Patuloy ang Pagmamalaki ng Ginang sa Bago Niyang Gamit sa Bahay; Mapapahiya Siya Bandang Huli
“Wala na talagang mas sasarap pa sa pakiramdam na may sarili kang bahay. At hindi lang basta bahay, malaki at bahay na maipagmamalaki!” sambit ni Medy habang pinapanood niyang matapos ang ipinapagawang tahanan.
Inilalakas talaga ng ginang na si Medy ang kaniyang boses upang iparinig sa kaniyang kapitbahay na matatapos na ang pinapagawa niyang bahay. Darating kasi ng araw na iyon ang mga kasangkapang inorder pa niya sa Maynila. Kakaiba kasi ang dinadalang kaligayahan sa kaniya kapag alam niyang nakakalamang siya sa kaniyang mga kapitbahay lalong lalo na sa dati niyang kaibigang si Elena.
Dati ay sanggang dikit sila nito. Ngunit nawala ang kaniyang amor dahil sa labis na inggit. Matagal na kasi siyang may gusto kay Hernan, pero ang gusto nito at ang pinakasalan ay si Elena. Pakiramdam tuloy ni Medy ay sinadya ng kaniyang dating kaibigan na sulutin ang lalaking kaniyang pinakamamahal. Lingid sa kaniyang kaalaman ay matagal nang may pagkakaunawaan ang dalawa.
Dinala niya ang hinanakit na ito hanggang sa kanilang pagtanda.
Nakapangasawa naman si Medy ng isang seaman. Maganda na ang kaniyang buhay pero pinili pa rin niyang tumira sa kanilang baryo upang patunayan na nakakaangat siya sa iba.
Maya-maya ay dumating na nga ang mga kasangkapan sa bahay. Isa-isang ibinaba ng mga kargador ang mga gamit at ipinasok sa bagong bahay. Napatingin naman si Elena at kinausap si Medy upang batiin.
“Masaya ako para sa iyo, Medy, natupad na ang pangarap mong magkaroon ng magandang bahay at magandang buhay,” wika pa ng dating kaibigan. Ngunit hindi man lang nagbigay ng ngiti si Medy at nagmalaki pa.
“Isang buhay na kahit kailan ay hindi mo mararating. Mabuti na nga lang at hindi ‘yang si Hernan ang napangasawa ko. Kung hindi ay baka tulad mo rin akong isang kahig, isang tuka,” pagmamataas ni Medy.
“Huwag ka namang magsalita ng ganiyan, Medy, kahit na mahirap ang pamilya namin at hindi kami kasing yaman mo ay masaya naman kami. Hindi naman pinababayaan ni Hernan ang pamilya namin. Naibibigay naman niya ang lahat ng pangangailangan ng aming pamilya,” depensa ni Elena.
“Mabuti kung gano’n. Pero kailangan mo ring tanggapin na sobrang malayo ang buhay natin dahil kahit magtrabaho pa ng magtrabaho ang asawa mo ng walang patid ay hindi ka niya maipapagawa ng bahay na tulad nito,” wika muli ni Medy.
Sumama ang loob ni Elena ngunit ayaw na niyang makipagtalo pa kay Medy. Kaibigan pa rin kasi ang turing niya rito.
Kinabukasan ay nakikipag kwentuhan si Medy sa ilang kapitbahay. Ipinagmamalaki nito ang kanilang banyo.
“May sarili kaming shower at maganda rin ang gripong binili ko. Pang sosyal talaga! Hindi rin basta-basta ang inidoro namin dahil may flush at sariling panghugas,” kwento pa ng ginang.
Ilang sandali lang ay lumabas si Elena na may dalang batya at pinuno niya tio ng tubig.
“Saka isa pa,” natatawang sambit ni Medy. “Tingnan n’yong lahat ang ginagawa ni Elena. Hanggang ngayon pala ay uso pa rin ito sa kaniya. Sa amin kasi’y hindi na kami nagpapainit pa ng tubig kahit pakulo sa kalan kung malamig talaga ang panahon. Deretso na kami sa banyo dahil may sarili kaming heater!” dagdag ng mayabang na ginang.
“Ano ba ‘yang heater na sinasabi mo, Medy? Paano gumagana iyon?” tanong ng isang kapitbahay.
“Kung kailangan namin ng mainit na tubiy ay bubuksan lang namin ang gripo at lalabas na ang mainit na tubig na pampaligo. Ganoon lang kadali. Hindi na kailangan pang ibilad sa araw ang tubig. Matanda nang gawain ‘yan. Baka makabag pa ang anak ko!” kantiyaw pa ni Medy.
Napatingin lang si Elena sa mga nag-uusap na kapitbahay habang ipinahihiya siya ng dating kaibigan. Pero hindi niya ipinasok ang batya dahil lang sa nahihiya siya. Hinayaan niya pa rin ito doon at saka siya pumasok sa bahay.
Masayang-masaya naman ang kaniyang anak habang ipinaliligo ang maligamgam na tubig.
“Hindi ko na kailangan ng heater, Medy, kasi natural na init lang ng araw ay sapat na. Saka ang mahalaga ay masaya ang anak ko,” wika ni Elena.
“Sinasabi mo lang ‘yan dahil hindi pa kayo nakakaranas na magkaroon ng sariling heater. Sa bahay, wala nga kayong maayos na palikuran, heater pa kaya?” tawa ng tawa si Medy dahil sa kaniyang pangangantiyaw.
Araw-araw ay walang ginawa si Medy kung hindi ipagmalaki ang mga makabago niyang kasangkapan sa loob ng kanilang bahay.
Hanggang isang araw ay bigla na lang siyang nakarinig ng sigaw mula sa kaniyang kasambahay.
“Madam! Madam! Tumawag na po ako ng ambulansya at sinara ko na po ang fuse ng bahay!” natatarantang sabit ni Manang Rosa.
“Ano ang nangyari? Bakit kailangan ng ambulansya? Bakit kailangan nating mawalan ng kuryente?” tanong ni Medy.
“Madam, naabutan ko po ang anak ninyong si Gino sa sahig sa inyong banyo. Sa tingin ko ay nakuryente po siya. Saka lapnos po ang braso niya. Maaaring sobrang init po ng tubig na lumabas sa gripo. At baka nagloko rin po ang heater ninyo!” sambit pa ng kasambahay.
Nagmamadaling pumasok ng bahay si Medy upang tingnan ang anak. Maya-maya ay dumating na ang ambulansya at nabigyan ang bata ng paunang lunas.
“Gino, anak ko, lumaban ka!” pighati ni Medy.
Mabuti na lang at hindi malala ang pinsalang natamo ng bata. Nailigtas naman siya sa ospital at nagkaroon na rin ng malay.
Kumalat ang kwentong ito sa kanilang lugar. Lahat ay masama ang sinasabi tungkol kay Medy.
“Habang ipinagmamalaki niya sa labas ang bago niyang heater ay napabayaan na pala ang sarili niyang anak. Mabuti na lang at naroon ang kasambahay at gumawa agad ng paraan upang mailigtas ang bata mula sa kapahamakan,” saad ng isang kapitbahay.
“Delikado pala ‘yang heater na ‘yan. Kahit kailan ay hindi na ako magpapakabit niyan. Kung nais ko ng mainit na tubig ay magpapakulo na lang ako o hindi kaya’y magbibilad na lang din ako ng tubig sa ilalim ng araw tulad ng ginagawa ni Elena,” saad pa ng isang kapitbahay.
Nang makauwi sina Medy mula sa ospital ay patuloy ang pag-uusap ng masama ng mga kapitbahay tungkol sa kaniya.
“Pabaya kasi. Inuna pa ‘yung yabang kaya ayan nangyarisa kaniya. Kawawa ‘yung bata,” saad ng isang ale.
Lalapitan na sana ni Medy ang mga ito upang makipag-away nang magulat siyang pinagsasabihan na ito ni Elena.
“Hindi gusto ni Medy na masaktan ang anak niya. Walang ina na gustong mapahamak ang kaniyang anak. Natural na ipagmalaki ni Medy ang lahat ng meron siya dahil pare-pareho naman tayong galing sa hirap. Magkakapitbahay tayo kaya huwag na tayong magparinigan. Ang mabuti pa ay umisip na lang tayo ng paraan para may maibigay kay Gino na makakapagpasaya sa kaniya,” wika ni Elena.
Nagulat si Medy sa ginawa ng dating kaibigan. Hindi niya akalaing kaya pa rin siyang ipagtanggol nito.
Lumapit siya kay Elena at humingi ng kapatawaran.
“Kasalanan ko naman talaga, Elena, pero salamat at ipinagtanggol mo ako sa kanila. Bakit sa dami ng nagawa kong masasamang bagay sa iyo’y kaya mo pa rin akong ipagtanggol ng ganun?” tanong ni Medy.
“Simple lang, dahil kaibigan pa rin kita, Medy. Ikaw lang naman itong lumayo ang kalooban sa akin dahil sa hindi ko alam na dahilan. Pero sana makapag-ayos na tayo. Kahit paano’y nami-miss ko na rin kasi ‘yung pagiging malapit natin sa isa’t isa. Ikaw kasi ang nag-iisa kong kaibigan,” saad naman ni Elena.
Mula noon ay naging maayos na ang pakikitungo ni Medy kay Elena. Bumalik na rin ang dati nilang samahan. Ngayon ay napatunayan na ni Medy sa kaniyang sarili na talagang karapat-dapat si Elena sa masayang buhay na tinatamasa nito dahil sa busilak niyang puso.