Ikinahihiya Niya ang Buhay na Kinahaharap ng Pamilya Nila Ngayon, Siya rin Pala ang Susi Nito
Sa kabila ng paghihirap na kinahaharap ng kaniyang buong pamilya, hindi pa rin maiwan ng binatang si Nico ang masaganang buhay na kinalakihan niya.
Kung ang kaniyang mga magulang at kapatid ay nagbabanat na ng buto upang matustusan ang pang-araw-araw nilang pangangailangan, siya’y panay barkada, luho at bisyo pa rin ang kaniyang inaatupag.
Naisasakatuparan niya pa rin ang ganitong klaseng pamumuhay kahit siya’y gipit sa pera sa pamamagitan ng pagbebenta niya ng mga mamahalin niyang gamit na pilit niyang itinatago sa kaniyang mga magulang.
“Nico, baka mayroon ka pang naitatagong mamahaling relo, sapatos o kahit pabango riyan. Baka pwede nating ibenta para may maipangbayad tayo sa tuition mo ngayong buwan. Walang-wala na..” hindi na natapos ng kaniyang ama ang sasabihin dahil siya’y padabog na niyang ibinaba ang hawak niyang kutsara, isang gabi habang pinagsasaluhan nilang pamilya ang isang latang sardinas.
“Walang-wala na rin ako, papa! Obligasyon niyong pag-aralin ako, bakit ako ang gagawa ng paraan at magsasakripisyo ng gamit ko para makabayad sa tuition ko?” sigaw niya rito.
“Anak, alam mo naman ang sitwasyon natin ngayon, eh. Magtulungan na muna tayo,” pagmamakaawa nito habang nangingilid pa ang mga luha.
“Tulungan mo ang sarili mo na yumaman ulit! Hindi ko kaya ang ganitong klaseng pamumuhay! Kapag nagpatuloy ito, mapapatigil na ako sa pag-aaral, mawawalan pa ako ng mga kaibigan!” bulyaw niya rito saka agad na lumisan sa kanilang hapag-kainan.
Hindi pa roon natatapos ang hindi magandang ugaling pinakita niya sa kaniyang pamilya dahil kinabukasan, nang mapagawi sa palengke ang kaniyang buong barkada upang bumili ng baboy na gagawin nilang pulutan, ikinahiya niya ang kapatid niyang nagtatatad-tadtad ng karne roon.
“Hindi ba’t iyan ang kuya mo, Nico? Totoo ba ang balitang naghihirap na kayo kaya nagtatrabaho na sa mabahong palengke ang kapatid mo?” bulong ng isa sa mga mayayaman niyang kaibigan.
“Kung totoo ‘yon, hindi niyo na ako makakasama sa mga ganitong kasiyahan! Saka, nahihibang ka na ba? Bakit naman magtatadtad ng baboy ang kuya ko? Ang ganda-ganda ng trabaho niya sa abroad!” pagsisinungaling niya na ikinangiwi ng kapatid niyang naririnig ang kanilang usapan habang tinatadtad ang binili nilang baboy.
“Ibig sabihin…” agad na niyang pinutol ang sasabihin nito upang huwag nang magkaroon pa ng paghihinala ang iba pa nilang kasama.
“Ibigsabihin, hindi ‘yan ang kapatid ko! Baka kamukha niya lang! Kutis pa lang, ibang-iba na, eh!” sabi niya sabay abot ng bayad sa kaniyang kapatid, “Ito po ang bayad, kuya, sa inyo na po ang sukli!” pagyayabang niya pa na ikinabuntong-hininga na lamang ng kapatid niyang pigil na pigil sa galit.
Katulad ng nakasanayan nilang magbabarkada, pinaluto nila sa kasambahay ng pinakamayaman nilang kaibigan ang naturang karne. Agad na rin nilang sinimulan ang paglalaro ng s*gal at pag-iinom nang maluto ang kanilang pulutan.
Wala man na siyang naitatagong alas sa oras na maubos na ang perang dala niya, winaldas niya pa rin iyon kagaya ng ginagawa niya noon hanggang sa tuluyan na nga itong maubos at siya’y umuwing lasing at talunan.
Didiretso na sana siya sa kaniyang silid nang makita niyang tahimik na nakaupo sa tapat ng kaniyang kwarto ang kaniyang kapatid.
“Anong ginagawa mo riyan? Wala kang makikitang pwedeng ibenta sa kwarto ko! Umalis ka na riyan!” sigaw niya pa rito na para bang wala siyang ginawang hindi magandang bahay dito kanina.
“Kulang pa ba ‘yan para magising ka sa kahibangan mo?” galit nitong tanong sa kaniya.
Imbis na makatanggap ng sagot mula rito o kahit umusod man lang upang siya’y makapasok sa kaniyang silid, binigyan siya ng isang malakas na sapok nito sa mukha na nagpaikot sa kaniyang paningin at nagpayanig sa kaniyang utak.
Magsasalita pa lang sana siya at gaganti ng suntok ng bigla nitong dinampot ang kaniyang kwelyo at siya’y hinila palapit sa kwarto ng kanilang mga magulang.
“Pakinggan mo kung paano sila magmakaawa sa Diyos para lang mapalamon at mapaaral ng isang katulad mo! Wala kang kwenta!” sigaw nito saka siya tuluyang iniwan.
Hahabulin niya sana ang kapatid niyang iyon upang gumanti ng suntok nang bigla niyang marinig ang malakas na paghagulgol ng kaniyang ama.
“Kung hindi niyo kami mapapakinggan, kuhanin niyo na lang po kaming mag-asawa! Pagod na pagod na po kami, Ama!” ngawa nito na talagang ikinabato niya.
Sa labis na pag-aalala niyang baka tapusin ng dalawa ang sari-sariling buhay, pilit niyang binuksan ang pintuan nng naturang silid at dali-daling niyakap ang mga ito.
“Mayroon pa akong mga relo at sapatos, papa! Ibenta mo nang lahat! Titigil na ako sa pag-aaral at tutulong na ako sa paghahanap ng pera, huwag lang kayong mawala!” sigaw niya habang hinihimas-himas ang kamay ng dalawa na lalong ikinaiyak ng mga ito.
Iyon ang naging simula upang siya’y makiisa sa pag-angat ng buhay ng kanilang buong pamilya. Hindi niya na rin nagawang ikahiya ang kapatid niyang masipag na nagbananat na buto bagkus kaniya pa itong sinamahan sa pagtitinda roon gamit ang perang kinita niya sa pagbebenta ng mga mamahalin niyang gamit sa social media.
Sa ganoong paraan, hindi man sila agad na nakabangon, masaya siyang makatulong sa kanilang pamilya at maging totoo sa kaniyang mga kaibigan na akala niya’y mawawala kapag nalamang siya’y mahirap na. Ngayon, ang pamilya ng kaniyang mga kaibigan ang suki nila ngayon sa baboy na talagang ikinataba ng puso niya.
Natigil man siya sa pag-aaral at napaligiran ng mababahong karne, masaya siyang masaksihan kung paano muling nagkaroon ng pag-asa sa buhay ang kaniyang mga magulang dahil sa kaniya.