Naaksidente ang Kaniyang Anak Pero ang Perang Makukuha ang Una Niyang Inisip, Pinagtabuyan Tuloy Siya Nito
Kung ang mga pangkaraniwang haligi ng tahanan ay walang ibang ginawa kung hindi ang masigurado ang kaligtasan at kabutihan ng kanilang mga anak, ibang-iba sa mga ito ang dekalibreng padre de pamilyang si Uno.
Imbis na siya ang magbanat ng buto para sa kaniyang dalawang anak na naiwan sa kaniya ng namayapa niyang asawa, ang mga ito ang kaniyang pinagtatrabaho habang siya ay maghapon at magdamag na nasa sug*lan o inuman.
Wala naman na sanang problema sa pagtutulak niya sa kaniyang mga anak na magbanat ng buto dahil nasa tamang edad na ang mga ito. Ang panganay niya’y bente singko anyos na habang ang bunso ay dalawangpung taong gulang na. Kaya lang, ang ginagawa niyang pagwawaldas sa perang kinikita ng dalawa ang nagpapasama sa imahe niya bilang isang ama.
Tuwing natatalo pa siya sa sug*l at walang maibigay ang kaniyang mga anak sa kaniya na pera, kakapkapan niya pa ang mga ito o hahalughugin ang bawat aparador na mayroon sa kanilang bahay para lang huwag siyang mapahiya sa kaniyang mga kalaro.
Kapag wala siyang mahagilap na pera sa mga ito, nangungutang siya sa mga taong kakilala ng kaniyang mga anak at ipapangakong ang mga ito ang magbabayad na talagang ikinaiinis na ng mga ito.
Lahat ay talagang gagawin niya huwag lamang matigil ang bisyo niya. Wala siyang pakialam kung mapapasama o masisira ang pangalan ng kaniyang dalawang anak dahil ang mahalaga lamang sa kaniya ay magkaroon ng perang gagastusin niya sa kaniyang luho.
Isang araw, habang siya’y naglalaro ng madjong sa bahay ng kumpare niya, napansin niyang isang daang piso na lamang ang perang mayroon siya. Magpapaalam na sana siya sa mga ito upang umuwi at kumuha ng pera sa kaniyang mga anak nang makatanggap naman siya ng tawag mula sa katrabaho ng panganay niyang anak na ito raw ay nakuryente habang nag-aayos ng kable ng kuryente!
Kung ang normal na magulang ay agad na mag-aalala sa kalagayan ng anak, naisip niya agad na magkakapera siya sa pangyayaring ito lalo na kung magrereklamo siya sa kumpanyang kinabibilangan ng kaniyang anak!
Kaya naman, oramismo ay nagtungo siya sa kumpanyang iyon upang humingi ng pera pang-areglo sa pangyayaring iyon imbis na sa ospital kung saan dinala ang kaniyang anak.
“Naku, sir, hindi po kayo pwede basta-basta pumasok dito,” awat sa kaniya ng sekyu sa gusaling iyon nang siya’y magpumilit na pumasok sa pinagtatrababuhan ng kaniyang anak.
“Anong hindi pwede? Hindi niyo ba alam kung anong ginawa niyo sa anak ko, ha? Gusto ko magkaroon ng hustisya ang naranasan ng anak ko!” sigaw niya kaya nakuha niya ang atensyon ng isang empleyado roon.
“Sir, maayos naman po ang lagay ng anak niyo. Sa katunayan po…” hindi na niya pinatapos ang sasabihin nito at agad niyang hinagis sa mukha nito ang bimpong pamunas niya ng pawis.
“Ano, porque maayos na ang lagay niya, wala na kayong pakialam sa kanuya? Magkakagulo tayo kapag inihayag ko sa social media ang ginawa niyo sa anak ko!” sigaw niya pa kaya nagsilapitan na rin ang ibang empleyado sa kaniya kasama ang may-ari ng kumpanya.
“Sir, diretsahin niyo na po kami. Ano po bang pakay niyo rito?” tanong ng may-ari sa kaniya.
“Bigyan niyo ako ng isang milyong piso kung ayaw niyong magsampa ako ng kaso laban sa pang-a*buso niyo sa anak ko!” sambit niya na ikinagulat ng lahat.
“Tama na, papa! Huwag niyo akong ipahiya sa trabaho ko!” sigaw ng kaniyang anak na talaga nga namang ikinalaki ng mata niya.
“Anong sinasabi mo riyan? Bakit ka narito? Mahiga ka muna roon sa ospital at kung maaari lang, dumaing ka nang dumaing para mas malaking pera ang maibigay nila sa atin!” bulong niya rito habang tinatapik-tapik ito sa likuran.
“Sa atin o para sa bisyo mo lang? Tumigil ka na, papa, kung patuloy mo kaming gagamitin ni bunso para matugunan ang luho’t bisyo mo, hindi kami aangat sa buhay at patuloy kaming malalagay sa hukay! Imbis na mag-alala ka sa akin, pera agad ang nasa isip mo! Maituturing mo ba talagang isang ama ang sarili mo?” mangiyakngiyak nitong sabi saka agad na siyang hinila palayo ng gusali, “Guard! Pakilayo na sa gusaling ito ang lalaking ‘yan! Simula ngayon, hindi ko na ‘yan kilala!” utos pa nito sa tatlong sekyung naroon dahilan para siya’y agad na isakay ng mga ito sa isang patrol at iuwi sa kanilang bahay.
Balak niya sanang ikwento ang nangyari sa bunso niyang anak at impluwensyahan itong magalit din sa panganay. Kaya lang, pagpunta niya sa kwarto ng dalawa, malinis ito at ni isang gamit ay wala ng natira.
Tatawagan niya pa lang sana ito nang siya’y makatanggap ng mensahe rito.
“Sasama na ako kay kuya kaysa mapariwa nang husto ang buhay ko sa’yo. Simula ngayon, magbanat ka na ng buto para may pera ka pangbisyo mo,” sabi nito na labis na dumurog sa puso niya.
Pilit man niyang tinawagan ang dalawa at tadtaran ng mensahe ang mga ito na siya’y magbabago na, ni isang text ay wala siyang natanggap sa mga ito.
Iyon na ang naging simula ng kalbaryo ng buhay niya. Roon niya pinakanaramdaman ang hirap ng buhay at ang kamaliang ginawa niya sa mga anak alang-alang sa kaniyang bisyo.
Sinubukan man niyang tinuwid ang buhay niya pagkalipas ng ilang buwan, may malaking espasyo pa rin sa puso niya na kahit anong gawin niya ay hindi niya mapunan.
“Kung alam ko lang na kaya niyo akong iwan, sana noon pa ako nagbago para sa inyo,” iyak niya habang hinihimas-himas ang larawan nilang mag-aama.