Inday TrendingInday Trending
Binalak Niyang Umuwi ng Maynila dahil Siya’y  Nanaba sa Siargao, Isang Estranghero ang Nagpakita sa Kaniya ng Tunay Niyang Ganda

Binalak Niyang Umuwi ng Maynila dahil Siya’y  Nanaba sa Siargao, Isang Estranghero ang Nagpakita sa Kaniya ng Tunay Niyang Ganda

Hindi na magawang tumingin ng dalagang si Wendy sa salamin simula nang mapansin niyang nanaba at nagingitim na ang kaniyang katawan.

Nang makaranas kasi siya ng bigat sa dibdib dahil sa patong-patong na problemang binibigay sa kaniya ng mundo, napagdesisyonan niyang pansamanatalang manirahan sa probinsya ng Siargao. Katulad ng ibang mga torista roon, naniniwala siyang dito siya makakatagpo ng kapayapaan ng isip at saya sa kaniyang puso na talaga nga namang naranasan niya sa ilang buwan niyang pamamalagi rito.

Kaya lang, dahil nga puro kasiyahan ang kaniyang ginagawa rito, bahagya niyang napabayaan ang kaniyang sarili. Sa araw-araw niyang pakikisalo sa pagkain at pagbababad sa tubig kasama ang mga lokal at toristang naroon, bigla na lamang lumubo ang kaniyang katawan at ang maputi niyang balat ay naging morena na talagang nagbigay nang matinding insekuridad sa kaniya.

Lalo na, kapag siya’y nakakakita ng mga naggagandahan at nagseseksihang dalaga sa naturang isla na nakasuot pa ng bathing suit. Habang siya, shorts at malaking damit na lamang ang kaya niyang isuot dahil sa kahihiyang nararamdaman niya sa kaniyang katawan.

Dahil dito, kahit napamahal na siya sa buhay sa naturang isla, napilitan siyang umuwi ng Maynila upang muling magpaganda ng kaniyang katawan. Pangako niya sa matandang lokal na kumupkop sa kaniya rito, “Babalik po ako, manang, at pangako sa pagbalik ko, makikita niyo ulit ang ganda ko!”

“Maganda ka pa rin naman, hija, eh! Ayaw mo lang tumingin sa salamin kaya hindi mo nakikita ang natural na kagandahang mayroon ka! Huwag ka nang bumalik sa Maynila!” sabi nito sa kaniya sabay tapik sa kaniyang braso.

“Manang, kailangan ko rin po kasing magtrabaho roon,” pangungumbinsi niya rito.

“Naku, huwag mo akong lokohin, Wendy! Alam kong kahit narito ka, nagtatrabaho ka tuwing gabi! Kaya mo namang gawin ang trabaho mo sa Maynila kahit narito ka! Ang sabihin mo, gusto mo lang magpaganda roon!” sermon nito sa kaniya na talagang ikinahalakhak niya.

“Huwag na kayong maingay, manang, baka marinig pa ng iba! Ikaw talaga!” tatawa-tawa niyang sabi rito saka agad nang nag-empake ng kaniyang gamit.

At dahil nga wala na siyang bilib sa kaniyang katawan, labis niya itong tinago gamit ang mga mahahabang damit na nabili niya sa isla saka na siya nagtungo sa pinakamalapit na airport doon.

Habang naghihintay siya sa kaniyang paglipad, siya’y bahagyang nakaramdam ng pagkaantok at dahil dalawang oras pa ang kailangan niyang hintayin doon, nagpasiya muna siyang matulog sa kaniyang kinauupuan.

Kaya lang, habang nasa kalagitnaan siya ng mahimbing niyang pagtulog, naramdaman niyang may isang taong tumigil sa harap niya at nagpatong ng isang papel sa dala niyang maleta. Agad niya itong binuksan at siya’y labis na nagulat nang makita niya ang sarili niya sa isang larawang ginuhit nito.

“Napakaganda mo, miss,” mga katagang nakasulat pa sa papel na iyon dahilan para labis niyang pagmasdan ang guhit nito.

Nakita niya ritong bahagya mang tumaba at nangitim ang katawan niya, hindi niya pa rin maitatanggi ang kagandahang mayroon siya kahit pa siya’y nakapikit at nakatakip ng mahahabang damit.

Ito ang naging dahilan para sa muling pagkakataon, siya’y muling tumingin sa salamin upang tingnan ang kaniyang itsura.

“Hindi naman pala ako ganoon kapangit!” sabi niya sa sarili dahilan para siya’y agad na magpasiyang bumalik sa isla at doon muling ipagpatuloy ang masayang buhay na mayroon siya.

At dahil nga gusto niyang maibalik ang dating pagkahumaling niya sa kaniyang katawan, bukod sa nilimitahan niya ang kaniyang pagkain, naglaan siya ng maraming oras sa mga pisikal na aktibidad doon katulad ng surfing at swimming na naging daan upang bumalik sa dati ang kaniyang katawan pagkalipas lamang ng ilang buwan!

Hindi man niya maibalik ang dating kulay ng kaniyang balat, unti-unti niya na itong minamahal lalo na’t nang mapansin niyang halos lahat sila sa isla ay ganoon ang kulay. Sabi pa ng matandang kumupkop sa kaniya roon, “Ang kulay na iyan ay tanda lamang ng mga masasayang ala-alang nabuo mo sa ilalim ng araw,” na talaga nga namang nagbalik sa kaniya sa lahat nang masasayang aktibidad niya ginawa niya roon na naging dahilan para mawala ang bigat sa dibdib niya.

Simula noon, muli siya ulit nagkaroon ng tapang na humarap sa salamin at hangaan ang gandang mayroon siya.

“Mabuti na lang, may mga taong nagpaunawa sa akin na maganda ako,” sabi niya habang pinagmamasdan niya ang sarili sa isang malaking salaming regalo ng matanda sa kaniya.

Advertisement