Inday TrendingInday Trending
Paulit-ulit Niyang Inapi ang Kaklase; Isang Hapon ay Isang Hindi Inaasahang Pangyayari ang Masasaksihan Niya

Paulit-ulit Niyang Inapi ang Kaklase; Isang Hapon ay Isang Hindi Inaasahang Pangyayari ang Masasaksihan Niya

Pagpasok pa lang ni Krista sa loob ng klasrum ay isang tao na kaagad ang hinanap ng kaniya mata.

Napangisi siya nang makita ang isa sa mga kaklase na nakatalungko sa bintana habang nakatanaw sa labas ng paaralan.

“Hoy, Hazel!” sigaw niya sa kaklase.

Napapitlag ito sa gulat.

Alanganin nitong sinagot ang pagtawag niya.

“B-bakit, Krista?” tila takot na usisa nito.

Ibinato niya rito ang singkwenta pesos. Sapul ito sa mukha.

“Ibili mo ako ng sandwich sa canteen. Bilisan mo at nagugutom na ako,” utos niya.

Tumingin ito sa suot ng orasan bago muling bumaling sa kaniya.

“P-pero mag-aalas syete na. Darating na ‘yung teacher natin…” katwiran nito.

Sinipa niya ang upuan, dahilan upang gumawa iyon ng malakas na ingay. Galit na nilingon niya si Hazel.

“So anong sinasabi mo? Hindi mo ako ibibili ng pagkain?” pikon na sigaw niya.

Napayuko ito bago dinampot ang pera sa sahig.

“S-sorry, Krista. Ibibili kita…”

Sa huli ay wala rin itong nagawa kundi ang magkumahog na sundin ang utos niya.

Naramdaman ni Krista ang pagkalabit ng kaibigan niya na si Wendy.

“Krista, hindi ba’t parang grabe naman ‘yung ginagawa mo kay Hazel? Hindi ka ba natatakot na baka isumbong ka niya sa mga teacher natin?” tanong nito.

Ngumisi siya, ngunit hindi siya umimik. Alam niya naman kasi na kahit na anong gawin niya ay hindi siya mapapatalsik sa eskwelahan. Isang mayamang negosyante kasi ang kaniyang ama.

Saktong alas syete nang dumating ang guro nila na si Sir Rosales. Bagaman istrikto ito at ubod ng sungit ay isa itong magaling na guro.

Nasa kalagitnaan sila ng diskusyon nang dumating si Hazel. Bitbit nito ang pinabili niyang pagkain.

“Hazel, na-late ka sa klase ko para lang bumili ng pagkain?” inis na kastigo nito sa kaklase nila.

Itinuro siya ni Hazel, ngunit hindi niya ito pinansin at pilit siyang nagmaang-maangan.

“Si Krista po ang nagpabili nito, Sir…” katwiran nito.

Tumaas ang kilay niya at tumayo siya upang ipagtanggol ang kaniyang sarili.

“Sir, wala po akong alam, gumagawa lang po ng kwento si Hazel!” paliwanag niya.

Bumaling siya sa mga kaklase.

“May nakakita ba sa inyo na ako ang nag-utos kay Hazel?” tanong niya sa mga kaklase.

Lihim siyang napangisi nang walang sinuman ang naglakas-loob na umimik. Marahil ay natatakot ang mga ito mapag-initan niya.

Umupo lang siya nang makita ang dismayadong tingin na ibinato ng kanilang guro kay Hazel. Lihim siyang napangiti.

“Na-late ka na nga, ipinahamak mo pa ‘yung kaklase mo na walang kaalam-alam. Pumunta ka na sa upuan mo at mag-uusap tayo mamaya,” sermon ng guro.

Si Hazel ay mangiyak-ngiyak na bumalik sa upuan nito, bitbit ang pagkain na pinabili niya.

Nang makaalis ang guro ay agad siyang lumapit sa kaklase upang kunin ang pagkain na nakapatong sa mesa nito.

Kinahapunan, palabas na si Krista ng eskwelahan nang matanaw niya si Hazel na naglalakad. Mag-isa lamang ito.

Binilisan niya ang lakad hanggang sa abutan niya ito, bago niya ito inakbayan.

Agad itong napapiksi, akmang tatanggalin ang kamay niya, ngunit nanigas ito nang makita siya.

“Yosi muna tayo…” yaya niya sa kaklase.

“H-hindi ako nagyoyosi…” anito.

Hinigpitan niya ang kapit sa balikat ni Hazel hanggang sa mapaaray ito.

“Hindi ka sasama? Sinong bibili ng yosi ko?” matalim ang mata na tanong niya.

Takot na nagbaba ito ng tingin.

“S-sasama ako, Krista,” sagot nito.

Ngunit nang ibaba niya ang kamay na nakaakbay rito, sa gulat niya ay kumaripas ito ng takbo.

“Hazel!” galit na sigaw niya bago hinabol ang kaklase.

“Kapag nahuli kita, lagot ka sa’kin!” banta niya pa habang hinahabol ito.

Malapit na sana niyang abutan ang kaklase nang mapasigaw siya sa labis na gulat.

Isang rumaragasang sasakyan kasi ang nakabundol dito!

Nanginginig na tinanaw niya ang duguang katawan ng kaklase sa kabilang panig ng kalsada. Nasaksihan niya ang pagharurot ng sasakyan na nakabangga sa kaklase.

Unti-unting pinamugaran ng tao ang lugar kung saan nangyari ang insidente.

Binalot siya ng takot nang marinig ang sinabi ng isa sa mga miron.

“Naku, kawawa naman! Hindi na yata humihinga!”

Mabilis pa sa alas kwatro na nilisan niya ang lugar na iyon. Ayaw niya kasi na madawit ang pangalan niya sa insidente.

Tulala na naglakad siya pauwi ng bahay. Sa kaniyang isipan ay ang piping panalangin na bumuti ang lagay ni Hazel. Alam niya kasi na malaki ang kasalanan niya sa nangyari rito.

Ngunit hindi nangyari ang dinasal niya. Pagdating niya kasi sa ospital kinabukasan ay isang nakagigimbal na balita ang sumalubong sa kaniya.

“P@tay na raw si Hazel! Grabe, nakakagulat! Nabangga raw ng sasakyan…” kwento ni Wendy.

Nanlalambot siyang napaupo.

“Tinakbuhan siya nung nakasagasa… Wala silang alam kung sino ang may gawa. Naku, sana naman ay mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kaklase natin…” kwento pa ni Wendy.

Tila tuksong bumalik sa alaala niya ang nangyari kahapon. Tandang-tanda niya pa ang bawat detalye ng sasakyan.

Ngunit kung magsasalita siya, ibig sabihin lang noon ay kailangan niya rin na aminin ang nagawa niyang kasalanan sa kaklase. Hindi lang ang kasalanan niya rito kahapon, kundi maging ang mga nagawa niya na rito noon pa.

Kaya naman nanatiling tikom ang labi niya. Ngunit sunod-sunod na kakatwang pangyayari ang nangyari sa kaniya.

Papalabas siya ng gate nang makita niya ang isang pamilyar na babae sa ‘di-kalayuan. Kumabog ang dibdib niya.

Habang palapit siya nang palapit sa kinatatayuan ng babae ay palinaw nang palinaw ang mukha nito.

Nanindig ang balahibo niya nang mamukhaan ito.

Walang iba kundi si Hazel!

Napapikit si Krista. Iniisip niya namalikmata lang siya.

Pagdilat niya ay wala na ang babae.

“Hindi kaya nagpapakita sa akin si Hazel dahil sa mga nagawa ko noon?” sa loob-loob niya.

Nang mga sumunod na araw ay hindi lang ilang ulit niyang nakita si Hazel. Saglit man ay sigurado na siyang nagpapakita nga sa kaniya ang kaluluwa ng kaklase.

Isang hapon, bago siya umuwi ay dumaan siya sa lugar kung saan ay madalas siyang manigarilyo.

Isa iyong tagong eskinita na hindi kalayuan mula sa eskwelahan.

Nakakailang buga pa lang siya nang isang estudyante ang dumating. Mula sa gilid ng kaniyang mata ay nakita niya kapareho ng uniporme niya ang suot nito, kaya naman nilingon niya ang baging dating.

Ngunit nagimbal siya nang makita ang mukha ng babae. Nakatingin ito sa kaniya, nanlilisik ang mga mata.

Napaatras siya sa sobrang takot. Ang babae kasi sa harap niya ay walang iba kundi si Hazel!

“Magsalita ka, kung ayaw mong sirain ko ang buhay mo!” sigaw nito.

Napaupo at napapikit siya sa sobrang takot. Pagdilat niya ay wala na ang babae sa harap niya.

Nang oras ding iyon ay tumakbo siya pabalik sa eskwelahan. Alam niya na isang bagay lang ang dapat niyang gawin upang tigilan siya ni Hazel.

Nang hapon iyon ay sinabi niya sa mga pulis ang lahat ng kaniyang nalalaman, mula sa pang-aapi niya kay Hazel, hanggang sa detalye ng sasakyan na nakabundol rito.

“Hindi ka makukulong dahil menor de edad ka. Pero malaki ang kasalanan mo sa nangyari,” naiiling na komento ng imbestigador.

Papalabas na siya ng presinto nang isang pumapalahaw na babae ang dumating. Nanigas siya nang makita ang babae sa likod nito. Si Hazel!

Nanginig na naman siya sa takot, lalo na nang lumapit ito at duruin siya.

“Ikaw ang may kasalanan sa nangyari sa kakambal ko! Hinding-hindi ka namin mapapatawad!” sigaw nito.

Noon niya napagtanto na hindi ito multo—ito pala ang kakambal ni Hazel na nais na mailabas ang tunay na nangyari.

Ang ina ni Hazel ay walang patid ang pagluha.

“Ano bang ginawa ng anak ko sa’yo para pahirapan mo siya ng ganoon?” umiiyak na tanong nito.

Noon ay napaluha na si Krista. Noon niya naramdaman ang tunay na bigat ng kasalanan niya. Nasabi man niya ang totoo ay mabigat pa rin ang pakiramdam niya. Dahil iyon sa isang buhay na nawala dahil sa kaniya.

At alam niya na dadalhin niya ang mabigat na kasalanan na iyon habambuhay.

Advertisement