Muntik Nang Maging Mapusok ang Binata sa Pagdi-Date Nila ng Nobya; Tuturuan Siya Nito ng Leksyon
Isang linggo pa lang na magkasintahan sina Jobert at Alice. Pareho silang estudyante sa kolehiyo at kumukuha ng kursong Information technology. Magkasundung-magkasundo sila sa lahat kaya nga agad na sinagot ni Alice ang nobyo.
Ang totoo, ang babae ang kauna-unahang nobya ni Jobert kaya nag-a-adjust pa siya kung paano maging boyfriend nito. Wala siyang ideya kung ano ang mga bagay na makakapagpasaya sa nobya. Kaya minsan nagbabasa siya sa internet kung paano magiging exciting ang relasyon nilang magkasintahan.
“Ano ‘yang binabasa mo diyan?” tanong ni Alice.
“Kumukuha lang ako ng ideya tungkol sa pagde-date,” sagot niya.
“Aba, bakit kapa naghananap ng ganyan, eh, nai-date mo na ako ‘di ba bago kita sagutin noon?”
“Siyempre, hindi lang naman doon natatapos ang date natin. Masusundan pa iyon, at gusto ko mas exciting at mas kapana-panabik ang next date natin,” aniya.
“Ay gusto ko ‘yan! Sige, paghandaan mo ang susunod nating date. Kasi nung unang date natin, inilibre mo lang ako ng sago’t gulaman,” natatawang sabi ni Alice.
Mayamaya ay may itinanong si Jobert sa nobya.
“Naaasar ba kayong mga babae kapag hindi kayo idine-date?” sabi niya.
“Bakit mo naman naitanong ‘yan?” kunot noong wika ni Alice.
“W-Wala lang, naisip ko lang.”
Inirapan lang siya ng nobya. “Ano sa palagay mo?”
Palihim na natawa si Jobert. “Pakipot pa! Pakiramdam ko’y nahihiya lang itong girlfriend ko na siya ang mag-ayang mag-date kami. At ako namang tanga’y di siya maaya at baka isipin niya na gusto ko lang tsumansing,” nangingising sabi niya sa isip.
“Ah, basta, kalimutan mo na ang tanong kong iyon. Be ready na lang dahil magde-date tayo soon,” sagot niya.
Pagkatapos ng pag-uusap nilang iyon ay nagpalipas muna ng ilang araw si Jobert bago umaksyon. Araw ng biyernes, maaga niyang sinundo si Alice sa bahay nito.
“Halika na, Alice! May pupuntahan tayo!” yaya niya.
“Teka, may pasok tayo ngayon sa eskwela,” anito.
“Huwag muna tayong pumasok sa klase. Date tayo sa Luneta,” sabi niya.
“Anooo?!”
“Biyernes naman ngayon eh, saka hindi naman major subjects ang klase natin ngayon. Wala rin namang exams o quiz ngayong araw.”
“Sabagay, ayokong pasukan ‘yung subject natin sa statistics, baka tawagin na naman ako ni Mr. Paras sa recitation. Mahina pa naman ako sa math. Sige, sama na ako sa iyo,” sabik na sabi ni Alice.
At namasyal nga sila sa parke. Isasagawa na ni Jobert ang teknik sa pakikipag-date na nakuha niya sa internet. Sinimulan niyang akbayan at i-holding hands si Alice. Mayamaya ay tinangka niya itong halikan sa pisngi pero tumanggi ito.
“O, ito naman…ganoon lang, eh, ayaw mo pa akong pagbigyan,” gulat na sabi niya.
Siyempre, aba! Alam ko yatang iniisip mo, ‘no!” sagot ng babae.
“O, edi kung dyahi ka ro’n at baka may makakita sa atin, eh di doon tayo sa sinehan,” yaya niya.
Pinandilatan siya ng mata ni Alice. “Anooo?!”
“Anong ikinagulat mo, eh, girlfriend naman kita? Nabasa ko iyon sa internet, kailangan daw iyon para mapatunayan ng lalaki na mahal din siya ng girlfriend niya,” paliwanag ni Jobert.
“Kahit na. Ayoko kasi ng ganoon,” tugon ni Alice.
Biglang may naalala si Jobert, nabasa rin niya sa internet na kapag tumanggi ang nobya sa gusto ng boyfriend ay…
“Ayaw mo? O, sige, baka gusto mong mag-break na tayo?” banta niya.
Kumunot ang noo ng babae sa sinabi niya. “Ano? Break na agad? Eh, wala naman akong ginagawang masama, a!” inis na sabi nito.
Napakamot sa ulo niya si Jobert. “Ku, kunwari pa ang babaeng ito! Sobrang pakipot! Hmmm…”
Tumiyempo si Jobert isang hapong makasarilinan si Alice. Habang nakaupo sila sa lilim ng puno sa parke ay ninakawan niya ito ng halik sa pisngi.
“Ay, magnanakaw!” gulat na sambit ng babae.
Sa ginawa ni Jobert ay umiiyak na nagtatakbo palayo ang nobya.
“Magnanakaw ka!” humahagulgol na sabi nito.
“Aba, t-teka lang, Alice, teka!” sigaw niya habang hinahabol ito, pero mabilis na nakasakay ng taxi ang babae kaya hindi niya na ito nasundan.
May isang linggo ang lumipas bago napatawad ni Alice si Jobert.
“Kasalanan ko ba ‘yon, eh, talaga namang mahal kita kaya ko nagawa iyon,” wika ng lalaki.
“Alam ko, at kaya ako umiiwas sa mga advances mo, eh…Mahal din kita, Jobert kaya nga kita sinagot ‘di ba? dahil mahal din kita at ‘di ko tiyak na lagi akong makakatanggi sa gusto mo,” tugon ng nobya.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ni Jobert na hindi maunawaan ang babae.
“Masisiyahan ka ba sa halik lang? Siyempre, hindi at hihiling ka pa ng higit pa at matatangay tayo ng ating damdamin. Malilimutan nating tayo’y nag-aaral pa at may mga pangarap pang dapat abutin. Sa oras na maging mapusok tayo’y malamang na maikasal tayo nang wala sa tamang panahon, at ang magiging problema pa ,eh kapag tayo’y naging mga magulang na’y kaya ba nating palakihin ang ating magiging anak nang hindi pa tayo lubos na handa at malabo pa ang ating hinaharap?” paliwanag ng nobya.
Saka lamang natauhan si Jobert. Napagtanto niya na tama si Alice. Makuntento na lamang sila sa kung ano ang meron sa relasyon nila ngayon. I-enjoy na muna nila ang kanilang kabataan at gawing inspirasyon ang isa’t isa upang balang-araw ay magtagumpay sila sa buhay.
“Nauunawaan ko na mahal ko. Maghihintay ako hanggang sa sumapit ang araw na pwede na tayong magpakasal at bumuo ng pamilya. Mag-aaral akong mabuti para mabigyan kita ng magandang buhay, at iyon ang pinakamahusay na teknik ‘di ba?” malambing na sabi ni Jobert saka niyakap ang nobya.
“Oo. tama ka! Ako rin mahal ko, mag-aaral din ako ng mabuti para sa kinabukasan nating dalawa. Sabay nating aabutin ang ating mga pangarap,” tugon ni Alice.
Mula noon ay pinagbutihan na ng magkasintahan ang kanilang pag-aaral. Nagde-date lang sila kapag walang pasok sa klase kaya naman nakakuha sila ng matataas na marka sa mga subjects nila. Ipagpapatuloy nila iyon upang pagdating ng panahon ay handa na silang humarap sa totoong hamon ng buhay.