Pinilit ng Babae ang Anak na Mag-Praktis sa Sasalihang Kontes; Iyak Siya sa Naging Resulta Nito
May pagka-mahangin ang nanay na si Martha. Ang gusto niya ay ang anak lang niya ang naka-aangat sa lahat. Matalino ang anak niyang si Michelle na pitong taong gulang at nasa elementarya na.
Kapag inihahatid niya ang anak sa eskwela ay araw-araw niyang ipinagyayabang na ang anak niya ang pinakamatalino at pinakamagaling sa klase noong grade 1 at ngayong nasa grade 2 na ito, kailangan na mas mahusay pa rin ito sa mga kaklase.
Kaya palagi niyang pinaaalalahanan ang anak na mag-concentrate lang sa pag-aaral. “Michelle, anak huwag na huwag kang makikihalubilo o makikipag-usap sa mga kaklase mo ha? Tutukan mo lang ang pag-aaral mo at makikinig ng maigi sa titser. Tandaan mo na may grades kang dapat na alagaan. Dapat puro line of 9 ha?,’ bilin ni Martha sa anak isang araw habang naglalakad sila papasok sa eskwela. Malapit lang naman ito sa bahay nila, walking distance lang.
Tumingin ang bata sa ina at tumango. “O-Opo,” pilit na sagot nito.
Ang totoo ay salungat si Michelle sa kagustuhan ng nanay niya na huwag makipag-usap sa mga kaklase dahil sadyang palakaibigan siya at mahilig makipagkwentuhan. Pero wala siyang magagawa, utos ng nanay niya, eh kaya um-oo na lang siya kahit labag sa kalooban.
“Huwag ka ring makikipaglaro sa kanila ha? Dapat ay naka-focus ka lang sa pag-aaral ng mga lesson niyo sa school. Naiintindihan mo?” saad pa ng babae.
“Y-Yes po, mama. Susundin ko po ang gusto niyo,” tugon ni Michelle sa ina.
“Very good! Iyan ang gusto kong sagot. Sige, pasok na anak, ipakita mo sa mga kaklase mo na ikaw ang pinakamagaling sa kanilang lahat. Pabilibin mo ang mga titser mo sa recitation at quiz,” sabi pa ni Martha nang nasa eskwelahan na sila. Sinadya pa niyang lakasan ang boses niya para marinig ng mga kapwa niya nanay na naghatid rin ng mga anak.
Nang matanaw na nakapasok na ang anak ay suplada siyang tumalikod na at umalis. Hindi man lang niya binati ang mga nanay na naroon. Bakit nga naman niya pag-aaksayahan ng panahon ang mga ito? Ano bang pakialam niya? Kaya pinagtsitsismisan tuloy siya ng ibang magulang.
“Akala mo kung sino ‘yung babaeng iyon. Kung umasta akala mo may-ari nitong eskwelahan,” bulong ng isang ginang.
“Oo nga eh, napakayabang,” saad pa ng isa.
Isang umaga ay nagkaroon ng meeting ang mga magulang sa eskwelahan. Ipinatawag sila ng mga guro dahil may gaganapin daw na kontes at magkakalaban ang mga section. Ang titulo ng kontes ay ‘Little Miss Student’ kung saan magpapatagisan ng kagandahan at talino ang mga batang babae. Sa isang section ay kailangang pumili ng isang batang ilalaban sa ibang section.
Ibinida na agad ni Martha ang anak niyang si Michelle.
“Ang anak kong si Michelle ang nararapat na piliin sa section na ito. Bukod sa napakaganda nitong aking unia hija, eh napakatalino pa,” sabi niya.
Sumang-ayon naman ang ibang mga magulang at ang guro sa kaniya. Kilala naman kasing matalino at magandang bata ang anak niya kaya hindi na kumontra ang mga ito, kaya napagdesisyunan na si Michelle ang ilalaban nila sa representative ng ibang section.
“Naku, hinding-hindi kayo nagkamali ng desisyon. Siguradong si Michelle ko ang mag-uuwi ng korona at tropeyo,” pagyayabang pa niya.
Pinaghandaan ni Martha ang nasabing kontes. Ipinatahi pa niya ng magandang gown ang anak niya. Araw-araw din niyang pinapraktis ang bata para sa question and answer portion, kailangan na kabugin nito ang mga makakalaban. Kahit sa pagpa-praktis ng talent portion dapat ay perpekto at walang mali. Kahit pagod na pagod na ang anak kakapraktis ay hindi niya ito pinapahinto. Pinagagalitan pa nga niya ito at pinapalo pag sinasabing pagod na ito. Hindi ito pwedeng mapagod, kailangan na manalo ito sa kontes.
Dumting na ang araw na pinakahihintay ni Martha, sumapit na ang kontes. Talaga namang ginalingan ng anak niya ang pagrampa at pagsayaw sa talent portion kaya naman umabot ito sa top 3. Maglalaban pa ang tatlong bata para sa queston and answer, ang makakakuha ng pinakamataas na puntos ay siya ang mananalo. Nang malaman ni Martha na simple at madali lang ang mga tanong ay nagparinig na naman siya.
“Ang dali naman ng mga tanong niyo! Kayang-kayang sagutin ‘yan ng anak ko!” malakas na sigaw niya.
Nang si Michelle na ang tatanungin ng host ay tumayo pa si Martha at nag-cheer sa anak.
“Go, anak ipanalo mo ‘yan!”
“Hi, Michelle! Ready ka na ba sa question?” tanong ng host.
Pilit na ngumiti ang bata pero hindi sumagot. Napansin ng host na namumutla ito at nanginignig.
“T-Teka? Okey ka lang ba hija?” nag-aalalang tanong ng host.
Umiling ang bata. Mayamaya ay bigla na lamang itong nawalan ng malay na ikinagulat ng babaeng host.
“Diyos ko, anong nangyari sa bata! Tulong, tulungan niyo kami!” sigaw nito.
Nagkagulo ang mga taong naroon, pati si Martha ay napasigaw na rin nang makitang dinumog na ang anak niya sa entablado.
“Anak ko! Anong nangyari sa iyo anak ko?!”
Dali-daling dinala ng mga guro ang bata sa ospital. At nagulat sila sa sinabi ng doktor.
“Misis, ayon sa resulta ng test ay sobrang napagod at na-stress ang bata. Nanghina rin ang katawan niya dahil sa gutom. Hindi po ba siya kumain ng almusal bago pumasok sa eskwela? Kulang din po ba siya sa tulog?” wika ng doktor.
At saka lamang natauhan si Martha. Sa sobrang excited niya na sumalang sa kontes ang anak ay nakalimutan niyang hindi pala ito nakakain ng almusal at madaling araw na rin itong nakatulog sa kakapraktis kaya nanghina ang bata at nawalan ng malay. Napaiyak na lang siya, doon siya natauhan. Pinupuwersa niya kasing magpraktis ang anak, hinahangad niyang manalo ito sa kontes para sa kaniyang pride at hindi niya naisip na maaaring makasama iyon sa kalusugan ng bata. Laking pagsisisi niya sa kaniyag nagawa.
Lumuluhang pumunta si Martha sa anak na nakahiga sa kama ng ospital. Mabuti na lang at sinabi ng doktor na okey na ito at kailangan na lang ng pahinga.
“Sorry, anak, nang dahil kay mama ay muntik ka nang mapahamak. Huwag kang mag-alala mula ngayon ay hindi na kita pipilitin ng sobra sa anumang bagay lalo na sa pag-aaral. Napagtanto ko na ang labis ay maaari palang makasama. Pwede ka nang makipag-usap at makipaglaro sa mga kaklase mo at kaibigan pero ang pag-aaral ha? Prayoridad mo pa rin ha?” naiiyak na sabi niya.
“Talaga po? Pwede na po ako makipaglaro?” masayang sabi ng anak.
“Oo anak. Pwedeng-pwede na,” aniya.
“Thank you po, mama. Don’t worry po, hindi ko po papabayaan ang pag-aaral ko, promise! P-pero p-paano po ‘yung kontes?” sabi nito.
“Hayaan mo na iyon anak. Ang mahalaga ay makapagpahinga ka at magpalakas,” nakangiting sagot ni Martha sa anak.
Hindi man nanalo ang anak ni Martha sa kontes ay natuto naman siya ng leksyon na hindi mahalaga ang anumang tropeyo o ang pagkakaroon ng mataas na grado dahil hindi naman ito ang sukatan ng pagtatagumpay, ang totoong basehan ng pag-abot sa pangarap ay pagkakaroon ng kakayahan na lumaban sa hamon ng buhay.