Inday TrendingInday Trending
Tinanggihan ng Dalaga ang Alok na Simpleng Kasal ng Kinakasama; Mabibigla Siya sa Muli Nilang Pagkikita

Tinanggihan ng Dalaga ang Alok na Simpleng Kasal ng Kinakasama; Mabibigla Siya sa Muli Nilang Pagkikita

Limang taon nang nagsasama sina Lando at Melissa sa iisang bubong. Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin sila ikinakasal. Noon pa man kasi ay pangarap na ni Melissa na maranasan ang bonggang kasal. Kung hindi lang din daw ganito ang makakamit niya ay mas mainam pang huwag na lang.

Nais mang ibigay ni Lando ang hiling na iyon ng kaniyang kinakasama ay hindi niya pa talaga kaya. Pagtitinda ng inihaw na mais ang ikinabubuhay niya. Tinitiis ang init sa araw-araw maitawid lang ang kanilang panggastos. Nag-iipon naman siya ngunit hindi pa rin aabot para sa gastusin sa kasal na pangarap ni Melissa.

Sa ika-limang anibersaryo nila ay umaasa si Melissa na aayain na siya ni Lando na magpakasal. Panay tuloy ang parinig niya.

“Nabalitaan mo ba ang kasal ni Mareng Tina? Kay ganda ng mga bulaklak sa kasal niya. Pati ang suot niyang trahe de boda. Tapos nasunod talaga ‘yung gusto niyang tema. Magkano kaya ang ginastos nila doon, ano?” saad ng dalaga.

“Tiyak kong pinaghandaan nila ‘yung maigi. Siguro ay malaki rin ang badyet nila,” wika naman ni Lando.

“Pangarap pa naman ng lahat ng babae na magkaranas ng bonggang kasal. Siyempre, minsan ka lang ikakasal sa buhay mo, ‘di ba?” saad muli ni Melissa.

“Hindi ba’t mas importante ang sakramento ng kasal kaysa sa magarbong handaan? Ang importe naman ay mapag-isa kayo ng Maykapal. Wala naman sa laki ng gagastusin iyon. Magarbo nga ang kasal, hindi naman tapat ang pagmamahal, wala rin. Parang nagsayang ka lang ng pera,” wika naman ni Lando.

“Alam mo, kung tunay mong mahal ang isang tao ay ibibigay mo sa kaniya ang kasal na gusto niya. Kahit ano pa ang kapalit noon! Sisikapin mo para mapaligaya siya!” wika muli ni Melissa.

“Pero kung mahal mo rin talaga ‘yung tao, kahit na simpleng kasal lang ang kaya niyang ibigay ay tatanggapin mo. Mauunawaan mo kung bakit ito lang ang kaya niya,” saad naman ng binata.

Nagsalubong na ang mga kilay ni Melissa. Alam niyang ipinapabatid ng kinakasama sa kaniya na hindi pa nito kaya ang kasal na gusto niya. Ayaw naman niyang magpakasal kung simple lang.

“Ano ba ang gusto mo? Pagtawanan ako ng mga kamag-anak ko at kaibigan. Sabihin nila sa akin na basta maikasal lang ako? Bigyan mo naman ako ng kahihiyan, Lando!” angil ng dalaga.

“Para nga ito sa kahihiyan mo, Melissa, pakakasalan kita para hindi na tayo basta nag sasama lang. Ayaw mo bang maging legal ang pagsasama natin?” tanong namanni Lando.

“Kung hindi mo lang rin kayang ibigay ang kasal na gusto ko ay mabuti pang tapusin na lang natin ang relasyon natin. Sa bagay, limang taon na rin naman akong nagtitiis. Limang taon na rin akong naghihintay sa pangakong hindi naman darating! Sawang sawa na akong maghintay, Lando!” hindi na nakapagpigil pa ang dalaga.

“Sandali lang naman, Melissa, huwag ka namang magdesisyon kaagad! Ginagawa ko naman ang lahat para maibigay ko sa iyo ang kasal na gusto mo, e! Nag-iipon naman ako. Sadyang hindi ko pa kaya ngayon ang magarbong kasal. Naghahanap naman na ako ng ibang trabaho para matupad ko ang pangarap mo!” pagtangis ng binata.

“Ayoko na, Lando. Pagod na pagod na rin ako sa iyo. Araw-araw ay unti-unting nauubos ang pagmamahal ko sa iyo. Maraming lalaki d’yan ang kaya akong pasakalan ng bongga. Matagal na kitang binigyan ng palugit, wala pa ring nangyari! Huwag mo na akong pigilan dahil buo na ang loob ko!” wika muli ng dalaga.

“Iyan ba talaga ang gusto mo, Melissa? Dahil kung desidido ka na ay hindi na kita pipigilan pa. Nasasaktan din naman ako sa tuwing pinapamukha mo sa akin na hindi ko kayang ibigay ang mga pangarap mo. Siguro nga ay hindi ko kayang mapasaya ka. Pasensya ka na at ito lang buhay na kaya kong ibigay,” wika naman ni Lando.

Nang araw na iyon ay tuluyan nang naghiwalay ng landas ang magkasintahan. Tatlong buwan lang ang pagitan mula sa kanilang paghihiwalay ay nabalitaan na ni Lando na ikinasal na nga itong si Melissa. Magarbo ang kasal nito at talagang pinag-usapan sa kanilang baryo. Ang balita pa niya’y naikasal ang dalaga sa isang maykayang lalaki.

Lumipas ang dalawang taon at muling nagtagpo ang landas ng dalawa nang mabalitaan ni Melissa na ikakasal naman itong si Lando.

“Hanggang ngayon ay hindi mo pa rin kayang magbigay ng magandang kasal para sa mapapangasawa mo? Mabuti na lang at nakahanap ka ng babaeng kayang magtiis sa iyo,” saad ng dating nobya.

“Maswerte ako at nakatagpo ako ng isang babaeng kaya akong tanggapin sa kung ano ang kaya kong ibigay,” wika naman ni Lando.

“Kung ganoon ay hangad ko ang kaligayahan ninyo. Sana nga ay mabuhay kayo ng pagmamahal,” natatawang saad ni Melissa.

Maya-maya ay tinawag na si Lando ng coordinator at pinapunta na sa harap ng altar.

“Matagal mo na bang kakilala itong si Sir Lando?” tanong ng coordinator kay Melissa.

“Nakakatuwa silang mag-asawa, ano? Kahit maykaya sila’y pinili pa rin nila ang magpakasal muli rito. Umuwi lang sila rito sa Pilipinas para maikasal sa simbahang ito. Bukas ay babalik na rin sila ng Amerika,” sambit muli nito.

“Ang ibig mo bang sabihin ay mayaman ‘yang si Lando?” pagtataka ni Melissa.

“Bakit, ma’am? Hindi mo po ba, alam? Akala ko po ay magkakilala kayo?” saad muli ng coordinator.

Hinintay talaga ni Melissa na matapos ang kasal upang makausap niya si Lando.

“Malaki na pala ang pinagbago ng iyong buhay, Lando. Hindi mo man lang sinabi sa akin na mayaman ka na ngayon. Kaya mo nang magpakasal ng magarbo pero bakit ganitong kasal pa rin ang ibinigay mo sa asawa mo?” wika muli ni Melissa.

“Alam mo, Melissa, simula nang nilisan mo ako’y marami akong napagtanto sa buhay ko. Maswerte ako na dumating sa buhay ko si Lucille. Tinanggap niya kung ano ang kaya kong ibigay. Noon ay inaya ko siyang magpakasal sa simbahang ito at agad naman siyang pumayag. Walang-wala pa ako noon. Pero mahal niya ako at pinagkatiwalaan niya ako. Nang sumunod ay nagkaroon ako ng oportunidad na makapagtrabaho sa ibang bansa. Sinuwerte ako. Kaya naman buwan-buwan ay pinakasalan ko ang asawa ko sa iba’t ibang parte ng mundo. Dahil karapat-dapat siya sa pagmamahal na iyon. Pero ngayong anibersaryo namin ay napili niyang pakasalan ko siya muli sa simbahang ito kung saan nagsimula ang lahat. Kaya tulad ng sinabi mo ay mabubuhay kami sa pagmamahal. Dahil maswerte ako sa asawa ko na kaya niyang tanggapin ang buhay na kaya kong ibigay noong hindi pa ako mayaman,” wika pa ni Lando.

Napahiya si Melissa. Hindi niya akalain kasi na matindi na ang pinagbago ng buhay ni Lando at nakahanap ito ng babaeng kayang tanggapin ang kaya niyang ibigay noon.

Tumalikod si Melissa at hiyang-hiya siya sa kaniyang sarili. Nagsisisi siya sa kaniyang nagawa kay Lando. Dahil ang totoo, kahit na garbo ang kaniyang kasal ay hindi naman maayos ang pagsasama nila ng kaniyang asawa.

Advertisement