Kahit Nangangailangan ay Hindi Nagawa ng Kasambahay na Pagnakawan ang Magkapatid na Amo; Hindi Malilimutang Gantimpala ang Ibinigay ng mga Ito sa Kaniya
Masuwerteng natanggap si Romelyn bilang kasambahay ng dalawang matandang dalaga na sina Salve at Matilde. Tanging siya lang ang nakatagal sa magkapatid na matanda dahil masusungit at mainitin ang ulo ng mga ito. Ang mga naunang kasambahay ay kusang umalis, hindi natagalan ang mga amo niya. Pero siya, sa loob ng dalawang taon na paninilbihan ay nakasanayan na niya ang ugali ng mga ito.
Kahit nasusungitan siya ng mga amo ay mabait din naman ang mga ito kapag walang sumpong. Malaki rin ang pinapasahod ng magkapatid sa kaniya dahil nakaka-angat sa buhay ang dalawang matanda. Dahil nangungulila sa sariling pamilya dahil nahiwalay sa mga ito’y itinuring na rin niyang pamilya ang magkapatid. Dahil matagal na rin siyang naninilbihan sa bahay ng mga ito ay malaki na rin ang tiwala ng dalawa sa kaniya.
Isang araw ay tumunog ang selpon ni Romelyn at nang tingnan niya ang numero ay ang nakababata niyang kapatid ang tumatawag.
“Ate, si nanay, isinugod sa ospital. Bigla kasing nanikip ang dibdib niya. Ang sabi ng doktor ay inatake siya sa puso,” nag-aalalang sabi ng kapatid niyang si Olga.
“Ha? Diyos ko, ang nanay ko! Pupunta ako diyan, magpapaalam muna ako sa mga amo ko,” tugon niya sa naiiyak na tono.
“Okey sige, ate pero magdala ka ng pera ha? Ang sabi kasi ng doktor kailangan daw siya operahan at para na rin sa pambayad dito sa ospital. Tapos iyong mga gamot pa niya, ang mamahal,” saad pa nito.
Nang matapos ang tawag ay halos mamutla si Romelyn sa ibinalita sa kaniya ng kapatid. Iniisip din niya kung saan siya kukuha ng pera na pambayad sa ospital, para sa operasyon at sa mga gamot ng nanay niya?
“Kulang pa itong naipon ko sa kinakailangang halaga para kay nanay. Paano kaya ito?” natataranta niyang bulong sa sarili.
Naisip niyang bumale sa mga amo niya, pero kakasahod lang niya nung nakaraang araw. Baka sabihin ng mga ito ay abusada siya.
Isang oras na ang nakakalipas pero hindi pa rin dumarating sa bahay ang mga amo niya. Nagpaalam kasi ito sa kaniya na magsu-zumba daw pero hindi pa rin bumabalik. Gusto niya nang puntahan ang nanay niya sa ospital pero nakakahiya naman kung hindi siya maabutan ng mga amo niya. Sa sobrang pagkatulala ay hindi na nga niya nagagawa ng maayos ang paglilinis sa kwarto ng mga amo, nag-aalala siya sa kalagayan ng nanay niya. Habang nagwawalis siya ay nakita niya ang mga nakakalat na alahas sa ibabaw ng mesa sa kwarto ng among si Matilde. Nakapatong din doon ang mga perang papel na nang bilangin niya ay umaabot sa tatlumpung libong piso.
“Ano ba itong si ma’am? Iniwan na naman na nakakalat dito sa loob ang mga alahas at pera niya. Nakalimutan din na i-lock itong kwarto niya. Kung papasukin ito ng magnanakaw, siguradong limas itong lahat,” sambit niya sa isip.
Mayamaya ay sumagi sa isip niya na dahil madalas namang nakakalimutan ng mga amo niya na isara ang kwarto ng mga ito at hinahayaang nakakalat ang mga importanteng gamit sa loob, hindi naman mahahalata ng mga ito kapag kumuha siya ng ilan pero…
“Hindi! Hindi ako ganoong klaseng tao. Kahit mahirap kami’y hindi ako pinalaki ng mga magulang ko na malikot ang kamay,” mariin niyang bulong sa sarili. “May iba pang paraan at huwag ang iniisip mo, g*ga!” saad pa niya sa sarili.
Ilang sandali pa ay dumating na ang mga amo niya. Nagpaalam siya sa mga ito na pupuntahan ang nanay niya na nasa ospital. Walang ibang dinala si Romelyn kundi ang inipong pera sa alkansya na hindi pa aabot sa limang libo, hindi niya alam kung saan pa kukunin ang iba pang panggastos sa ospital, bahala na mangungutang na lang siya sa mga kaibigan niya’t kakilala.
Pag-alis niya sa bahay ay napansin ng mga amo niya na bukas ang mga kwarto ng mga ito.
“Ate, Matilde nakalimutan mo na namang isara ‘yung pinto ng kwarto natin! Nakakalat pa ‘yung mga alahas at pera mo!” gulat na sabi ni Salve.
“Ay oo nga ano? Nawala na naman sa isip ko! Makakalimutin na kasi ako, eh! Wala namang nawala, mabuti at mapagkakatiwalaan natin itong si Romelyn,” sagot ni Matilde.
“Sadyang matapat na bata iyang si Romelyn. Nasa kaniya na ang pagkakataon na kumuha ng mga gamit natin habang wala tayo dahil nasa ospital ang nanay niya, pero hindi niya ginawa,” sang-ayon ng kapatid.
Sa ospital, nag-aalala si Romelyn dahil kailangan na raw operahan ang nanay niya. Umiiyak na silang magkakapatid, hindi nila alam ang gagawin. Kaunti lang ang hawak nilang pera dahil ayaw na silang pauntangin ng iba nilang kakilala.
“Paano na ‘yan ate, ayoko pang mawala si nanay,” naluluhang sabi ng kapatid niyang si Olga.
“Oo nga ate, nawala na nga noon si tatay, pati ba naman si nanay?” sabad ng isa pa nilang kapatid.
Mayamaya ay dumating ang magkapatid na Salve at Matilde. Binayaran ng mga ito ang operasyon at lahat ng gastusin sa ospital gaya ng gamot at iba pa. Hindi makapaniwala si Romelyn sa ginawa ng mga amo niya.
“Mga ma’am, nakakahiya naman po, pero maraming salamat po sa tulong ninyo. Huwag po kayong mag-alala, kahit habang buhay po akong manilbihan sa inyo para mabayaran lang po ang utang na loob namin ay gagawin ko,” hayag niya.
Umiling ang dalawang matanda. “Wala ka na dapat na alalahanin pa dahil bigay na namin iyon. Wala kang dapat na bayaran sa amin. Tulong na namin iyon sa iyo at sa nanay mo. Pasasalamat naming magkapatid sa matapat mong paglilingkod sa amin sa loob ng dalawang taon,” tugon ni Matilde.
Labis-labis ang pasasalamat ni Romelyn sa dalawa niyang amo. Ilang araw pa ang nagdaan at gumaling na ang nanay niya at nakalabas na ito sa ospital. Bumalik din siya sa bahay ng mga amo para muling manilbihan.
Mabilis na lumipas ang mga taon. Sa ngayon ay hindi na naninilbihan si Romelyn sa mga amo niya, mayroon na siyang sariling negosyo at naiahon na rin niya ang pamilya sa hirap. Nakapagtapos na rin siya ng pag-aaral sa kolehiyo, pati ang mga kapatid niya ay pinag-aaral niya. Ang lahat ng kaniyang tagumpay ay utang na loob niya sa magkapatid na Salve at Matilde dahil nang pumanaw ang dalawang matanda ay sa kaniya iniwan ng mga ito ang mga ari-arian at pera sa bangko. Dahil wala ng ibang pamilya ang mga amo ay sa kaniya ipinamana ang lahat.
Hindi niya kailanman makakalimutan ang mga naitulong sa kaniya ng dalawang magkapatid na matanda. Ipinangako niya sa sarili na gagamitin niya sa mabuti ang mga biyayang ibinigay ng mga ito sa kaniya.