Inday TrendingInday Trending
Ilang Beses na Niloko ng Lalaki ang Asawa at Nang Magkasakit Ito at Naging Baldado ay Tinanggap pa rin ng Misis; Ano Kaya ang Dahilan?

Ilang Beses na Niloko ng Lalaki ang Asawa at Nang Magkasakit Ito at Naging Baldado ay Tinanggap pa rin ng Misis; Ano Kaya ang Dahilan?

Para kay Lucho, ang kaniyang tatay ang pinakaperpektong ama. Iginagalang niya ito at hinahangaan sa lahat ng bagay lalo na sa pagiging haligi nito ng tahanan sa kanilang pamilya.

Masaya siya kung paano tratuhin ng tatay niya ang kaniyang nanay, kapag palagi nitong niyayakap at sinasabihan ng ‘i love you’ ang ina ay kinikilig pa siya. Napakamapagmahal talaga ng tatay niyang si Mang Primo na isang Arkitekto.

Pero hindi niya inasahan na ang lahat ng paghanga at paggalang niya rito ay biglang guguho sa isang iglap lang.

Pagkagaling sa eskwelahan ay nagmamadaling umuwi noon si Lucho sa bahay para ipakita sana sa tatay at nanay niya ang nakuha niyang iskor sa exam. Pagbukas niya ng pinto ay nanlaki ang mga mata niya dahil tumambad sa kaniya ang tatay niya, may kasama itong ibang babae at kitang-kita niya na magkayakap ang mga ito at naghahalikan.

Sa sobrang gulat ay naibagsak niya ang hawak na mga libro sa sahig. Napalingon sa kaniya ang dalawa.

“A-Anak…” sambit ng ama na kumalas sa pagkakayakap sa babae.

“B-Bakit mo ito nagawa, papa?” naiiyak niyang tanong.

Pagkasabi noon ay nagmamadaling umalis si Lucho at nagtatakbo palayo. Mayamaya ay nakasalubong niya ang nanay niyang si Aling Betty na galing sa opisina. Office Clerk ito sa isang malaking na kumpanya sa Makati. Kakababa lang nito sa traysikel at pauwi na rin sa kanila. Nakita siya nito na humahangos.

“O, anak, bakit parang may humababol sa iyo? Anong nangyari?” nagtatakang tanong ng ina.

“M-mama, si p-papa po…” nauutal at kinakabahang sabi ni Lucho.

“A-Anong nangyari sa papa mo?” tanong ng ginang.

“Si papa po may k-kasamang ibang babae sa bahay,” sumbong niya.

Natigilan ng bahagya si Aling Betty at hindi nakapagsalita pero ilang saglit lang ay niyakap siya nito at kinausap.

“Matagal ko nang alam na mayroong iba ang papa mo, anak,” lumuluhang sabi ng kaniyang ina.

Hindi makapaniwala si Lucho sa sinabi ng nanay niya. “A-Ano? Alam mo na mama, pero bakit hinahayaan mo lang?”

“Hindi ako kumikibo dahil ayokong masira ang pamilya natin, anak. Ayokong masira ang maganda mong pagtingin sa kaniya at saka mahal na mahal ko ang papa mo, hindi ko makakaya na mawala siya sa atin,” tugon nito habang patuloy pa rin ang pag-iyak.

Sa puntong iyon, kahit hindi pa rin niya maintindihan ang desisyon ng ina ay inintindi na lamang niya ito. Pero ang magandang pagtingin niya sa tatay niya ay biglang naglaho dahil sa natuklasan niya.

Pagbalik nilang mag-ina sa bahay ay agad na humingi ng tawad ang tatay niya sa kanila. Alam kasi nitong nagsumbong na siya sa nanay niya.

“Patawarin niyo ako. Hindi ko na uulitin,” nagsusumamong sabi ni Mang Primo na halos lumuhod na sa harap nila.

“Diyos ko naman, Primo, kung hindi ka pa nahuli ng anak mo’y hindi ka matatauhan? Magbago ka na, kahit hindi na lang para sa akin, kahit para sa anak mo na lang,” wika ni Aling Betty.

“Nangangako ako. Magbabago na ako para sa inyo,” sambit ng lalaki saka tumayo sa pagkakaluhod at niyakap ang mag-ina.

Makalipas ang ilang taon, naging maayos naman ang pagsasama nila bilang pamilya. Ang pagtingin ni Lucho sa ama ay unti-unti na namang nabubuo ngunit isang araw…

“Ano? Hindi ka makakauwi sa graduation ng anak mo?” gulat na tanong ni Aling Betty.

“Pasensya na, marami kasing trabaho ngayon dito sa opisina. Kailangang kong tapusin. Tatawag na lang ako sa araw ng graduation at magpapadala na lang ako ng regalo para sa kaniya,” sagot ni Mang Primo sa kabilang linya.

Nadestino ang lalaki sa probinsya at hindi raw ito makakadalo sa araw ng pagtatapos ni Lucho sa hayskul. Nangako ito na pupunta pero bakit bigla na lang nagbago ang lahat?

Walang nagawa ang mag-ina kundi intindihin si Mang Primo. Nang sumapit ang araw ng graduation ni Lucho ay tuwang-tuwa si Aling Betty na sinabitan pa siya ng medalya dahil kasama siya sa mga nagkaroon ng mataas na parangal. Pagkatapos ng seremonya ay napagpasiyahan nilang mag-inana kumain sa labas para iselebra ang pagtatapos niya. Naisipan nilang tawagan sa selpon ng tatay niya para kumustahin ito, nag-ring naman iyon pero laking gulat nila nang ibang boses ang sumagot sa kabilang linya. Boses ng babae at tinatanong kung sino ang tumatawag. Dali-dali nilang ibinaba ang tawag. Kinutuban ang mag-ina, tila may nagbulong sa isip nila na tawagan ang opisina ng tatay niya sa Davao at hindi nga sila nagkamali sa hinala nila. Ang sabi ng nakausap nila na kasamahan sa trabaho ng ama ay hindi raw ito pumasok sa araw na iyon, naka-leave daw.

“Inulit na naman ng tatay mo. Nambababae na naman siya,” sambit ni Aling Betty na nag-uumpisa na namang mangilid ang luha sa mga mata.

“Ano ba naman si papa? ‘Di ba nangako na siya sa atin?” inis na sabi niya.

Hindi lang pala iyon ang matutuklasan nila dahil mas ikinagulat pa nila ang sumunod na nangyari…

“Anak, anak, ang papa mo!” humahagulgol na sabi ng nanay niya.

“Bakit, mama? Anong nangyari kay papa?” tanong niya.

“Iiwan na niya tayo. Sasama na raw siya dun sa bago niyang babae,” umiiyak na sagot ni Aling Betty.

Tuluyan na silang iniwanan ni Mang Primo. Mas pinili nitong pakisamahan ang kabit nito na nakilala sa Davao. Mula noon, kahit masakit ay tinanggap na nilang mag-ina ang kinasapitan ng kanilang pamilya. Unti-unti nilang tinanggap na hindi na babalik ang kaniyang ama. Ang natitirang paggalang niya rito ay nawala na rin. Tutal kaya naman ng nanay niyang buhayin siya. Nang tumuntong siya sa kolehiyo ay kumuha siya ng scholarship upang makabawas sa mga alalahanin nito.

Lumipas pa ang mga taon at maayos naman ang buhay nilang mag-ina kahit wala ang kaniyang ama, pero isang araw ay nakatanggap sila ng balita tungkol kay Mang Primo. Napag-alaman nila na naaksidente ito sa trabaho at ngayon ay baldado na at kahit kailan ay hindi na makakalakad. Sa nangyari ay naging malambot si Aling Betty, nakiusap ang ina na kung maaari ay iuwi ang ama sa bahay nila para maalagaan ito.

“Mama, niloko na tayo ni papa, iniwan at ipinagpalit sa iba ngayon ay tatanggapin mo pa rin siya sa kabila ng ginawa niya sa atin?” tanong ni Lucho sa ina.

“Alam ko iyon anak, pero sumumpa ako sa harap ng Diyos na mamahalin ko at sasamahan ang papa mo sa hirap man o sa ginhawa at gagawin ko pa rin iyon. Ilang beses man niya akong saktan at ipagpalit sa iba pero asawa ko pa rin siya at obligasyon ko ang mahalin at alagaan siya,” hayag ng mama niya.

Napaiyak na rin si Lucho sa sinabi ng ina.

Mayamaya ay nagsalita si Mang Primo, kanina pa pala ito nakikinig sa usapan nila.

“Pinagsisisihan ko ang mga pagkakamali ko sa inyo. Kung ako ang tatanungin ay hindi na ako karapat-dapat pa sa inyong pagmamahal. Habang buhay kong pagdudusahan ang mga kasalanan ko dahil ang nangyaring ito sa akin ay ang karma ko. P-pero gusto kong malaman ninyo na sa kabila ng mga kag*guhan ko’y mahal na mahal ko kayo. Muli, humihingi ako ng tawad,” lumuluhang sabi ng lalaki.

Nilapitan ng mag-ina ang lalaki. “Pinapatawad ka na namin, Primo. Kahit bali-baliktarin man ang mundo, ikaw pa rin ang aking asawa at ama ng ating anak,” sambit ni Aling Betty.

“Pinapatawad na kita, papa,” tugon ni Lucho saka hinawakan nilang mag-ina ang kamay ng ama.

“Salamat, maraming salamat,” lumuluha pa ring sabi ni Mang Primo na nakadama ng ng kapanatagan.

Sa pagkakataong iyon ay nabuong muli ang kanilang pamilya at nangakong hindi na muling masisira pa.

Ipinakita sa kwento na sa kabila ng madilim na ulap ay mayroon pa ring liwanag. Na sa anumang sakit na naranasan natin sa kapwa lalo na sa mga mahal natin sa buhay, mahalaga pa rin ang pagpapatawad.

Advertisement