Inday TrendingInday Trending
Isang Mabait na Ama Naman ang Matanda; Ngunit Bakit Tila Wala Man Lang Oras Para sa Kaniya ang Mga Anak?

Isang Mabait na Ama Naman ang Matanda; Ngunit Bakit Tila Wala Man Lang Oras Para sa Kaniya ang Mga Anak?

Natahimik si Arturo nang mula sa usapan tungkol sa kanilang mga biyenan ay nalipat ang usapan sa motor.

Nauunawaan niya naman iyon, dahil sa usong-uso ang motor sa panahon ngayon. Parang wala nga siyang kakilala na walang motor. Lahat ng kumpare niya ay kani-kaniyang yabang ng kani-kanilang mga motor.

Maya-maya ay narinig niya pa na nagkayayaan ang mga ito.

“Tara, mag-ride tayo papuntang probinsya. Para naman makasagap ng sariwang hangit kahit paano,” ani Sherwin.

Tila batang tuwang-tuwa ang mga kainuman niya. Parang ang lahat ay excited sa napipintong paggala.

Marahil ay napansin ng mga ito na hindi siya sumasali sa usapan, kaya naman kinalabit siya ng kumpare niya na si Paeng.

“Pareng Arturo, ano, sama ka?” tanong nito.

Umiling siya. May isang mabigat na dahilan kasi kung bakit siya lang ang nag-iisang hindi nakakasama sa gala ng kaniyang mga kumpare.

“Alam niyo naman na wala akong motor…” sagot niya, pilit na itinatago ang pagkadismaya.

Napapalatak si Paeng.

“Naku, oo nga pala!” tila noon lang nito naalala ang sitwasyon niya.

“Pare, pwede ka naman namin iangkas. Sumama ka na at bonding na natin ito,” suhestyon ni Atong.

“Oo nga, pare! Saka malapit na rin naman ang birthday mo!” dagdag pa ni Sherwin.

Marahan siyang umiling. Ayaw na ayaw niya kasi na nakakaabala.

Kita niya ang panghihinayang sa mukha ng mga kumpare.

“Pare naman kasi. Ang mga anak mo, puro titulado. Pwedeng-pwede ka nang magpabili ng motor kung gugustuhin mo,” komento ni Paeng, na sinang-ayunan ng lahat.

Natawa na lang siya sa narinig.

“Ayaw ko naman gawin ‘yan sa mga anak ko… Syempre ang pera nila ay pera nila. Hindi naman nila responsibilidad na bilhan ako ng kung ano-ano,” katwiran niya.

Totoo naman ang sinabi niya. Puro tapos na ng pag-aaral ang mga anak niya at maayos na ang buhay nila. Ngunit ayaw niya pa rin na abusuhin iyon lalo pa’t napakahirap kumita ng pera sa mga panahong ito.

“Simpleng salo-salo lang sa kaarawan ko, at ‘yung sama-sama kami, ang simpleng hiling ko. Syempre alam niyo na, ngayong matanda na sila, ‘yung iba may sariling pamilya na, may kani-kaniya na silang buhay,” dagdag niya pa.

Ang totoo ay isa ang kaniyang kaarawan sa mga pinakahihintay niyang araw ng tao. Iyon kasi ang araw na talagang nakakasama niyang muli ang kaniyang nga anak, maging ang kaniyang mga apo.

Kaya naman laking pagkadismaya niya nang ilang araw ang kaniyang kaarawan ay isa-isang nagsabi ang kaniyang mga anak na hindi muna makakadalaw ang mga ito.

Ang anak niyang si Rosela ay hindi nakapag-leave sa trabaho. Isa itong bisor sa isang malaking kompanya.

Si Cesar naman na isang arkitekto ay magkakaroon conference sa ibang bansa.

Habang ang bunso niya na si Helen naman ay magiging abala raw sa mga gawain nito bilang isang guro.

“Hayaan mo na’t maaari naman tayong maghanda sa ibang araw na lang,” anang kaniyang asawa. Wala siyang ibang nagawa kundi ang sumang-ayon, kahit pa masama ang loob niya.

Ang espesyal na araw sana ay naging ordinaryo para kay Arturo.

Bandang hapon nang gumayak siya paalis ng bahay. Nagkayayaan kasi silang magkukumpare na uminom.

“Saan ka pupunta?” usisa ng asawa niya.

“Mag-iinom lang kami nina Pareng Paeng…” sagot niya habang sinusuklay ang basa niyang buhok.

Nagulat siya nang magtaas ng boses ang asawa.

“Dumito ka na lang muna sa bahay. Birthday mo, sa kanila ka sasama imbes na sa pamilya mo?” taas kilay na komento nito.

Dahil ayaw niya na makipag-argumento sa asawa ay hindi niya na lamang kinontra ito, ngunit mas lalo lang sumama ang loob niya.

Umupo siya sa sofa a binuksan ang TV.

Ilang minuto pa lang siyang nanonood nang isang sasakyan ang huminto sa tapat ng bahay nila.

Nang sumilip siya sa bintana ay nanlaki ang mata niya nang makita ang isa-isang pagbaba ng kaniyang mga anak mula sa isang itim na van.

May bitbit na malaking cake si Helen, habang samu’t saring pagkain naman ang dala nina Cesar at Rosela.

Sabik na sinalubong niya ang mga anak.

“Akala ko hindi kayo makakarating?” gulat na bungad niya sa mga anak.

Yumakap sa kaniya ang bunsong anak.

“Pwede ba naman na wala kami sa espesyal na araw mo, Papa?” nakangiting sabi nito.

“Happy birthday, Lolo!” sabay-sabay na bati ng makukulit niyang mga apo na sabay-sabay pang yumakap sa binti niya.

Nilingon niya ang asawa.

“Kaya pala ayaw mo akong paalisin…” nakangising sabi niya.

Masaya silang nagkwentuhan habang kumakain.

Bago nila hiwain ang cake ay kumanta pa ang pamilya niya ng “Happy birthday.”

Akmang hihiwain na niya ang cake nang magsalita si Helen.

“Hep, hep, ‘wag mo muna hiwain, Papa!” pigil nito.

Ipinaliwanag ng anak na may sorpresa raw sa loob ng cake, kaya kailangan niyang hilahin ang kung ano mula sa loob ng cake.

Mas lalong nasabik si Arturo. Dati kasi ay napapanood niya lang mga ganoong uri ng cake sa social media.

“Naku, mukhang magkakapera ako, ha?” natatawang biro niya, dahilan upang sumabog ang halakhakan.

Inakala niya na mahaba-habang hilahan ang mangyayari, ngunit wala pang limang segundo ay nailabas niya na ang kung anumang nasa loob ng cake.

Nang usisain niya ang laman ng plastic ay nanlaki ang mata niya sa labis na gulat.

Isang susi ang naroon!

“Para saan ‘to?” gulat na bulalas niya.

“Tingnan mo sa tapat, Papa. Naroon ang sususian mo,” nakangiting sabi ni Cesar.

Nang sumilip si Arturo sa labas ng bahay ay nakita niya ang bagong-bagong pulang motor na nakaparada sa labas ng bahay.

“Sa akin ‘yun?” nanlalaki ang matang tanong niya sa mga anak.

“Opo, Papa, sa inyo ‘yun,” ani Rosela.

Halos magtatalon siya sa labis na saya. Gustong-gusto niya kasi ang sorpresa ng kaniyang mga anak.

Excited siyang lumabas at sinubukan ang bago niyang sasakyan.

Nang makabalik ay paulit-ulit siyang nagpasalamat sa mga anak.

“Kung may gusto ho kayo, Papa, ‘wag ho kayong mahiyang magsabi. Kung kaya naman ho namin ay bakit hindi?” sabi ni Rosela.

“Walang-wala pa po ito sa kalingkingan ng mga paghihirap mo noon bilang OFW para lang maitaguyod kami, Papa…” ani Cesar.

Pigil ni Arturo ang mapaluha.

Madalas niya kasing marinig na ang swerte-swerte raw ng mga anak niya sa pagkakaroon ng ama na gaya niya, ngunit mali sila.

Kung mayroon mang pinagpala, siya ‘yung bilang ama. Nabigyan siya ng mababait na anak na mapagmahal at mapagbigay.

Advertisement