Inday TrendingInday Trending
Pilit na Itinatago ng Dalaga ang Tunay na Nararamdaman sa Binata dahil sa Kaniyang Matalik na Kaibigan; Isa sa Kanila ang Magpapaubaya

Pilit na Itinatago ng Dalaga ang Tunay na Nararamdaman sa Binata dahil sa Kaniyang Matalik na Kaibigan; Isa sa Kanila ang Magpapaubaya

Hindi pa rin malilimutan ng dalagang si Janice ang unang pagkikita nila ng binatang si Delfin. Unang beses pa lang na magtama ang kanilang mga mata ay nahulog na agad ang loob niya sa binata. Halata rin naman sa mga kinikilos ng binata na may gusto ito sa kaniya. Ngunit walang makapag-amin ng kanilang nagraramdaman dahil alam nilang may masasaktan.

Matagal na kasing iniibig ni Anna, matalik na kaibigan ni Janice itong si Delfin. Hayskul pa lang sila ay wala na itong bukambibig kung hindi nais niyang mapansin siya ng binata at maging kasintahan ito. Kaya naman iniwasan na rin ni Janice si Delfin. Para sa kaniyang kaibigan ay sinubukan niyang iwasan ang kaniyang nararamdaman.

Kaya ganoon na lamang ang kaniyang kaba nang kausapin siya ng binata. Lahat kasi ng tinago niyang damdamin rito ay parang inungkat muli.

“Janice, napapansin ko kasing iwas ka sa akin. May nagawa ba akong masama sa iyo?” tanong ni Delfin.

“W-wala naman, Delfin, sadyang nagkakataon lang talaga na may kailangan akong gawin. Tulad ngayon. Alam kong may kailangan ka pero kailangan ko na ring pumunta ng silid-aklatan. Kikitain ko roon si Anna,” wika pa ng dalaga.

“Iyan mismo ang ipinunta ko rito, Janice, nais kasi kitang kausapin tungkol kay Anna,” wika pa ng binata.

Napahinto ng saglit si Janice. Kumabog ng malakas ang kaniyang dibdib. Hindi niya mabatid kung selos ba ang kaniyang nararamdaman.

“Marami kasing nakapag sabi sa akin na may gusto raw sa akin ni Anna. Kaya naman gusto ko siyang kausapin para malaman ang totoo,” pagpapatuloy ni Delfin.

“Bakit? May gusto ka rin ba kay Anna?” tanong ng dalaga.

“W-wala. Sa katunayan kaya ko gustong makausap siya ay para linawin ang lahat. Ikaw ang gusto ko, Janice. Noon pa lang ay ikaw na ang gusto ko. Kaya sana’y pagbigyan mo naman akong ipakita sa iyo ang tunay kong nararamdaman,” wika muli ni Delfin.

“Pasensya ka na, Delfin. Wala pa sa isip ko ang bagay na ito. Wala kang mapapala sa akin. Saka mas bagay kayo ni Anna. Siya na lang ang paglalanan mo ng pansin,” wika muli ni Janice.

Nalungkot si Delfin dahil tinanggihan ni Janice ang kaniyang damdamin.

“S-sige, kung iyan ang gusto mo. Kakausapin ko kaagad si Anna para malaman ang tunay niyang nararamdaman. Siguro nga ay tama ka. Kailangan ko lang bigyan ng pagkakataon kaming dalawa,” saad ni Delfin.

Labis na nasaktan si Janice sa mga sinabi ni Delfin ngunit kailangan niya itong tanggapin dahil siya naman ang may gustong layuan na siya nito. Para sa kaniya kasi’y mas matimbang ang pagkakaibigan nila ni Anna.

Papunta na sana si Janice sa silid-aklatan nang bigla niyang nakasalubong si Anna at masayang-masaya.

“Bes, alam mo bang nilapitan ako ni Delfin. Tinatanong niya ako kung ano daw ba ang nararamdaman ko para sa kaniya. Kaya inamin ko na ang lahat. Natuwa naman siya sa narinig niya. Pero hindi ko alam kung ano ang ibig sabihin ng mga ngiti niya. Inanyayahan rin niya akong manood ng laro niya mamayang gabi, Bes, ito na ata ang katuparan ng lahat ng pangarap ko. Baka magiging kami na talaga ni Delfin,” masayang sambit ni Anna.

Pinilit ni Janice na maging masaya para sa kaniyang matalik na kaibigan kahit na sa kabila nito’y parang dinudurog ang kaniyang puso.

Mula nang araw na iyon ay palagi nang kas-kasama ni Anna si Delfin. Naiilang naman si Janice kaya minsan ay lumalayo na lang siya. Ayaw naman niyang magpahalata na nagseselos siiya kaya madalas pa rin siyang kasama ng mga ito.

“Bes sa tingin mo ba’y may pag-asa talaga kami ni Delfin? Bagay ba kami?” tanong ni Anna.

“Oo, naman! Hindi naman siya mag-aaksaya ng oras na samahan ka palagi kung hindi ka niya gusto, ‘di ba?” tugon naman ni Janice.

“Napapansin ko lang kasi na minsan ay gusto niyang lagi kaming may kasamang iba. Ayaw niyang kaming dalawa lang. Palagi nga niya akong tinatanong kung sasama ka raw ba? Parang iwas na iwas siyang kami lang,” dagdag pa ng kaibigan.

“Baka naman ayaw niyang may masabing masama sa iyo ang ibang tao kaya gano’n. Alam mo naman ang tsismis, bes. Kung ako sa iyo ay i-enjoy mo na lang muna kung ano ang mayroon kayo ngayon. Ang prayoridad pa rin natin ngayon ay ang pag-aaral natin. Isang sem na lang at makakatapos na tayo ng kolehiyo,” wika muli ni Janice.

“Tama ka riyan, bes, pero kapag nakapagtapos na tayo at hindi pa rin umaamin si Delfin sa akin ng nararamdaman ay ako mismo ang magtatanong sa kaniya kung kami na ba! Mahirap nang walang label ang relasyon namin!” saad pa ni Anna.

Hindi lang masabi ni Janice na alam niya kung sino ang laman ng puso nito at bakit nito ginagawa ang pagsama sa kaniya.

Isang araw ay nagkaroon ng outing ang barkada. Lahat sila ay may kapareha maliban kay Janice.

“May irereto na lang kami sa iyo ni Delfin, Janice, para kahit paano ay hindi ka ma out of place,” saad ni Anna.

“Naku, hayaan mo na! Hindi rin naman ako makakasama kasi may kailangan akong gawin,” saad ni Janice.

“‘Di ba, Delfin, single ‘yung kaibigan mong si Michael, baka p’wede siyang maging date nitong si Janice sa outing natin,” dagdag pa ng dalaga.

Agad na bumwelta si Delfin.

“Naku, hindi rin p’wede ata ‘yung si Michael. Alam kong may nililigawan na rin ‘yun, e. Narito naman tayo para kay Janice. Kahit wala na siyang partner ay p’wede na!” wika ng binata.

“Janice, pumunta ka pa rin, a! Baka ito na kasi ang huling pagkakataon na magkakasama tayong lahat dahil kapag nakapagtapos na tayo ng pag-aaral ay tiyak na kaniya-kaniya na tayo ng buhay,” dagdag pa ni Delfin.

Sumama pa rin si Janice kahit alam niyang makakantiyawan siya dahil siya lang ang walang kapareha sa kanila. Patuloy niyang tinatago ang nararamdaman para kay Delfin kahit na sasabog na ang puso niya habang pinagmamasdan ito sa piling ni Anna.

Minabuti na lang ni Janice na lumayo at makisalamuha sa iba. Hanggang sa nagulat siya nang bigla niyang makita si Delfin sa kaniyang harapan.

“Hindi mo pa rin ba aaminin kay Anna ang nararamdaman mo para sa akin, Janice? Tayo dapat ang masayang magkasama ngayon. Ikaw sana ang kapiling ko sa mga sandaling ito,” wika ng binata.

“Hindi ko kayang saktan si Anna, Delfin,” saad ni Janice.

“Inaamin mo na rin bang mahal mo ako? Ano ngayon kung mahal niya ako? Ikaw naman ang mahal ko! Hahayaan mo na lang ba tayo na hindi lumigaya sa piling ng isa’t isa? Hindi ko na kayang magpanggap, Janice, mahal kita. Sabihin mo rin na mahal mo ako!” pagsusumamo ni Delfin.

“Mahal kita, Delfin, pero hindi ka nakalaan para sa akin. Bumalik ka na roon kay Anna. Tiyak akong hinahanap ka na niya,” naiiyak na wika ng dalaga.

Niyakap ni Delfin si Janice. Nakita naman at narinig ni Anna ang lahat.

Nang mapansin ng dalawa si Anna ay tumakbo ito. Hinabol naman siya kaagad ng kaibigang si Janice.

“Sandali lang, Anna, magpapaliwanag ako sa iyo! Walang ibig sabihin ang nakita mo!” saad ni Janice.

“Hanggang kailan mo balak itago sa akin ang totoo, Janice? Aminin mo na sa akin! Mahal mo ba talaga si Delfin? Huwag ka nang magsinungaling sa akin parang awa mo na!” umiiyak na wika ni Anna.

“Oo, mahal ko siya noon pa, Anna. Unang kita ko pa lang sa kaniya’y mahal ko na siya. Pero kailangan kong kalimutan ang lahat ng iyon dahil alam kong mahal mo rin siya. Sinubukan ko namang layuan siya, e. Sinubukan kong iwasan siya at ipaubaya na lang sa iyo. Kasi mas mahalaga ka para sa akin,” hindi na napigilan rin ni Janice ang maiyak.

Hinawakan ni Anna ang kamay ng kaibigan.

“Sa lahat ng pagkakataon ay ako na lang ang iniisip mo. Ayokong ipagdamot ang tanging kaligayahang p’wede kong ipaubaya sa iyo. Tutal, alam ko namang noon pa ay ikaw ang mahal ni Delfin. Alam ko namang sinasamahan lang niya ako para makasama ka rin. Huwag mo na akong, alalahanin, Janice. Ipagtapat mo na rin sa kaniya ang nararamdaman mo bago pa mahuli ang lahat. Tandaan mo lang lagi na bilang kaibigan mo’y handa rin akong magsakripisyo para sa iyong kaligayahan,” wika naman ni Anna.

Hindi na napigilan pa ni Janice na yakapin ang matalik na kaibigan. Para na siyang nabunutan ng tinik sa kaniyang puso dahil ngayon ay malaya na siyang mahalin si Delfin.

“Maraming salamat, Anna! Ikaw talaga ang pinakamatalik kong kaibigan sa mundong ito!” wika ni Janice.

“At walang makakapagpabago niyan, bes. Ikaw rin ang pinakamatalik kong kaibigan. Hangad ko ang kaligayahan ninyong dalawa,” saad pa ni Anna.

Mula noon ay naging tapat na si Janice sa kaniyang nararamdaman para kay Delfin. Hindi nagtagal ay naging magkasintahan na ang dalawa. Sa tagal ng panahon ay nauwi rin ang kanilang relasyon sa kasalan.

At kahit na lumipas ang maraming taon ay nananatili pa ring magkaibigan sina Janice at Anna.

Advertisement