Inday TrendingInday Trending
Bago Pumanaw ang Kapatid ng Lalaki ay Hiniling Nitong Pakasalan Niya ang Asawa Nito; Mapagbigyan Kaya Niya Ito Gayong ang Misis Nito ay ang Ex Niya?

Bago Pumanaw ang Kapatid ng Lalaki ay Hiniling Nitong Pakasalan Niya ang Asawa Nito; Mapagbigyan Kaya Niya Ito Gayong ang Misis Nito ay ang Ex Niya?

Pinipigilan ni Ford na maluha habang naglalakad papunta sa pribadong kwarto ng ospital kung saan naka-confine ang kaniyang nakababatang kapatid na si Liam.

Palakas nang palakas ang tibok ng puso niya habang papalapit sa kinaroroonan ng kapatid. Ayaw niya man ngunit kailangan niya itong harapin. Dalawang taon din silang hindi nagkita dahil mas pinili niyang mamuhay na mag-isa sa Maynila at ngayong nag-aagaw buhay ito dahil sa sakit na k*nser ay nagi-guilty siya dahil iniwan at tiniis niya ito.

“Bakit, Liam, bakit si Stef pa? Sa dinami-dami ng babae, bakit siya pa?” lumuluhang sabi niya, naalala na naman niya kasi ang nangyari noon. Nahuli niyang magkayakap ang kapatid at ang kaniyang girlfriend.

Halos hindi siya nakakilos sa kinatatayuan ng araw na iyon. Nang makita siya ng dalawa ay tila natulala rin ang mga ito.

“F-Ford you don’t understant. Let me explain, I…”

Hindi na niya pinatapos na magsalita ang babae. “You don’t have to explain anything. Tapos na ang lahat sa atin. Kung ang kapatid ko ang gusto mo, sige sa kaniya ka na,” sabi niya tapos ay umalis na.

Lumuwas siya sa Maynila para makalimot at nabalitaan na lang niya na nagpakasal na ang dalawa, habang siya ay hinihilom pa rin ang sugatang puso. Buong buhay niya ay nagparaya siya para sa bunsong kapatid. Kaya nga siguro spoiled ito, lahat ng gusto ay dapat na masunod, dapat na makuha. Hindi akalain ni Ford na pati ang nobya niya, ang babaeng pinakamamahal niya ay aagawin pa nito.

Hindi niya rin naman natiis ang kapatid lalo pa ng tawagan siya ng tita niya at sabihing malubha na ang sakit nito. Siya raw ang gustong makita bago tuluyang mamaalam sa mundo.

Ngayong nasa tapat na siya ng kwarto ay bumuntung-hininga muna siya bago binuksan ang pinto. At tumambad sa kaniya ang payat na payat niyang kapatid na nakaratay sa kama. Napansin din niya na putlang-putla na ito at nanghihina na pero nagawa pa ring ngumiti nang makita siya.

Sa puntong iyon ay biglang naglaho lahat ng hinanakit sa puso ni Ford. Ang mga luhang kaniyang pinipigilang lumabas ay kusa nang kumawala sa mga mata niya. Nilapitan niya ito at hinawakan ang mga kamay ng kapatid.

“K-Kuya, buti at dumating ka na, matagal na kitang gustong makausap,” hirap na hirap na sabi nito.

“Sshh…huwag na nating pag-usapan ang nakaraan. Ang mahalaga ngayon ay magpalakas ka,” naluluhang sabi niya.

“K-kuya…m-may hihilingin sana ako sa iyo, m-maaari ba?” sabi nito na habol ang hininga.

Tumangu-tango naman si Ford. “Sige, kapatid ko, ano ba ang gusto mong hilingin?” tanong niya.

“A-Ang nais ko’y …p-pakasalan mo s-si Stef,” anito.

“A-Ano?!”

Hindi agad siya nakakibo sa tinuran ng kapatid, mayamaya ay sinagot niya rin ito.

“Imposible ang gusto mong mangyari…”

Hindi na siya pinatapos magsalita ni Liam. “Pakiusap, kuya, pakasalan mo si Stef. Iyon lang ang gusto kong hilingin sa iyo. Huwag mo siyang iiwan…paki…” hindi na naituloy pa ng kapatid ang sasabihin dahil bigla na lamang itong nahirapang huminga at inatake. Dali-dali niyang tinawag ang doktor pero hindi na rin nagtagal at tuluyan na itong binawian ng buhay.

Kahit naiilang ay pinagtulungan nila ni Stef na asikasuhin ang burol ng kapatid hanggang sa maihatid nila ito sa huling hantungan. Hindi niya matingnan ng diretso ang babae, naiilang siya kapag kasama ito. Hindi niya rin masabi rito ang kahilingan ng yumaong kapatid. Nagda-dalawang isip nga siya kung tutuparin iyon, pero ayaw naman niyang balewalain ang huling habilin ni Liam sa kaniya. Bahala na!

“Hanggang kailan mo ako iiwasan, Ford?” seryosong tanong ni Stef, magkasama sila sa bahay ng kapatid niya at nag-aayos ng mga gamit nito.

Hindi niya sinagot ang babae dahil hindi pa siya handang pag-usapan ang tungkol sa kanilang dalawa.

“Ford, please kausapin mo ako, makinig ka naman sa akin,” mariing sambit ng babae.

Kumunot ang noo niya at narindi sa tono ng boses ni Stef kaya hindi siya nakapagpigil at hinarap ang dating nobya.

“Mahiya ka naman, Stef kapapanaw lang ng kapatid ko. Hintayin mo namang magbabang-luksa si Liam. Alam mo ba na ang hiling niya sa akin bago siya mawala ay ang pakasalan kita? Pwes, huwag kang mag-alala mangyayari iyon pero hindi dahil sa mahal pa rin kita, iyon ay dahil gusto kong pagbigyan ang huling habilin niya, naiintindihan mo?” matigas na sabi niya.

Parang sinampal ng malakas sa mukha si Stef sa sinabi niya. Hindi ito nakakibo at lumabas na sa bahay. Nang wala na ang babae ay hindi na niya napigilan ang mga luhang pumatak sa mga mata niya. Habang nagliligpit siya ng mga naiwang gamit ni Liam ay napansin niya ang isang notebook na nakapatong sa mesa nito.

“Aba, may diary pala ang kapatid ko!” gulat niyang sambit sa sarili.

Dahil sa kuryosidad ay binasa niya ang nilalaman niyon at laking gulat niya nang mabasa ang isa sa mga pahina na naroon na tungkol sa kaniya.

“Sana naman ay kausapin na ako ni Kuya Ford. Kapag tumatawag ako sa kaniya ay hindi niya ako sinasagot. Mula nang pumunta siya sa Maynila ay tila pinutol na niya ang komunikasyon sa akin bilang kapatid niya. Sana ay huwag na siyang magalit sa akin at kay Stef dahil wala kaming kasalanan.Nang makita niya kaming magkayakap ay dinadamayan lamang ako ni Stef dahil nang araw na iyon ay nalaman kong malubha na pala ang sakit kong k*nser. Nang maabutan kami ni kuya na magkayakap ay nagselos agad siya at hindi kami hinayaan na makapagpaliwanag. Umalis siya at iniwan si Stef na luhaan.Sinubukan siyang tawagan ni Stef pero hindi rin siya sinasagot ni kuya kaya ang akala niya ay tuluyan na siya nitong kinalimutan. Dahil mag-isa na lamang ako sa buhay at iniwan ako ni kuya na may karamdaman ay nagdesisyon si Stef na magpakasal sa akin para ako’y alagaan niya. Naawa si Stef sa kalagayan ko kaya nagsama kami sa iisang bubong pero kahit kailan ay walang nangyari sa amin at hindi kami nagtatabi sa kama dahil hanggang pagkakaibigan lang ang turing namin sa isa’t isa.Nahihiya nga ako sa kaniya dahil ginawa niya iyon para sa akin kahit alam kong mahal na mahal niya si Kuya Ford. Umaasa pa rin si Stef na babalik si kuya at papakinggan kami. Sana ay hindi pa huli ang lahat, ang nais ko’y bago ako mawala sa mundo ay bumalik si Kuya Ford at magkaaayos sila ni Stef dahil mahal na mahal siya ng girlfriend niya. Sa pagdating ng araw na iyon ay ibibigay ko ang kalayaan ni Stef, makikipaghiwalay ako sa kaniya para ipagpatuloy nila ni kuya ang pagmamahalan nila.Kaya, kuya bumalik ka na, please!”

Nabitawan ni Ford ang hawak na diary, umiiyak siyang lumabas ng bahay. Napakalaki ng kasalanan niya sa kapatid at kay Stef. Buong buhay niya, inisip niya na niloko siya ng dalawa pero mali ang lahat ng akala niya.

“Stef, Liam! Patawarin ninyo ako, mahal na mahal ko kayo! Mahal na mahal kita kapatid ko, mahal na mahal din kita, Stef hanggang ngayon!” sigaw niya.

Napaluhod nalang siya habang umiiyak, huli na siya. Gusto niyang suntukin ang sarili.

Nakayuko pa rin siya sa lupa nang may nag-abot sa kaniya ng kamay. Pagtingala niya ay lumakas ang tibok ng puso niya. Si Stef ang nasa harapan niya.

Hindi pala ito umalis. Nakatitig lang ang babae sa kaniya at tila pinipigil din ang luha.

“Stef, akala ko’y tuluyan mo na akong iniwan!” humihikbing tanong niya.

Umiling ang babae. “Alam mo namang kahit kailan ay hindi ko magagawang iwan ka. Ikaw nga itong nang-iwan at umalis na lang,” anito.

Niyakap niya ng mahigpit si Stef. “Patawarin mo ako, sana’y pinakinggan ko kayo ni Liam noon. Patawarin ninyo ako!” hagulgol niya.

“Matagal ka na naming pinatawad ni Liam. Hindi siya nawalan ng pag-asa, alam niyang babalik ka. Mahal na mahal ka namin ng kapatid mo,” sagot nito.

“Salamat. Mahal na mahal ko si Liam, mahal na mahal pa rin kita, Stef,” wika ni Ford saka hinalikan sa noo ang babae.

Pinuntahan nila ni Stef ang sementeryo kung saan nakalibing ang kapatid. Inalayan nila ito ng bulaklak, kandila at maikling panalangin. Humingi siya ng tawad sa harap ng puntod nito.

Makalipas ang isang taon ay nagpasiya na silang magpakasal, hindi dahil iyon ang hiling ni Liam kundi dahil iyon ang isinisigaw ng kanilang mga puso. Alam nila na masaya para sa kanila si Liam kung nasaan man ito.

Advertisement