Inday TrendingInday Trending
Nang Pumanaw ang Asawa ng Babae ay Pagkakataon na ng Lalaki na Ligawan Ito; Makuha Kaya Niya ang Matamis Nitong Oo?

Nang Pumanaw ang Asawa ng Babae ay Pagkakataon na ng Lalaki na Ligawan Ito; Makuha Kaya Niya ang Matamis Nitong Oo?

“Jaime, bakit mo ako iniwan?” lumuluhang sabi ni Patria sa harap ng puntod ng kaniyang asawa.

Ilang araw na ibinurol ang labi ng mister niya sa bahay at ngayon nga ay inihatid na ito sa huling hantungan. Sumakabilang buhay ang lalaki dahil sa atake sa puso, iniwan nito ang babae at ang sampung taong gulang nilang anak na lalaki.

Kakaalis pa lang ng mga nakiramay kay Patria nang…

“Tahan na, Patria. Umiyak ka man nang umiyak ay hindi na mabubuhay pang muli si Jaime,” sambit ng kaibigang si Nestor.

“Nestor, napakasakit ang mawalan ng asawa lalo pa’t bata pa ang aming anak, kay agang naulila sa ama nitong si Julius,” umiiyak na sabi ni Patria.

Tumango ang lalaki. “Nauunawaan ko, pero…mula nang pumanaw si Jaime ay napapabayaan mo na ang sarili mo, ni hindi ka na kumakain sa takdang oras. Nag-aalala ako sa iyo, sa inyo ni Julius. Kapag ikaw naman ang nagkasakit, kawawa naman ang bata, walang mag-aaruga sa anak mo,” paalala nito.

Pinahid ng babae ang luha sa mga mata. “Tama ka, pero bigyan mo lang ako ng isa pang araw para ipagluksa ang aking asawa, isang araw lang,” tugon ng babae.

“Kung iyan ang gusto mo. Tayo na…ako na ang maghahatid sa inyong mag-ina,” yaya ni Nestor.

Inalalayan ng lalaki si Patria at ang anak nito papasok sa kotse, mayamaya ay pinaandar na niya ang sasakyan papunta sa bahay ng mag-ina. Makaraan pa ang ilang sandali…

“O, narito na tayo. Julius, ikaw na ang bahala sa mama mo, ha?” sabi niya sa bata.

Tumango naman ito. “Opo, Tito Nestor. Ako na po ang bahala kay mama,” anito.

Binalingan ni Nestor si Patria.

“Patria, kung anuman ang kakailanganin mo’y huwag kang mag-atubiling tawagan ako, okey?” sabi niya.

“Oo…at maraming salamat sa pagmamalasakit mo sa aming mag-ina, Nestor,” sagot ng babae.

“Alam mo kung bakit…hanggang ngayon naman’y…”

Hindi na naituloy ni Nestor ang sasabihin dahil pinigilan ito ni Patria.

“Huwag, Nestor. Alalahanin mong kamam*t*y pa lang ni Jaime,” wika nito.

Napayuko ang lalaki. “Patawad. Sige, aalis na ako. Tawagan niyo na lang ako ha?”

Tumango ang babae pero hindi na umimik.

Habang papauwi si Nestor…

“Hanggang ngayo’y buhay na buhay pa rin ang pagmamahal ko sa iyo, Patria,” bulong niya sa isip.

Noon pa man ay iniibig na ni Nestor ang babae. Kaibigan niya sina Patria at Jaime mula hayskul hanggang sa kolehiyo at alam niyang iniibig din ni Jaime si Patria. Sabay nilang niligawan ang babae ngunit sa huli ay hindi siya ang binigyan ng matamis ng oo ni Patria kundi si Jaime. Napakasakit kay Nestor ang pagbalewala ni Patria sa pag-ibig niya pero umaasa pa rin siya na balang araw ay mapapansin din nito ang nararamdaman niya.

Ngayong wala na si Jaime ay may pagkakataon na siya. “Sa sandaling maipagbabang-luksa ni Patria si Jaime ay minsan ko pa siyang pagpapahayagan ng aking pag-ibig,” sambit pa niya.

Mula nga noon ay sa mag-ina na niya ginugol ang lahat ng kaniyang mga araw, oras at malalayang panahon.

“Saan tayo pupunta, Nestor?” tanong ni Patria.

“Basta, sumama kayo ni Julius sa akin. Mamamasyal tayo,” sabi niya.

Si Nestor din ang naging gabay ni Patria sa lahat ng bagay lalo na sa pagpapatakbo ng negosyo na naiwan sa pamamahala ng babae mula nang pumanaw ang mister.

“Ano sa palagay mo ang nararapat kong gawin dito, Nestor? Kung narito lang sana si Jaime ay naayos na ang problemang ito sa supplies,” nag-aaalang sabi ng babae.

“Huwag kang mag-alala…ako ang gagawa ng paraan. Kaya natin ‘yan!” tugon ng lalaki.

Nagpatuloy sa paglipas ang panahon, hanggang…

“Naipagbabang-luksa na ni Patria si Jaime. Panahon nang ako naman ang lumigaya,” bulong ni Nestor sa isip.

At muling pinagpahayagan ni Nestor ng pag-ibig si Patria, subalit…

“Pasensya na, Nestor pero hindi pa naghihilom ang sugat ng puso ko sa pagkawala ni Jaime. Bigyan mo pa ako ng kaunting panahon,” wika ni Patria sa kaniya nang ipagtapat niya rito ang nararamdaman.

Labis na dinamdam ni Nestor ang pangyayaring iyon.

“Nasa kabilang buhay na si Jaime ay karibal ko pa rin ang kaniyang alaala,” sambit niya sa sarili. “Hindi ako liligaya hanggang hindi ko pinag-aaralang limutin si Patria. Siguro’y kailangan ko nang sumuko,” saad pa niya.

Mula nga noon ay hindi na muling nagpakita pa si Nestor sa mag-ina.

“Mama, bakit hindi na nagpupunta rito si Tito Nestor?” tanong ni Julius sa ina.

“Hindi ko alam, anak. Marahil ay abala lang siya sa trabaho niya,” tugon ni Patria. “Bakit nga kaya hindi na nagpaparamdam si Nestor? Nami-miss na namin siya ni Julius,” bulong niya sa isip.

Saka lamang napagtanto ni Patria na mahalaga sa kanilang mag-ina si Nestor. Napamahal na sila rito kaya naisip niyang panahon na para bigyan ito ng pagkakataon kaya isang araw…

“Hello? Nestor, si Patria ito,” sabi ng babae sa kabilang linya. Tumawag ito sa bahay ni Nestor kinagabihan.

Hindi inasahan ng lalaki ang tawag na iyon pero dahil doon ay nabuhayan ng loob si Nestor.

“O, ikaw pala! Kumusta na kayong mag-ina?” sagot niya.

“Hinahanap-hanap ka na ni Julius. Nananabik na siya sa iyo,’ sabi nito.

“Siya lang ba ang nananabik?” tanong niya.

Namagitan ang saglit na katahimikan, pagkuwa’y…

“Ako ma’y nananabik na ring makita ka, Nestor. Pakiusap, pumunta ka na rito,” masuyong sabi ni Patria.

Napangiti si Nestor dahil sa tonong iyon ni Patria ay alam na niya ang gusto nitong ipakahulugan. May pag-asa na siya sa puso nito.

“Kung gayon…ngayon di’y magpupunta na ako riyan. Hintayin niyo ako,” masaya niyang tugon.

Nag-uumpayaw sa kaligayahan ang puso ni Nestor nang ibaba niya ang telepono. ‘Di na siya nagpatumpik-tumpik at dali-dali na siyang pumunta sa bahay nina Patria.

Mula noon ay naging mas malapit na siya sa mag-ina at ‘di naglaon ay ibinigay na rin sa kaniya ni Patria ang matamis na oo. Tuwang-tuwa naman si Julius dahil gusto rin ng bata na maging pangalawa siyang ama nito. Makalipas ang isang taon ay nagpakasal na sila ni Patria at namumuhay na sila bilang pamilya. Ipinangako niya sa kaibigang si Jaime na iingatan at mamahalin niya ang mag-ina nito habang siya’y nabubuhay.

Advertisement