Mayabang at Mapatapobre ang Mayamang May-Ari ng Kompanya; Kalunos-lunos ang Mangyayari sa Kaniya
Maaga pa lang ay natataranta na ang lahat sa opisina dahil papasok na ang kanilang among si Tirso. Takot silang lahat dito dahil sa sobrang yaman nito’y hindi ito natatakot na mawalan ng empleyado. Kilalang istrikto at masakit magsalita kaya ilag ang mga trabahador sa kaniya.
Pagpasok pa lang nito’y nakita niya ang guwardiyang si Ding. Noon pa man ay kumukulo na talaga ang dugo niya rito dahil mahina raw ang utak. Kapag may inuutos kasi siya’y kailangan pa niyang ulitin para maunawaan siya nito.
“Ilang beses ko bang sasabihin na sesantehin ‘yang si gwardiyang ‘yan? Nag-iinit ang ulo ko makita ko pa lang siya. Hindi ko kayang ipagkatiwala ang seguridad ng gusaling ito sa kaniya,” saad ni Tirso sa manager.
“Pero, sir, magaling na guwardiya po si Manong DIng. Gusto po siya ng lahat ng narito. Hindi ko po siya p’wedeng tanggalin dahil ginagawa naman n’ya ang kaniyang tungkulin,” saad pa ng manager.
“Basta, gumawa ka ng paraan para mapatalsik siya! Hindi ko siya gusto! Kapag bukas ay narito pa siya’y ikaw naman ang mawawalan ng trabaho!” wika pa ng mayamang amo.
Hindi alam ng manager kung paano niya sasabihin kay Manong Ding na wala na itong trabaho. Lalo na’t alam niyang may pinaglalaanang pera ang ginoo dahil may binubuhay itong pamilya.
Kinahapunan ay nilapitan ng guwardiya ang manager.
“Boss, nasabi mo na ba kay Boss Tirso na nanghihingi ako ng advance? Kailangan ko lang talaga pambayad ng utang. Kinapos kasi ako noong isang linggo para sa gatas ng anak ko at kailangan ko nang magbayad sa inutangan ko,”sambit ng guwardiya.
“H-hindi pa, Manong Ding. Pasensya na at mainit kasi ang ulo ni boss kanina. Hayaan n’yo po at kumukuha lang ako ng tiyempo. Siya nga pala, magkano po ba ang kailangan ninyo?” tanong ng manager.
“Dalawang libo, boss. Kasi isang libo ‘yung utang ko. ‘Yung isang libo ay ibibili ko ulit ng gatas at lampin ng anak ko,” saad muli ng ginoo.
Hindi lang masabi ng manager na ang totoo’y tinatanggal na siya sa serbisyo ng kanilang amo.
“Huwag na po kayong mag-alala at ako na po ang magpapahiram sa inyo. Saka n’yo na lang po ako bayaran kapag nakaluwag na kayo,” sambit ng manager.
“Naku, nakakahiya naman sa inyo, boss. Huwag na po. Kakausapin ko na lang po si Boss Tirso para sa sahod ko na po iawas. Baka makaistorbo pa ako sa iyo,” saa muli ni Manong Ding.
“Wala pong anuman ito sa akin, Manong Ding. Mataas naman po ang sahod ko kayang-kaya ko pa po,” pilit na itinatago ng manager ang lungkot sa kaniyang mga ngiti sa ginoo.
Masayang umuwi ng gabing iyon si Manong Ding dahil alam niyang may kakainin ang kaniyang anak.
Kinabukasan ay maagang pumasok muli ang guwardiya. Ngunit pagdating ng among si Tirso ay pinagsisigawan siya nito.
“Bakit narito ka pa? Hindi ba’t sinesante na kita? Hubarin mo na ang uniporme mo at hindi ka na parte ng kompanyang ito!” bulyaw ng boss.
“Baka po nagkakamali po kayo, wala po akong ginagawang masama sa kompanyang ito, boss. Huwag n’yo naman akong tanggalan ng trabaho, kailangan ko po ito, e!” depensa ng ginoo.
“Tingnan mo nga at simpleng panuto lang ay hindi ka pa makasunod! Iyan ang dahilan kung bakit wala ka nang trabaho. Hindi ka marunong mag-isip. Sabagay, kung marunong kang mag-isip ay dapat hindi ka guwardiya sa edad mong iyan. Baka katulad din kita na may ari ng isang malaking kompanya!” bulyaw muli ng amo.
Labis ang pagmamakaawa ni Ding upang hindi siya tanggalin sa serbisyo. Hindi siya p’wedeng mawalan ng trabaho lalo na ngayong gipit siya at walang maipapakain sa kaniyang pamilya.
Naaawa naman ang manager kay Manong Ding ngunit wala rin siyang magawa.
Araw-araw ay panay ang balik ng guwardiya sa opisina upang subuking magbago ng isip ang dating boss. Ngunit paulit-ulit lang siyang tinatalikuran nito at hinihiya.
“Lumayas ka na kung hindi ay ipakukulong kita. Alam mo kung gaano ako kayaman at kaimpluwenya. Kahit buhay mo nga ay kaya kong bilhin. Kaya huwag mo akong subukan,” galit na wika ni Tirso.
“Ibang klase talaga kayong mayayaman. Porket nasa inyo na ang lahat ay tinatanggalan n’yo na ng karapatan kaming mahihirap. Siguro nga ay mapera ka ngayon, Boss Tirso, pero tandaan mo, pantay-pantay ang sukat ng lilibingan natin,” pagtangis ng ginoo.
“Diyan ka nagkakamali dahil mas maganda ang lugar ng paglilibingan sa akin. Saka baka nakakalimutan mong mas mahaba ang buhay ng mas marami ang pera,” sambit muli ng matapobreng amo.
Nang malaman ng lahat sa kompanya ang ginawang ito ng amo ay lalo silang natakot na mawalan ng trabaho. Lalo tuloy lumakas ang kapangyarihan ni Tirso sa kaniyang mga empleyado.
“Pagbutihan ninyo ang ginagaw ninyo dahil pinasasahod ko kayo. Ako ang bumubuhay sa inyong pamilya. Nakakakain sila dahil may trabaho kayo sa opisinang ito. Kaya, huwag kayong tatamad-tamad at tatanga-tanga. Maraming p’wedeng pumalit sa inyo na mas magaling!” wika niya sa kaniyang mga tauhan.
Naiinis man ay walang magawa ang mga empleyado kung hindi sumunod.
Isang araw ay bumalik na naman si Manong Ding sa kompanya. Nakita siya ng manager.
“Manong Ding, umalis na kayo at baka makita pa kayo ni Boss Tirso. Alam n’yo naman ang kaya niyang gawin. Pasensya na po kayo pero huwag na po kayong mamilit na magtrabaho pa rito,” wika ng manager.
“Narito ako hindi para sa trabaho. Narito ako para ibigay ang utang ko sa iyo. Nakahanap na kasi ako ng trabaho. Salamat sa tulong mo sa akin noon, a!” sambit pa ng ginoo.
Ilang sandali lang ay nariyan na si Tirso at muli na namang nakita ang dating guwardiya ng kompanya.
“Hindi ka ba talaga maglulubay? Ipatawag mo nga ang pulis at ipahuli ang lalaking ito!” bulyaw ni Tirso.
“Nagkakamali po kayo, boss, hindi po siya naparito para mangugulo,” depensa naman ng manager.
“Hindi n’yo na po ako kailangang pagtabuyan dahil hindi naman trabaho ang pinunta ko rito. Aalis na po ako. Hindi ko rin naman gusto pang mapabilang sa kompanya ninyo,” sambit ni Ding.
Galit na galit si Tirso dahil napahiya siya. Pinagsisisgawan niya si Ding hanggang sa biglang sumikip ang kaniyang dibdib at napaupo na lang siya sa sahig.
“T-tulong! T-tulungan ninyo ako,” sambit ni Tirso habang hawak ang kaniyang dibdib.
“T-tulong!” saad niyang muli.
Ngunit walang nais na tumulong sa kaniya. Pinagmamasdan lang siya ng lahat ng kaniyang empleyado habang nasa kalunos-lunos siyang sitwasyon.
Si Ding ang lumapit sa kaniya at kaagad siyang ipinasok sa kaniyang kotse at itinakbo sa malapit na ospital.
“Sir, lumaban po kayo, malapit na tayo sa ospital. Sandali na lang,” nagmamadaling nagmaneho si Ding.
Pagdating sa ospital ay wala ng malay si Tirso. Paggising na lang niya ay naroon na ang mga doktor at nais siyang kausapin.
“Ginoo, maswerte ka at nadala ka kaagad rito. Nadugtungan pa kahit paano ang iyong buhay. Ngunit may masama pa ring balita. Kailan po ang huling check up ninyo. Alam n’yo po bang may malala kayong sakit sa bituka? Ikinalulungkot ko po pero may taning na ang buhay mo,” saad ng doktor.
“Ako? May sakit? Hindi ‘yan maaari! Marami akong pera! Gawin ninyo ang lahat para gumaling ako. Kahit magkano pa ‘yan ay handa akong bayaran!” hindi matanggap ni Tirso ang sinabi ng doktor.
“Wala na pong magagawa pa ang pera ninyo, ginoo. Huli na po ang lahat. Kumalat na ang c@ncer sa inyong katawan,” dagdag pa ng doktor.
Nalulumo si Tirso nang marinig ito. Nilapitan siya ni Ding at dinamayan.
“Kita mo nga naman, ilang beses kong ipinagmalaki na kayang bilhin ng pera ko ang lahat. Pero hindi pala ako nito masasagip mula sa matinding karamdaman. Siguro’y mas marami pa ang magiging masaya sa pagkawala ko. Kitang-kita ko iyon nang wala man lang tumulong sa akin,” wika ng mayamang amo.
“Hindi pa naman po huli ang lahat, boss, p’wede pa kayong magbago,” saad ni Ding.
“Para saan pa? Para lalo nila akong pagtawanan? Hahayaan ko nalang na mawala ako kaysa maging mabuti sa kanila. Kapag nawala naman ako’y wala na rin silang trabaho,” sambit pa ni Tirso.
Nawalan na ng pag-asa si Ding na tuluyang magbabago ang amo. Kaya nagpasya na siyang umalis sa tabi nito dahil wala naman na siyang kailangan pang gawin doon. Kahit na nasa ganoong sitwasyon na si Tirso ay matigas pa rin ang puso nito at ubod pa rin ng hambog.
Ilang linggo lang ang nakalipas at tuluyan nang sumakabilang buhay si Tirso. Nangyari nga ang kaniyang inaasahan. Parang nabunutan ng tinik ang mga empleyado nang mawala siya.
Ang saklap ng nangyari kay Tirso. Kahit anong yaman niya ay wala ng nais na tumulong sa kaniya, mabilan kay Ding, sa oras nang kagipitan dahil sa sama ng kaniyang pag-uugali. Namayapa siya nang mag-isa. At ni wala man lang empleyado ang dumalaw sa kaniyang burol. Maging ang ilang kamag-anak ay hindi na rin nakapunta pa.
Sadyang walang halaga ang yaman at posisyon sa oras ng iyong pagkawala. Marapat na gamitin mo ang oras mo sa mundo sa pagtanim sa ibang tao ng kabutihan.