Pinagtabuyan Siya ng Pamilya Dahil sa Pagiging Maka-Diyos Niya, Isang Milagro ang Muling Makapagbubuklod sa Kanila
Araw ng Linggo noon, katulad ng nakasanayan ng binatang si Eric, siya’y maagang nagising upang magpunta at makinig ng misa sa simbahan. Naabutan niyang sabay-sabay na kumakain sa kanilang hapag-kainan ang kaniyang mga kapatid at magulang kaya siya’y nagmadaling makisalo sa mga ito. Kaya lang, nang mapansin ng kaniyang ina na nakabihis pangsimba siya, siya’y agad na pinaalis nito.
“O, hindi ba’t magsisimba ka? Umalis ka na, huwag ka nang kumain baka mahuli ka pa sa misa at hindi ka makaakyat sa langit!” sarkastikong wika ng kaniyang ina na ikinatawa ng dalawa niyang nakatatandang kapatid.
“Maaga pa naman po, mama, kakain po muna ako,” magalang niyang tugon saka naupo na sa kaniyang pwesto.
“Ano bang nahihita mo sa kakasimba mo, Eric, ha? Nagsasayang ka lang ng pera para sa Diyos na gawa-gawa lang naman ng tao!” sermon pa nito sa kaniya.
“Syempre, mama, alam mo naman ang mga kabataan ngayon, kung anong nauuso, susunod nang susunod kahit hindi naman talaga totoo!” sabat naman ng panganay niyang kapatid na ikinabuntong-hininga niya.
“Totoo ang Diyos, kuya, pinapatunayan ng bibliya ang pagkabuhay Niya. Gusto mo bang sumama sa akin para maipakilala ko sa’yo ang Diyos?” yaya niya rito nang may galak sa puso niya.
“Naku, ikaw na lang. Magpupunta pa kaming lahat sa Tagaytay mamaya, eh,” pang-iinggit nito.
“Ha? Bakit hindi ko alam na aalis pala tayo?” pagtataka niya.
“Tayo? Kami lang, hoy! Araw ng pamilya ang Linggo, hindi ba? Kaso, ginawa mong araw ng diyos-diyosan mo kaya pasensya ka na, hindi ka na makakasama sa amin!” tatawa pa nitong sabi, hinihintay niyang pagsabihan ito ng kaniyang mga magulang at siya’y yayaing sumama ngunit walang ginawa ang mga ito kung hindi ang kumain nang kumain.
Nasundan pa nang nasundan ang pag-alis ng kaniyang buong pamilya nang hindi siya kasama dahil lang sa pagiging maka-Diyos niya. May pagkakataon pa nga na sa tuwing binibida niya ang aral na natutuhan niya sa simbahan, siya’y agad na lalayasan o iiwasan ng mga ito.
Kahit madalas siyang pagtulungan ng kaniyang pamilya laban sa pinaniniwalaan niyang Diyos, pinagpatuloy niya ang pagsisilbi sa simbahan. Umabot man sa puntong tuluyan siyang pinalayas ng kaniyang ina dahil nga naiirita na ito sa mga pinagsasasabi niya, hindi pa rin siya nawalan ng pagmamahal sa Diyos at nagtiwala na mapapaganda nito ang kaniyang buhay kahit hindi niya alam kung saan magsisimula.
Awa ng Diyos, marami sa mga kasamahan niya sa simbahan ang tumulong sa kaniya upang makapagsimula siyang mabuhay mag-isa. May nagpatira sa kaniya, nagbigay ng trabaho, at may mga nag-aabot din sa kaniya ng pinansyal na tulong kaya nakayanana niyang magbuhay kahit malayo sa kaniyang pamilya.
Kaya lang, isang araw, habang naglilinis siya sa kanilang simbahan, nakatanggap siya ng mensahe mula sa kaniyang kapatid na may malubhang sakit ang kanilang ina. Sabi pa nito, “Umuwi ka muna rito sa bahay, walang mag-aalaga kay mama. May trabaho kaming lahat na hindi pwedeng iwan.”
Agad niyang sinunggaban ang oportunidad na iyon upang ipamalas sa kanilang buong pamilya ang kapangyarihan ng Diyos sa buhay niya.
Sa kabila ng masasakit na salitang natanggap niya sa ina, matiyaga niya itong inalagaan, pinakain, binihisan at pinagdasal araw-araw kahit panay pa rin ang pagtaboy nito sa kaniya.
“Tumigil ka na nga kakadasal d’yan! Ang ingay-ingay mo, gusto ko nang magpahinga! Hindi ako mapapagaling ng Diyos mo!” sigaw nito sa kaniya, isang gabi matapos niya itong linisan ng katawan.
“Darating ang araw na hahanga ka sa Kaniya, mama,” nakangiti niyang wika saka niya ito tahimik na pinagdasal.
Tila nagkatotoo nga ang kaniyang mga sinabi dahil paglipas lang ng dalawang buwan, ganoon na lamang gumaling ang kaniyang ina nang hindi dumadaan sa isang operasyon!
“Napakalakas niyo naman sa Panginoon, misis!” sigaw ng doktor nang makitang wala na ang nagpapahirap na sakit sa puso ng kaniyang ina.
Oramismo, nang marinig iyon ng kaniyang buong pamilya, siya ang agad na tiningnan ng mga ito habang nagpipigil ng mga luha.
“Sabi ko naman sa inyo, eh. Gagawa Siya ng milagro para lang makapagpakilala sa inyo,” sabi niya sa buong pamilya, “Sige na, iiyak niyo na ang sayang nararamdaman niyo ngayon,” wika niya dahilan para siya’y lapitan ng mga ito at yakapin nang mahigpit.
Iyon ang naging simula upang maging interesado sa Diyos ang kaniyang buong pamilya na talagang ikinataba ng puso niya. Kung dati’y ang araw ng Linggo ay para sa kanilang pamilya, ngayo’y inilalaan na nilang lahat ngayon ang araw na ito para sa Diyos na nagdugtong at nagbigay milagro sa buhay ng kanilang ilaw ng tahanan.