Inday TrendingInday Trending
Palaging Tumutulong sa Nangangailangan ang Ginoong Ito; Ganito ang Balik sa Kaniya ng Tadhana

Palaging Tumutulong sa Nangangailangan ang Ginoong Ito; Ganito ang Balik sa Kaniya ng Tadhana

Kilala si Mario sa kanilang lugar dahil bukod sa mayaman siya ay ubod din siya ng bait. Siya ang unang taong maaari mong lapitan sa oras ng problema. Hindi kasi niya nag-aatubili na magbigay ng tulong. Kaya naman madalas ay maraming tao ang naghihintay sa labas ng kanilang mansyon.

“Tingnan mo ang mga taong ‘yan! Wala nang ginawa kung hindi tumanghod sa iyo. Hingi sila ng hingi na akala mo ay may patago. Pinapamihasa mo kasi sila!” wika ng asawang si Petra.

“Hayaan mo na sila, Petra. Marami naman tayong pera at naniniwala ako na hindi tayo pababayaan ng Maykapal kung bukas ang ating palad sa pagtulong sa iba. Lahat naman ng pangangailangan natin ay nakukuha natin. Ano ba naman kung ibahagi natin sa iba kung ano ang meron tayo,” wika naman ni Mario.

“Sana nga ang lahat ng iyan ay totoo ang sinasabi. Parang hindi mo kilala ang asal ng kahit sinong tao, mananamantala sila hanggang kaya. Tapos ikaw naman itong uto-uto kaya gustong-gusto ka nilang puntahan,” saad muli ng ginang.

Ayaw ni Petra ang ginagawa ng asawa na namimigay sa mga nangangailangan lalo na sa mga mahihirap. Tingin n’ya’y tamad ang lahat ng ito kaya hindi umaasenso sa buhay. Isa pa, mababawasan ang kanilang yaman.

“Paano na lang, Mario, kung maubusan tayo ng pera dahil sa ginagawa mo? Paano tayo mabubuhay? Dapat ay inilalaan mo ang kayamanan mo para sa magiging anak natin. Kaya hindi tayo magka-anak ay dahil wala kang ginawa kung hindi bigyan ako ng istres!” dagdag pa ng misis.

“Hindi mo naman kasi kailangan mabahala, Petra. Mabuti ang Maykapal, hindi niya tayo pababayaan lalo pa’t tumutulong tayo sa iba,” saad muli ni Mario.

“Tingnan natin kung iyan pa rin ang masabi mo kung maubos ang lahat ng yamang meron ka. Sinasabi ko sa iyo, hindi mo maaasahan na susuportahan kita lalo!” sambit pa ni Petra.

Kahit na tutol ang ginang ay patuloy pa rin sa pagtulong si Mario sa mahihirap. Kaliwa’t kanan pa rin ang pamamahagi niya ng tulong. Lalo tuloy siyang pinupuntahan ng mga tao.

Ngunit isang araw ay dumating na nga ang pinangangambahan ni Petra. Dahil sa pagiging bukas palad ni Mario sa mga nangangailangan ay unti-unti nang naubos ang kanilang pera.

“Ito na nga ang sinasabi ko sa iyo, Mario, akala mo ba’y nanganganak na lang basta ang pera mo kaya grabe kang mamahagi? Gawan mo ng paraan ito kung hindi ay tuluyan nang babagsak ang negosyo natin!” wika pa ni Petra.

“May ilang ari-arian pa naman tayong p’wedeng ibenta, Petra. Huwag kang mag-alala at hindi tayo pababayaan ng Panginoon,” sagot naman ni Mario.

Nagawa ngang ibenta ni Mario ang ilang ari-arian upang makabawi ang kaniyang kompanya mula sa pagkakalugi.

Ang buong akala ni Petra ay magsisilbi ng aral sa kaniyang asawa ang nangyari. Ngunit matigas talaga ang ulo at malambot naman ang puso ni Mario. Patuloy pa rin ang pagtulong niya sa mga lumalapit sa kaniya.

“Inaabuso ka na ng mga ‘yan pero patuloy ka pa rin sa pagtulong! Ano bang napapala mo riyan, Mario? Tingnan mo nga’t naghihirap na tayo! Ayoko ng ganitong buhay! Ilang ari-arian na lang ang mayroon ka. Mauubos ang lahat ng meron ka kung hindi ka titigil sa pagtulong sa mga taong hindi mo naman kaanu-ano! Makinig ka naman sa akin!” bulyaw ng misis.

“Hindi tayo pababayaan ng Diyos, petra. Swerte pa rin tayo dahil kahit paano’y maayos ang ating buhay. Ang ilan sa kanila’y hindi na magawang kumain kahit isang beses sa isang araw. Kung darating man ang panahon na maubos ang lahat ng ito’y tatanggapin ko. Pero naniniwala akong hindi tayo pababayaan ng Diyos,” giit pa ni Mario.

Galit na galit si Petra ngunit hindi pa rin niya magawang iwan ang asawa dahil kahit paano’y may pera pa rin ito.

Subalit patuloy pa rin ang pagkaubos ng pera ni Mario. Naibenta na niya ang lahat ng kaniyang ari-arian. Wala na rin siyang negosyo dahil nagsara na ito dahil sa pagkalugi. Naibenta na rin ang kaniyang bahay at nangungupahan na lang sila ni Petra.

Isang araw ay nadatnan na lang ni Mario na nag-aalsabalutan ang kaniyang asawa.

“A-anong ibig sabihin nito, Petra? Iiwan mo na ba ako? Ayaw mo na dahil mahirap na ako? Kaya kong bumawi, magtiwala ka lang sa akin. Hindi tayo pababayaan ng Diyos!” saad pa ng ginoo.

“Lintek naman, Mario, tigilan mo na ako sa mga sinasabi mong iyan! Hindi ko na kaya ang buhay na ito. Hindi ako nagpakasal sa iyo para dumanas ng hirap. Pinagsabihan kita noon pa lang, ‘di ba? Binalaan na kita! Pero hindi ka nakinig sa akin! Nasaan ang mga taong tinulungan mo? Nariyan ba sila para tulungan ka ngayon? Wala ‘di ba? Kaya ngayon ay magdusa kang mag-isa at huwag mo na akong idamay pa! Aalis na ako rito dahil hindi na kita matatagalan pa!” sambit ni Petra.

Ikinalungkot ni Mario ang paglisan ng kaniyang asawa pero mas ikinalungkot niya ang katotohanang hindi siya magawang suportahan nito at mahalin ngayong nasa ibaba siya ng kaniyang buhay.

Sobrang gipit na sa buhay si Mario na kailangan na niyang lisanin rin ang bahay na kaniyang inuupahan. Naisipan niyang pumunta ng ibang lugar upang doon na lang magsimula ng panibagong buhay. Kung saan walang nakakakilala sa kaniya.

Nakisakay lang siya sa trak upang makalayo. Ngunit pinababa rin siya nito sa kalagitnaan. Uhaw, gutom, at walang kahit anong lugar na matutuluyan. Napapanghinaan na rin si Mario ng loob. May parte sa kaniyang isip na nais magtanong sa Diyos.

Habang naglalakad si Mario ng walang patutunguhan ay bigla na lang siyang nakakita ng isang bahay. Pinakatitigan niya iyon at naalala niya ang dati niyang buhay noong mayaman pa siya. Pero walang pagsisisi sa kaniyang puso.

“Gutom na gutom na ako pero imposible namang patuluyin ako nito. Ang laki ng bahay niya at halatang mayaman. Sa iba na lang ako lalapit,” wika ni Mario.

Paalis na sana siya ng biglang bumukas ang pinto.

“Ginoo, ipinatatanong po ng amo ko kung may kailangan daw po kayo,” wika ng kasambahay.

“Pasensya na kung nakatayo ako sa tapat ng inyong bahay. Pero maaari ba akong makahingi kahit ng isang basong tubig lang?” wika naman ni Mario.

“Pumasok na po kayo at malulugod ang amo ko na makita kayo,” nakangiting sambit pa ng ale.

Nagtataka si Mario kung bakit ganito na lang ang pagtanggap sa kaniya sa bahay na iyon. Hanggang sa lumabas ang isang lalaki.

“Nagpahanda po ako ng maraming pagkain para sa inyo. Ipinahanda ko na rin po ang silid na maaari ninyong tulugan ngayong gabi. Kung may kailangan pa kayo’y huwag kayong mag-atubili na magsabi,” saad nito.

“Mawalang galang na sa iyo pero nagtataka lang ako kung bakit parang kakilala mo ako. Bakit ganito ang trato mo sa akin?” tanong ni Mario.

“Kilala ko po talaga kayo, ginoo. Isa po ako sa dati ninyong natulungan. Noon po’y walang-wala ako sa buhay. Yumao po ang aking mga magulang at ang tanging nais ko lang ay makapagtapos ng pag-aaral. Walang naniniwala po noon sa akin kung hindi kayo. Kayo po ang dahilan kung bakit maayos na po ang buhay ko ngayon. Kaya isang magandang oportunidad po ito para sa akin na ibalik naman sa inyo ang lahat ng kabutihang nagawa ninyo para sa maraming tao,” saad pa ng mayamang lalaki.

Naluha si Mario nang malaman ito. Hindi niya akalaing may buhay na nabago pala nang dahil sa tulong na kaniyang ginagawa.

Tinulungan ng lalaking iyon si Mario upang makabangon muli sa buhay. Dahil sa galing niya sa negosyo ay muli siyang nagtagumpay at unti-unting bumalik ang kaniyang yaman.

“Sa tingin po ba ninyo, sa lahat ng nangyari sa inyo na bumagsak ang inyong negosyo, nawalan kayo ng ari-arian at ng pera at nilisan ng asawa ay handa pa rin ba kayong tumulong sa iba?” tanong ng lalaki.

“Bakit naman hindi,” walang gatol sa pagsagot si Mario. “Tulad ng lagi kong sinasabi, may-awa ang Maykapal sa taong mapagbigay. At hindi nga niya ako pinabayaan. Dahil naranasan ko ang maging mahirap ay lalo lang naging matibay sa akin na tumulong pa sa nangangailangan,” saad pa ng ginoo.

Pinahanga lalo ni Mario ang lalaking kaniyang tinulungan ngayon. Nagsilbi siyang inspirasyon upang gawin din nito ang parehong bagay.

Naipakita sa kwento ni Mario na tunay ngang may-awa ang Diyos sa mga taong mapagbigay.

Advertisement