Ayaw Tumulong ng Doktor sa Kaniyang Kapwa; Isang Pasyente ang Makakapagpabago ng Kaniyang Pananaw
Pababa na mula sa tinutuluyan niyang condo unit ang doktor na si Ernesto. Nagmamadali na siya na makapunta sa ospital kung saan naroon ang kaniyang klinika. Pasakay na siya ng kaniyang kotse nang may isang matandang babae ang lumapit sa kaniya.
“Ginoo, p’wede mo ba akong tulungan sandali? Mabigat kasi ang kariton ko at hindi ko maiusod. Kaunting pabor lang sana,” sambit ng ale.
Humakbang palayo si Ernesto dahil ayaw niyang madumihan ang kaniyang damit.
“Ginang, pasensya na po at isa akong doktor. Nagmamadali na ako, e. Sa iba na lang po kayo magpatulong,” wika ni Ernesto.
“Sandali lang naman, ginoo. Kanina pa kasi ako nanghihingi ng tulong. Nariyan lang naman sa tabi, ginoo, parang awa mo na,” wika muli ng matanda.
Ngunit ayaw talaga ni Ernesto na tulungan ang matandang babae. Wala talaga siyang panahon para rito.
Muli siyang naglakad na parang naririnig kahit na patuloy ang pakikiusap ng matanda. Sumakay siya sa kotse. Pagtingin niya ay may tumulong nang iba sa ale.
“Sa dami-dami ng tao ay ako talaga ang napili niya!” napapailing si Ernesto.
Habang nagmamaneho ay naipit siya sa mabigat na daloy ng trapiko. May kumatok bintana ng sasakyan.
“Doktor po kayo hindi ba? Baka naman po p’wedeng makahingi ng kaunting tulong para sa aking anak,” saad ng isang ginang.
Hindi na pinagbuksan ni Ernesto ang babae at sinesensyasan na umalis na.
Mabuti na lang at umandar na ang mga sasakyan. Ilang minuto lang ay nakarating na siya sa opsital. Tamang-tama lang at may panahon pa siya para sa ibang kailangan niyang gawin sa kaniyang klinika.
Pagbaba pa lang niya sa kotse ay may lumapit na matandang lalaki.
“Pasensya ka na, ginoo, kung naaabala kita. Pero kailangan ko kasi ng tulong. Nasiraan kasi ako ng gulong at kailangan kong palitan. May gamit ka ba riyan?” tanong ng matanda.
“Naku, pasensya na po at nagmamadali na ako. Saka hindi rin ako nagpapahiram kasi ng gamit. Baka may iba pa po rito sa parking lot na p’wede n’yong pagtanungan. Pasensya na pero kailangan ko na pong pumunta sa klinika ko,” saad naman ni Ernesto.
“Kahit kaunting tulong lang, ginoo. Kahit hanapan mo na lang ako ng makakatulong sa akin,” wika pa ng matanda.
Pero talagang iwas sa pagtulong ang doktor. Inis na inis na nga siya dahil kanina pa siya sinusubok ng pagkakataon.
“Hindi ba alam ng mga taong ito na mahalaga rin ang oras ko? Bakit kailangang ako pa?” tanging nasabi niya.
Umakyat patungo ng kaniyang klinika si Ernesto. Pagdating niya ay bumungad sa kaniya ang assistant na si Karen na nagbubuhay ng mabibigat na kahon.
“Kararating lang po nitong mga supplies para dito sa klinika, dok. Wala pa naman pong gaanong pasyente kaya aayusin ko na muna,” wika ni Karen.
“Sige, bilisan mo lang. Sino nga pala ang una kong pasyente? Tinawagan mo na ba?” sambit ng doktor.
“Opo, nagkumpirma naman po si Ginoong Sarmiento na darating siya. Nasa mesa n’yo na rin po ang mga lab tests niya. May halos isang oras pa naman kayo bago siya dumating,” saad muli ng assistant.
Maiging pinag-aralan ni Ernesto ang mga resulta ng pagsusulit sa kaniyang pasyente. Napailing siya dahil malala na ang kondisyon nito. Ngayon ay nag-iisip siya ng paraan kung paano niya ito sasabihin sa ginoo.
Makalipas ang isang oras ay dumating na si Ginoong Sarmiento.
“Kumusta naman po ang pakiramdam ninyo, ginoo? Hindi na po ako magpapadalos-dalos, ano po? Narito na po ang mga resulta ng pagsusuri sa inyo. Kinalulungkot ko pong sabihin sa inyo na malala na po ang sakit ninyo. Ilang buwan na lang po ang nalalabi sa inyong buhay,” malungkot na wika ng doktor.
Sandaling hindi nakapagsalita si Ginoong Sarmiento.
“Alam ko po na mahirap tanggapin ang lahat ng ito, ginoo. Patawad at wala na pong tayong magagawa pa. Hindi na rin kasi kakayanin ito ng gamot. Nais n’yo po bang tawagan ko ang pamilya ninyo para sunduin kayo rito?” wika muli ni Ernesto.
“Hindi na, dok. Kaya ko na po. Sadyang natigilan lang ako dahil naisip ko bigla ang pamilya ko. Pero kailangan kong tanggapin. Una-una lang naman sa buhay, ‘di ba? Siguro nga’y ito na ang panahon ko,” wika naman ni Ginoong Sarmiento.
Medyo tulala ang ginoo habang palabas ng klinika ng doktor. Hindi naman mapakali itong si Ernesto dahil baka kung ano pa ang mangyari sa kaniyang pasyente. Wala siyang nagawa kung hindi sundan ito.
Sa kaniyang paghahanap ay natagpuan niya ang ginoo sa parking lot habang tinutulungan ang matandang lalaki na magpalit ng gulong.
“Ginoong Sarmiento, hindi mo na dapat ginagawa pa ang bagay na iyan! Nakalimutan mo na ba ang sinabi ko sa iyo kanina. Malala ang kalagayan mo!” saad ng doktor.
“Bakit, dok, may mababago ba sa kalagayan ko kung hindi ko tulungan ang matandang ito na makauwi ng ligtas? Wala namang kwalipikasyon sa pagtulong sa kapwa. Saka kaya ko naman, huwag kang mag-alala sa akin. Ngayon pa ba na paalis na rin ako?” sagot ni Ginoong Sarmiento.
Napaisip si Ernesto sa ginawa ng kaniyang pasyente. Naalala niya na buong araw ay marami ang humingi sa kaniya ng maliit na pabor pero hindi niya ito pinaunlakan. Naisip siyang kung ang isang taong kagaya ni Ginoong Sarmiento ay kayang tumulong sa kapwa, ano pa kaya siyang malusog at kompleto ang pangangatawan.
Mula noon ay nagbago na ang pananaw ni Ernesto. Kahit isa siyang doktor ay panay na ang pagtulong niya sa kapwa. Mas gumaan ang kaniyang buhay simula ng hinayaan na niya ang kaniyang sarili na tumulong sa iba.
Talagang malaki ang naidulot sa kaniya ng pagtulong ni Ginoong Sarmiento sa matandang lalaki. Habangbuhay niyang dadalhin ang aral na naiwan nito sa kaniya.