Inday TrendingInday Trending
Nagtatahi ng Kwento ang Binatang Ito Upang Makuha ang Loob ng Dalagang Gusto Niya, Rehas ang Nasalat ng Kamay Niya Dahil Dito

Nagtatahi ng Kwento ang Binatang Ito Upang Makuha ang Loob ng Dalagang Gusto Niya, Rehas ang Nasalat ng Kamay Niya Dahil Dito

Kahit anong kwento ay kayang tahiin ng binatang si Joey makuha lamang ang puso ng nakukursonadahan niyang babae. 

“Maganda ang buhay ng pamilya ko kahit noon pa man kaya hinding-hindi ka maghihirap kapag ako ang nakasama mo sa buhay.

“Nakapagtapos ako sa isang kilalang unibersidad sa Maynila bilang cum laude kaya mayroon akong magandang trabaho ngayon.” 

“Itong mga mamahalin kong gamit, napundar ko itong lahat dahil sa pagsusumikap ko kaya umasa kang kapag naging tayo, lahat ito ay mapapasaiyo rin.” 

Ilan lamang ang mga katagang ito sa mga kwentong tinatahi niya upang bukod sa magustuhan siya ng dalagang nakapukaw ng puso niya, maikubli niya pa ang katotohanang siya ay umaasa lamang sa nanay niyang naghihirap sa ibang bansa. 

Sa katunayan, hindi na mabilan ang dami ng dalagang napaikot niya sa kaniyang kamay sa pamamagitan ng mga kasinungalingan tinatahi niya. Mayroon na siyang tatlong babaeng naanakan bukod pa ang limang babaeng kinasama niya sa iisang bahay! 

Ang lahat ng ito ay kaniyang agad na hinihiwalayan, may naiwan man siyang responsibilidad o wala, kapag mayroon na siyang bagong dalagang nakursunadahan. 

Kasuklaman man siya hindi lang ng babaeng iniwan at sinaktan niya, kung hindi pati na rin ang pamilya ng mga ito, wala siyang pakialam doon dahil ang importante lamang sa kaniya ay ang pansarili niyang kasiyahan. 

Katulad ng palagi niyang ginagawa, nang muli siyang may magustuhang babae habang namimili siya sa karinderya ng panghalian sana nila ng babaeng kasalukuyan niyang kinakasama, agad niya itong nilapitan at inalok na kumain sa isang restawran. Sabi niya pa rito, “Ang isang babaeng katulad mo, hindi nababagay sa isang pipitsuging karinderya!” dahilan para agad niya itong mapangiti at makumbinsing makasama pagkalipas ng ilan niya pang pambobola. 

Habang nasa biyahe sila, kung kani-kaninong tropa siya nanghiram ng pera upang mailibre niya nga sa restawran ang dalaga. Kasabay nito ang pagpapadala niya ng mensahe sa kinakasama niyang dalaga na sila’y hiwalay na. 

Matagumpay nga niyang napalayas ang dalaga sa kaniyang bahay at siya rin ay nakahiram ng pera sa kaniyang mga kaibigan kaya agad niyang napakain sa isang magandang restawran ang dalaga na naging simula upang magkaroon ito ng pagtingin sa kaniya. 

“Kung wala kang nobyo, ako na lang ang mahalin mo. Sigurado, hinding-hindi ka magsisisi dahil bukod sa may maganda akong buhay at trabaho…” bahagya niya pang pinutol ang kaniyang sinasabi habang lilinga-linga sa kanilang paligid, “…magaling pa ako sa kama,” dugtong niya rito na talaga nga namang ikinahalakhak nito. 

Ang pagkikita nilang iyon ay nagpatuloy pa hanggang sa tuluyan na niyang makuha ang loob ng dalaga at kaniya na itong maiuwi sa kaniyang bahay. 

Noong unang gabi niya itong makakasama sa pagtulog, lahat ng libag at asim na mayroon siya sa katawan ay talaga nga namang iniligo niya. Halos trenta minuto ang inabot niya sa banyo para lamang malinis ang buong katawan niya! 

Ngunit, pagkalabas niya sa banyo, imbis na siya’y matuwa sa presensya ng napakagandang dalagang nakaupo sa kama niya, siya’y labis na kinabahan nang makita niyang hawak nito ang kaniyang selpon!

Dali-dali niya itong hinablot sa dalaga at nagpanggap na may aayusin dito. 

“Wala ka nang maililihim sa akin, Joey, alam ko na ang lahat. Wala ka bang balak magpadala ng pera para pambili ng gatas ng mga anak mo? Tatlo na pala sila at sa iba-ibang babae pa! Ano, Joey, ako ba ang susunod mong pahihirapan?” agad nitong sigaw sa kaniya sabay bato ng kung anong mahablot nitong bagay. 

“Nagkakamali ka, mahal! Sinisiraan lang ako ng mga dati kong nakarelasyon dahil hindi nila matanggap na may iba na akong minamahal!” pangungumbinsi niya rito habang inaawat-awat niya ito.

“Sinisiraan? Paano ka sisiraan ng kapatid kong bunso, ha? Ikaw pala ang lokong nakadisgrasya sa kapatid ko! Ang t*nga-t*nga ko dahil nagpabilog at nagpaniwala ako sa mga kwento at kasinungalingan mo!” bulyaw pa nito sabay sampal sa kaniya. 

Muli pa sana siyang magpapaliwanag dito ngunit ito’y biglang lumabas ng kaniyang bahay. Buong akala niya’y magpapahangin lang ito, kaya lang, pagbalik nito, kasama na nito ang mga babaeng napaikot niya sa kaniyang kamay at may kasama na ang mga ito na pulis! 

“A-anong ibig sabihin nito? Umayos nga kayo!” sigaw niya sa mga babaeng dati ay mahal niya. 

“Marami kaming pwedeng isampang kaso sa’yo, Joey, kaya kung ako sa’yo, huwag ka nang umapila,” sabi ng isa sa mga ito kaya wala na siyang nagawa kung hindi ang sumama sa mga pulis. 

Doon, siya’y nakasuhan sa mga panloloko, pananakit at pagtakas sa responsibilidad na kaniyang ginawa noon sa hindi mabilang na babaeng sabay-sabay nagsampa ng kaso laban sa kaniya na talagang ikinapanghina niya. 

Dahil sa pangyayaring iyon, labis niyang pinagsisihan ang ginawa niyang paglalaro sa buhay ng mga dalagang tunay siya’y minahal noon kasabay ng paghimas niya sa rehas at sa pangangarap na balang araw ay maibalik niya sa normal ang kaniyang pamumuhay. 

Advertisement