Hindi Niya Matanggap ang Kaniyang Pagkatalo, Nagpaawa Siya sa Harap ng mga Manunuod dahil Dito
Ibinigay ng dalagang si Monette ang lahat upang masungkit niya ang gintong medalya sa sports na noon niya pa kinahuhumalingan. Bata pa lamang siya nang matagpuan na niya ang tunay na saya sa sport na badminton sa pamamagitan ng kaniyang ama na noon ay isa ring manlalaro nito.
Nang magkaroon na ng lugar sa puso niya ang larong ito, hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Siya’y agad na nagsanay at nagpatulong sa kaniyang ama kahit siya’y sampung taong gulang pa lamang noon.
Walang katumbas ang sayang naramdaman niya nang unang beses siyang makasungkit ng medalya sa naturang paligsahan. Ito ang pangyayaring mas nagtulak sa kaniya na malawakin pa ang kaniyang talento at kakayahan sa naturang laro dahilan para gawin niya ang lahat upang siya’y lalong humusay at maipanalo ang lahat ng laban niya.
Natigil lamang siya sa paglalaro nito nang magsimulang manghina ang kaniyang ama at siya ang tanging nag-alaga at nagbantay dito. Sa mga panahong iyon na silang dalawa lamang ang araw-araw na magkasama at magkausap, kakaibang saya ang nararamdaman niya lalo kung tungkol sa naturang sport ang kanilang usapan.
“Anak, ipangako mo sa akin na kapag gumaling ako, maglalaro ulit tayo ng badminton, ha? Kapag nanalo ako, ililibre mo ako ng mamahaling kape na nauuso ngayon!” sabi sa kaniyang ama saka ipinakita sa kaniya ang litrato ng naturang kape.
“Sige, papa, basta kapag nanalo ako, ibibili mo ako ng bagong raketa na gagamitin ko para makasungkit ako ng gintong medalya sa pambansang palaro, ha?” tuwang-tuwa niyang tugon na lalo nitong ikinagalak.
“Diyos ko! Kahit matalo ka sa akin, ibibili talaga kita noon! Kahit magkandakuba-kuba pa ako, maibili lang kita ng magandang klaseng raketa, gagawin ko! Pero tandaan mo, anak, hindi nakasalalay sa ganda o mahal ng raketang gamit mo ang pagkapanalo mo, ha? Nasa diskarte, galing at talino mo ‘yon! Sigurado ako, balang araw, makakasungkit ka rin ng gintong medalya!” payo nito sa kaniya na talaga nga namang tumatak sa puso’t isip niya.
Hindi niya lubos akalain na iyon na pala ang huling pag-uusap nila ng kaniyang ama dahil kinabukasan, pagkagising niya, hindi na ito humihinga.
Sa kabila ng paghihirap na naranasan niya simula nang araw na iyon, pinagpatuloy niya ang hilig niya sa paglalaro ng badminton. Ito ay upang bukod sa lalo siyang gumaling sa paglalaro nito, naaalala niya pa ang mga masasayang araw na kasama niyang maglaro ang yumao niyang ama.
Sa araw-araw na pagsasanay at paglalaan niya ng oras para sa naturang laro, unti-unti siyang nagkaroon ng pagkakataon na makilala ng lahat hanggang sa tuluyan na niyang maabot ang isa sa mga pangarap niya, ang maging isang manlalaro sa palarong pambansa.
At dahil nga may pangako siya sa kaniyang ama, dekalibreng pag-eensayo ang kaniyang ginawa. Wala siyang pinipiling oras ng pag-eensayo, basta maramdaman niya ang presensya ng kaniyang ama, kahit pagod na siya, siya’y nagpupumilit na magsanay.
Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon, dekalibre ang talento at diskarte ng kalaban niya dahilan upang kahit anong pagsasanay ang ginawa niya, pilak na medalya lamang ang kaniyang napanalunan.
Upang makuha ang simpatiya ng mga taong nanunuod, nang makuha ng kalaban niya ang huling puntos, siya’y agad na umiyak sa harap ng mga manunuod habang sumisigaw na siya’y dinaya nito.
Buong akala niya, ang ginawa niyang eksenang iyon ay paniniwalaan ng kaniyang coach at siya’y ipagtatanggol at kakampihan. Kaya lang, paglapit nito sa kaniya, bulong nito, “Monette, hija, alam ko kung gaano mo kagusto na maiuwi ang gintong medalya at alam ko rin na pangako mo ito sa yumao mong ama. Higit pa roon, alam ko ring hindi ka nadaya at sadyang mas magaling lamang siya sa’yo. Ang magaling na manlalaro, alam ang kakayahan niya at bihasa sa pagtanggap ng pagkatalo. Huwag mong hayaang mawalan ng halaga ang pagkapanalo ng katunggali mo dahil lang sa pansarili mong kagustuhan. Tumayo ka riyan at magpakita ka ng tamang pag-uugali sa pagtanggap ng pagkatalo nang sa gayon, makita ng tao na isa kang tunay na manlalaro,” na talagang nagbigay hiya at aral sa kaniya kaya dali-dali siyang nagpunas ng luha at nakipagkamay sa katunggali niya.
Wala pang sampung minuto, agad na rin silang sinabitan ng medalya. Tutulo na naman muli sana ang luha niya nang makita niyang sinabitan ng gintong medalya ang katunggali niya, kaya lang muli siyang binulungan ng kaniyang coach.
“Hindi mo pa oras ngayon, Monette, pero sigurado ako, sa galing na pinakita mo sa lahat, darating ang panahon na masusungkit mo rin ‘yan,” sabi nito na talagang nagpatibay ng loob niya.
Ginawa niyang inspirasyon ang sinabing iyon ng kaniyang coach kasama ng pangako niya sa kaniyang ama upang lalong magsumikap sa naturang larangan na talaga nga namang nagbunga nang nag-uumapaw na saya sa pagkatao niya dahil paglipas lang ng isang taon, sarili niya naman ang nakita niyang sinasabitan ng gintong medalya!
“Salamat, coach!” sigaw niya sa naturang ginang na nagtuwid ng pag-uugali niya at nagpatibay ng loob niya.
Pagkatapos ng seremonyang iyon, siya’y agad na nagpunta sa puntod ng kaniyang ama upang bigyan ito ng mamahaling kape at ibida ang kaniyang gintong medalya na labis na nagpataba ng puso niya.
“Alam kong pinagmamalaki mo ako riyan sa langit, papa!” hikbi niya habang pisil-pisil ang kaniyang medalya.