Ito sa Hinahangaan Niyang Binata, Siya Pala ang Dahilan Nito
Walang inililihim ang dalagang si Roseth sa pinsan niyang si Katcha. Lahat na yata ng kasalanan o bahong mayroon siya sa buo niyang pagkatao ay alam na nito dahil labis niya itong pinagkakatiwalaan. Ganoon din naman ito sa kaniya. Sa katunayan, lahat ng sikreto nito ay alam niya rin at kaniya rin itong pinapangalagaan.
Kaya naman, nang silang dalawa ay matungtong na sa kolehiyo at siya’y makakita ng isang binatang agad na bumihag sa puso niya, agad niya itong sinabi rito.
“Katcha, napansin mo ba ‘yong kaklase nating lalaki na kulay itim ang bag at medyo mahaba ang buhok?” tanong niya rito habang sila’y naglalakad pauwi.
“O, huwag mo sabihin sa aking crush mo na agad ‘yon? Unang araw pa lang natin sa kolehiyo, kalandian na agad ang inatupag mo!” sambit nito na bahagya niyang ikinasimangot.
“Ano namang masama roon? Gagawin ko lang naman siyang inspirasyon, eh! Ang gwapo-gwapo niya kaya! Sayang lang at hindi ko natandaan ang pangalan niya noong magpakilala siya sa harapan! Nawindang na ako sa hulma ng mukha niya, eh!” kikilig-kilig niya pang kwento.
Bigla naman nila itong nakitang nakain ng pares sa labas ng kanilang unibersidad kaya siya’y agad na nagtago sa likod ng kaniyang pinsan.
“Gusto mo bang itanong ko ulit kung anong pangalan niya?” sabi nito.
“Hoy, huwag na!” tugon niya ngunit tinuloy pa rin nito at pinakilala pa siya nito na talagang ikinahiya niya.
Papalampasin na niya sana ang kaepalang ginawa ng pinsan niya nang araw na iyon. Kaya lang, napansin niyang napapadalas na ang pagsama nito sa naturang binata na agad na nagbigay sa kaniya ng inis dahilan para kaniya itong iwasan.
“Hoy, Roseth, anong problema mo? Bakit parang iniiwasan mo ako?” tanong nito sa kaniya.
“Ayoko sa kasi sa linta at mang-aagaw,” seryoso niyang sabi.
“Ha? Anong ibig mong sabihin?” tanong pa nito.
“Sinabi ko lang sa’yo na may nararamdaman akong paghanga sa kaklase natin, todo dikit ka na sa kaniya! Akala mo ba hindi ko napapansin na parang may gusto ka na rin sa kaniya?” galit niyang sigaw dito.
“Diyos ko, Roseth! Iyan talaga ang iniisip mo? Akala ko pa naman kilala mo ako!” dismayadong sagot nito.
“Akala ko rin kilala kita pero mukhang hindi na! Malandi ka na ngayon, kaya ayoko na sa’yo!” sigaw niya rito saka niya ito agad na tinalikuran.
Kaya lang pagkaharap niya sa kaniyang likuran, naroon ang naturang binatang hinahangaan niya. May bitbit-bitbit itong mga bulaklak at maliit na teddy bear na agad ikinapula ng mukha niya.
“Pasensya ka na kung kinailangan ko pang humingi ng tulong kay Katcha para lang mapalapit sa’yo. Sana huwag masira ang relasyon niyong magpinsan dahil sa akin,” kamot-ulong sabi nito na nagbigay kilig at konsensya sa kaniya, “Sa ngayon, ayusin niyo muna ang problema niyo. Hihintayin kita rito hanggang sa magkabati kayo,” dagdag pa nito kaya wala na siyang sinayang na oras at agad na niyang hinabol ang pinsan niyang tumakbo na pala palayo.
Natagpuan niyang umiiyak si Katcha sa gilid ng isang palikuran. Sa sobrang pangongonsenyang nararamdaman niya, agad niya itong niyakap. Katakot-takot na pasensya rin ang hiningi niya rito na tumagal ng halos isang oras bago siya nito yakaping pabalik.
“Lahat gagawin ko para sa ikakasaya mo, Roseth. Asahan mong kahit kailan, hinding-hindi natin pag-aawayan ang lalaki. Bagkus, sisiguraduhin ko pang purong saya ang mararamdaman mo sa kaniya,” sabi pa nito sa kaniya na nagbigay sa kaniya ng reyalisasyon na sa kanilang dalawa, ito na ang pinakamabait, ito pa ang may malawak na pag-iisip.
Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon, binalikan niya nga binata kung saan niya ito iniwan. Labis naman siyang natuwa nang makitang naroon pa rin ito at matiyagang naghihintay. Agad niya na ring tinanggap ang bigay nitong mga regalo saka humingi rin ng pasensya rito.
Ang pagkikita nilang iyon ay nasundan pa nang nasundan hanggang sa tuluyan na itong umakyat ng ligaw sa kaniyang mga magulang na talaga nga namang ikinatuwa ng pinsan niyang si Katcha.
Hindi kalaunan, kaniya na ring ibinigay ang matamis niyang “oo” rito na talagang ikinatuwa ng lahat.
Sa kabila ng pagpasok niya sa isang romantikong relasyon, pinangako niya sa sarili na hindi ito magiging hadlang sa pagkakaibigan nila ni Katcha, bagkus, gagawin niya itong daan upang mas lalong lumalim ang kanilang pagmamahalan bilang magkaibigan.