Inday TrendingInday Trending
Nais nang Iwan ng Binata ang Inang Nawawala na sa Sariling Katinuan; Nakakahabag pala ang Tunay na Sinapit Nito

Nais nang Iwan ng Binata ang Inang Nawawala na sa Sariling Katinuan; Nakakahabag pala ang Tunay na Sinapit Nito

Inggit na inggit si Jong habang pinagmamasdan ang mga batang naglalaro sa labas ng kanilang bahay. Nais sana din niyang sumali ngunit hindi maaari. Kailangan kasi niyang paliguan at pakainin ang kaniyang inang si Anita. Saka nagdadalawang isip din siyang lumapit sa mga ito baka tuksuhin siya.

Hindi kasi maganda ang lagay ng pag-iisip ng kaniyang ina. Wala naman siyang kakilalang kamag-anak kaya tanging siya na lang talaga ang maaasahan na mag-asikaso rito. Sa kaniyang murang edad ay banat na ang kaniyang buto sa pag-aalaga sa nag-iisa niyang magulang.

Nang makatulog ang kaniyang ina ay agad siyang lumabas ng bahay upang makipaglaro.

Ngunit tulad ng inaasahan niya’y nilayuan na naman siya ng mga ito.

“Sabi ng nanay ko’y huwag daw makikipaglaro sa iyo dahil baka sakalin mo kami bigla. Baka katulad ka rin kasi ng nanay mong baliw,” saad ng isang bata.

“Oo nga! Baka daw mahawa pa kami sa pagkasira ng ulo ninyo. Sabi nga ng nanay ko’y ipapakiusap daw nila sa baranggay na huwag na kayong tumira dito sa baryong ito para hindi na kayo makapaminsala,” saad naman ng isang bata.

Pinipgilan lang ni Jong ang kaniyang mga luha dahil ayaw niyang umiyak sa harap ng mga ito.

“Bahala kayo kung ayaw n’yong makipaglaro! Natatakot lang kayong matalo kaya pati nanay ko ay dinadamay n’yo! Diyan na nga kayo!” matapang na sambit naman ni Jong.

Ngunit pagtalikod niya’y tumulo na ang kaniyang mga luha. Bumalik na lang siya sa bahay upang doon ilabas ang sama ng loob.

Dahil hindi na nakakapagtrabaho ang kaniyang ina dahil sa kondisyon nito’y umaasa na lang si Jong sa tulong ng mga social workers sa kanilabg lugar. Minsan ay nangangalakal din siya nang sa gayon ay may pandagdag sa badyet para sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.

Ngunit hindi na nag-aaral itong si Jong. Talagang inilaan na lang niya ang buhay sa pagtingin sa kaniyang ina.

Nang magbinata siya ay nakahanap siya ng trabaho bilang tagabuhat ng troso. Kada apat na oras ay umuuwi siya sa bahay para tingnan ang ina. Pag-uwi niya sa gabi, kahit na patang-pata ang katawan mula sa maghapong pagbubuhat ay kailanga pa rin niyang asikasuhin ang ina.

Minsan talaga ay nagsasawa na siya sa ganitong buhay. Ni hindi man lang niya kasi naranasan kung paano maging isang ganap na bata.

Tuwing gabi ay nananalangin si Jong na ibalik ang katinuan ng kaniyang ina.

Sa totoo lang ay natatandaan pa ni Jong ang mga panahong maayos pa ang inang si Anita. Masaya ang kanilang buhay kahit silang dalawa lang. Natatandaan pa nga niya na isang mamanahi ang kaniyang ina at palagi siya nitong inuuwian ng damit.

Ngunit isang araw ay unti-unti na lang itong nagbago hanggang sa tuluyan na lang itong bumigay at nabaliw.

Walang nakaaalam ng tunay na dahilan. Hindi tuloy maiwasan ni Jong ang maluha sa tuwing kinakausap niya ang ina.

“‘Nay, bumalik ka na sa akin. Hindi mo na ba talaga ako kilala?” pagtangis ng binata.

Ngunit nakatitig lang sa kawalan ang kaniyang ina. Nawawalan na tuloy siya ng pag-asa na gumaling pa ito.

Ngunit paano rin gagaling ang kaniyang ina kung hindi naman ito napapasuri sa espasyalista. Misan ay inilapit na niya ito sa kanilang baranggay ngunit wala rin silang nagawa. Ang sabi lang ng mga ito’y huwag daw hahayaang makalabas ng bahay si Anita dahil makakaperwisyo daw ng iba.

Mula noon ay tumigil na si Jong na humingi ng tulong sa ibang tao. Subalit, aminado siyang hindi na niya kaya pa ang pasaning ito.

Isang araw, umuwi si Jong ng kanilang bahay upang pakainin ng tanghalian si Anita. Hindi na siya kumain para mailaan niya ito sa ina. Ngunit nagwala ang ginang at tumapon ang pagkain. Pilit siyang pinapakalma ni Jong ngunit malakas ito.

“‘Nay, tama na po! Tama na po, ‘nay! Ako po ito si Jong,” patuloy na sambit ng binata.

Dahil sa ingay ay narinig niya ang sigaw ng ilang kapitbahay na tila natatakot sa nangyayari.

“Umalis na kasi kayo rito baka mamaya ay masaktan din kami niyang baliw mong ina!” saad ng isang kapitbahay.

“Siguraduhin mong itali ‘yang nanay mo pag-alis mo, a! Kung hindi ay ipakukulong namin kayong dalawa para matahimik na ang lugar na ito!” wika naman ng isa pang ale.

Habang naririnig niya ang mga masasakit na sinasabi ng kaniyang mga kapitbahay ay patuloy pa rin sa pagwawala ang kaniyang ina. Parang nakukulta na rin ang kaniyang utak dahil sa nangyayari.

“Ayoko na! Ayoko na! Hindi ko na kaya ang lahat ng ito! Diyos ko, bakit mo sa akin ibinigay ang ganitong problema? Wala naman akong kasalanan sa iyo!” pagtangis ng binata.

Sa puntong iyon ay desidido na si Jong na iwan ang kaniyang ina at magsimula ng panibagong buhay.

Kukunin na sana niya ang ilang gamit nang biglang magsalita ang kaniyang ina.

“Jong, nandito ang ate ko, jong!” wika ng ina habang nakatingin sa malayo.

Buong akala ng binata ay nawawala na naman sa katinuan ang ina. Ngunit ayaw nitong huminto. Pagtingin niya sa kaniyang likuran ay nakita nga niya ang isang babae.

“Anita, narito lang pala kayo ng anak mo! Matagal na namin kayong hinahanap!” sambit ng babae sabay yakap sa kapatid.

Hindi pa rin makapaniwala si Jong sa naganap. Hindi niya kilala ang ale ngunit nakilala ito ng kaniyang ina.

“Ikaw ba ang pamangkin ko? Ikaw ba ang anak nitong si Anita? Kumusta ka na? Ano ang buhay ninyo rito? Ikaw ba ang nag-aalaga sa kaniya?” walang patid na tanong pa ng ginang. Awang-awa sa buhay na sinapit ng mag-ina.

Sandaling nag-usap si Jong at ang kaniyang tiyahin. Dito na inamin sa kaniya nito ang lahat.

“Maayos naman talaga ang pag-iisip ng nanay mo. Kaso may nangyari sa kaniyang hindi maganda. May mga kalalakihan na gumawa sa kaniya ng masama. Masakit mang sabihin, Jong, ikaw ang naging bunga noon. Pero mahal ka ng nanay mo. Hindi ka niya sinisisi sa mga nangyari. Lumayo nga siya upang magsimula kayo ng panibagong buhay. Hindi ko alam na ganito na pala ang nangyari sa kaniya. Mabuti na lang at mahal mo siya at hindi mo siya pinabayaan!” pagtangis ng tiyahin.

“Pero dumarating din po sa punto na sumusuko na po ako, tiya,” umiyak na si Jong. Dito na niay ikinuwento ang naging buhay nila ng ina.

“Huwag ka nang mangamba pa dahil narito na kami na pamilya ninyo. Kukunin na namin kayo. Tutulungan ka namin sa pag-aalaga sa nanay mo. Ipapagamot natin siya at mag-aaral kang muli,” sambit pa ng tiyahin.

Nang araw na iyon ay nagtungo na pa-Maynila ang mag-ina kasama ang ilang kaanak. Doon ay sinalubong sila ng mga kapatid ng kaniyang ina at ang mga magulang nito.

Sa wakas ay muling naramdaman ni Jong ang pakiramdam na magkaroon ng isang buong pamilya.

Tinulungan siya ng mga kaanak upang mabuhay sila ng ina na normal. Ipinasuri nila si Anita sa espesyalista. Naging tuloy-tuloy na mula noon ang pagganda ng kaniyang kalagayan. Para naman jay Jong, nakabalik na siya sa pag-aaral. Pangarap niyang maging isang doktor upang sa gayon ay matulungan pa niya ang ibang taong nakakaranas ng kalagayan tulad ng kaniyang ina.

Advertisement