Inakala ng Dalaga na Nahanap na Niya ang Lalaki Para sa Kaniya; Lolokohin Lang Pala Siya Nito
Mula Bicol ay lumuwas si Rhea sa Maynila kasama ang kaniyang inang si Aling Rosa. Dadalawin nila ang kamag-anak nila roon.
“Tuloy kayo! Akala ko’y bibiguin ninyo ang kahilingan ko, eh,” masayang wika ng Auntie Loida niya, asawa ng kapatid ng nanay niya.
“Kaya nga kami lumuwas dito dahil sa pakiusap mo, hipag,” sabi ni Aling Rosa.
“Malaki na po pala ang ipinagbago nitong lugar niyo rito sa Maynila, Auntie Loida. Dati ay wala ‘yong tindahan sa harap ninyo,” wika naman ni Rhea.
“Ah, iyon ba? Nagsara na kasi ‘yong dating tindahan sa lugar na ito, kaya nagtayo ako ng sarili, isa pa, may pabrika na sa malapit dito,” tugon ng babae.
“Edi malakas ang tindahan mo, hipag?” tanong ng nanay niya.
“Malakas nga, dahil sa tindahan ko bumibili ang mga trabahador sa pabrika,” anito.
Makalipas ang tatlong araw ay nagpaalam na rin ang nanay niya para umuwi sa Bicol. Inihatid ito ng auntie niya sa labas. Siya naman ay maiiwan sa Maynila para maghanap ng trabaho. Kakagradweyt lang niya sa kursong secretarial, sabi ng nanay niya ay nasa siyudad ang oportunidad kaya pumayag siya na sa Maynila maghanap ng kumpanyang papasukan.
Pero ‘di pala ganoon kadali ang makipagsapalaran sa Maynila, halos dalawang linggo na siya sa bahay ng auntie niya pero hindi pa rin siya natatanggap sa mga inaaplayan niya kaya habang patuloy na naghahanap ng mapapasukan ay tumutulong muna siya sa tindahan nito.
“Ikaw na muna ang tumao dito sa tindahan, Rhea. May kani-kaniyang presyo ang mga iyan,” sabi ni Auntie Loida.
“Opo, auntie. Hindi naman pala ako mahihirapan sa pagpe-presyo, eh,” tugon niya.
Halos wala pang ilang araw ay natutunan na niya ang pagtitinda at kasabay niyon ang pagkakaroon niya ng maraming kaibigan sa lugar na iyon. Ang ilan sa mga ito ay mga trabahador sa pabrika na malapit sa kanila.
“Alam mo, ibang-iba ka kaysa sa dating kasamang tindera ng auntie mo na si Mina,” sabi ni Rica, isa sa mga trabahador.
“Siyanga? Bakit mo naman nasabi ‘yon?” tanong niya.
“Paano, saksak*n ng sungit ang babaeng ‘yon. ‘Di tulad mo, laging nakangiti. Napaka-friendly mo,” sagot ng babae.
“Naku ha, baka ginu-goodtime mo lang ako ha?” aniya.
“Totoo ang sinasabi ko. Napakabait mo at ang ganda ng ngiti mo, may dimples ka pa. May pagkakahawig nga kayo ni Aling Loida.”
“Sa totoo lang, nagsasabi ka ng totoo diyan,” natatawang sabi niya.
Isang araw, habang nag-aayos si Rhea ng mga paninda sa tindahan, dumating si Rica at may kasamang lalaki.
“Rhea, gustong makipagkilala itong kaibigan ko sa iyo, siya si Ronnie. Kasama ko ring nagtratrabaho sa pabrika,” sabi nito.
“Ha? A, eh, hi, Ronnie. Nice meeting you,” sagot niya sa nahihiyang tono.
Ganoon ang naging reaksyon niya nang makilala ang lalaki dahil sobra siyang nataranta. Hindi niya malaman ang gagawin dahil attracted agad siya kay Ronnie, dahil napaka-guwapo nito at parang hindi nagtatrabaho sa pabrika, mukhang malinis at mabango ang lalaki.
Kaya kinagabihan…
“Bakit hindi siya mawala sa isip ko?” kinikilig na sabi niya sa isip.
Kinaumagahan, ‘di niya maalis-alis ang sarili sa harap ng salamin. Panay ang suklay niya.
“Ano ba naman ‘yan, Rhea? Kanina ka pa diyan, a! Maganda ka na kahit hindi ka magsuklay. Litaw pa rin ang byuti mo,” puna ng auntie niya.
“Si auntie naman, napuna pa ang pagsusuklay ko,” aniya.
“Naku, mayroon kang pinapagandahan ano? May nanliligaw na ba sa iyo?’ tanong nito.
“W-wala pa po, auntie. Nag-aayos lang po ako ng buhok.”
Ang totoo, mula nang makilala niya si Ronnie at sa tuwing dadaan ito sa tindahan ay lagi itong may dalang bulaklak at ibinibigay sa kaniya.
“Para sa iyo, Rhea,” sabi nito sabay abot ng pulang rosas.
“Na naman! Baka maghirap ka niyan kabibili ng mga bulaklak para sa akin,” tugon niya.
Mula noon ay mas lalong nahulog ang loob ni Rhea kay Ronnie. Kaya nang muli itong dumalaw sa kaniya ay sinagot na niya ang panliligaw nito at naging magkarelasyon sila. Nang maging kasintahan niya si Ronnie ay sinuwerte siya dahil natanggap siya sa inaplyan niyang kumpanya sa Makati bilang sekretarya. Sa isip niya ay lucky charm niya ang nobyo sa pagkakaroon niya ng trabaho pero hindi niya inasahan na ang kaligayahang tinatamasa niya na kasama si Ronnie ay hindi pala magtatagal dahil isang balita ang nakarating sa kaniya.
“Hindi mo pa ba alam, Rhea? Kaya ilang araw ka nang hindi dinadalaw ni Ronnie dahil may itinanan siyang iba at ang balita ko’y naanakan pa niya iyong babae,” sabi ng kaibigang si Rica.
“Ano?!”
Labis na dinamdam ni Rhea ang panlolokong ginawa sa kaniya ni Ronnie, ang akala niya’y ito na ang lalaki para sa kaya pero nagkamali siya. Sinuwerte nga siya sa trabaho pero minalas naman siya sa pagibig, kay saklap!
Kahit masakit ay pinilit ni Rhea na kalimutan ang lalaking sumugat sa kaniyang puso. Binuhos niya ang kaniyang atensyon sa trabaho, kaya ilang buwan pa lang ay mabilis siyang na-promote. Isa na siyang supervisor sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya.
Sa ngayon ay masaya na si Rhea sa takbo ng karera niya at mas lalo pang nadagdagan ang mga kaibigan niya. Wala pa sa isip niya ang muling pasukin ang pakikipagrelasyon, hindi pa siya handa kaya tulad ng suwerteng dumating sa kanya sa pagkakaroon ng magandang trabaho ay ipapaubaya na lamang niya sa kapalaran ang muling pagtibok ng kaniyang puso, sa tamang panahon at sa tamang lalaki.