Inday TrendingInday Trending
Umibig ang Isang Sikat na Modelo sa Isang Arkitekto; Patutunayan Nila ang Wagas Nilang Pag-ibig

Umibig ang Isang Sikat na Modelo sa Isang Arkitekto; Patutunayan Nila ang Wagas Nilang Pag-ibig

Maganda at perpekto ang pigura — yan ang tingin ng mga kalalakihan sa dalagang si Venus, isang sikat na modelo. Lahat siguro ng lalaki ay siya ang pinapantasya na maging kabiyak. Marami ang nakapilang manliligaw ngunit ni isa sa mga ito ay wala siyang matipuhan.

“Ang dami mo nang lalaking binasted, Venus, kahit mayayaman, anak ng politiko at mga negosyante ay wala kang sinanto. Talaga bang ayaw mong tumibok ang puso mo kahit kanino?” tanong ng kaniyang personal assistant na si Karen.

“Sa tingin mo ba, ‘yang mga lalaking ‘yan ay mahal ako dahil sa tunay na ako? Gusto lang nila ako dahil sikat ako. Mas mapapatunayan nila ang pagkalalaki nila kung mapapasagot nila ako,” sagot naman ni Venus.

“Pero may balak ka pa bang magnobyo? O balak mo nang tumandang dalaga? Sabagay, tutol din naman ang pamunuan na magkaroon ka kaagad ng nobyo. Baka hindi ka na nila kunin na mag endorso ng mga produkto kung may nobyo ka na,” wika muli ni Karen.

“Darating tayo diyan. Sa katunayan nga ay may isa na akong napipisil na p’wede kong pagkatiwalaan ng puso ko. Pero tulad nga ng sinabi mo, hindi naman din ako papayagan ng pamunuan na magkaroon ng kasintahan. Pero, alam mo, gusto ko na rin magkaroon ng taong magmamahal sa akin ng totoo,” wika pa ni Venus.

Ang tinutukoy ni Venus na lalaki ay ang arkitektong si Adrian. Matagal na itong nanliligaw sa kaniya. Natatandaan pa niya kung paano nahulog ng tuluyan ang kaniyang loob dito.

Unang beses na pagtatagpo ng dalawa ay sa isang resort kung saan nagbabakasyon si Venus at si Adrian naman ay naroon para sa isang kliyente. Nagkabanggan sila at mula noon ay nahulog na ang loob ng binata sa modelo.

Hindi alam ni Adrian na sikat itong si Venus. Kaya habang nasa date sila ay hindi na kailangan pang panatilihin ng dalaga ang kaniyang magandang imahe. Sa unang pagkakataon ay nagpakatotoo siya sa kaniyang sarili.

Ngunit hindi rin nagtagal at nalaman ni Adrian ang totoo.

“Handa ka bang sumabak sa magulong buhay ko sa showbiz? Mawawalan ako ng panahon sa iyo dahil gusto rin ang ginagawa ko. Kailangan din ako ng pamilya ko kaya hindi ako p’wedeng tumigil sa pagtatrabaho. Marami kang maririnig na hindi magandang balita tungkol sa akin. Maaaring may ma-isyu sa akin na ibang lalaki. Makakaya mo ba ang lahat ng iyon?” tanong ni Venus kay Adrian.

“Kakayanin ko. Hindi naman kita minahal dahil modelo ka. Minahal kita dahil ikaw ‘yan, Venus,” saad naman ni Adrian.

Ngunit hindi pa rin maaaring aminin ni Venus ang kaniyang nararamdaman para sa binata. Ngunit kahit ganoon ang sitwasyon ay hindi pa rin tumigil sa panliligaw itong si Adrian.

“Siguro, panahon na rin para sagutin ko si Adrian. Wala namang magbabago. Itatago ko na lang ang relasyon namin. May karapatan din naman akong lumigaya kahit paano,” wika ni Venus sa kaniyang assistant.

“Pero paano kapag nalaman nila ang relasyon n’yo? Tiyak na magagalit sa iyo ang management. Handa ka na bang talikuran ang lahat ng ito para kay Adrian?” tanong ni Karen.

“Hindi ko pa naiisip ang tungkol riyan. Mag-iingat na lang muna kami,” saad muli ng modelo.

Sinagot ni Venus si Adrian sa kasunduang walang makakaalam ng kanilang relasyon. Pumayag naman ang binata.

Sa buong panahon ng kanilang relasyon ay masaya sila. Tila nakalimutan na nga ni Venus ang mundong tunay niyang ginagalawan. Hanggang sa magbalik siya sa realidad.

“Nalaman na ng pamunuan ang relasyon mo kay Adrian, Venus, nais ka na nilang tanggalin sa lahat ng proyekto!” wika ni Karen.

“Hindi nila p’wedeng gawin ito dahil marami pa akong pananagutan sa aking pamilya. Hindi ko makakayang tugunan ang lahatng ito kung wala akong trabaho. Isa pa, ito lang naman ang alam kong gawin,” saad naman ni Venus.

Nang makita ni Adrian na malungkot ang kasintahan ay nagdesisyon na siya.

“Pinapalaya na kita, Venus. Alam kong kailangan ka pa ng pamilya mo. Ayaw ko namang alisin sa iyo ang buhay na gusto mo. Pero tandaan mong maghihintay ako hanggang sa kaya mo nang makasama ako habangbuhay,” saad naman ni Adrian.

Masakit man para kay Venus ay kailangan niyang hiwalayan ang kasintahan. Naputol na ang pakikipag-ugnayan niya rito. Ngayon ay balik na naman siya sa malungkot niyang mundo.

Walang araw na hindi niya naalala kung gaano siya kasaya sa piling ni Adrian. Nanghihinayang siya sa tunay na pag-ibig nito. Dalawang taon ang nakalipas at hindi pa rin niya ito tuluyang makalimutan.

At sa hindi inaasahang pagkakataon ay muli silang pinagtagpo ng tadhana nang si Venus ay magkaroon ng proyekto sa ibang bansa kung saan doon na nagtatrabaho si Adrian.

“Hindi ko akalain na darating ang araw na muli tayong magkikita, Adrian. Masaya ang puso ko ngayon dahil matagal na itong nangungulila sa iyo. Mahal pa rin kita,” wika ni Venus.

“Ikaw pa rin at kahit kailan ay walang ibang magiging laman ang puso ko kung hindi ikaw, Venus. Mahal na mahal pa rin kita hanggang ngayon. Walang nagbago,” saad naman ni Adrian.

Sa muling pagkikitang iyon ng dalawa ay nagkasundo na sila na magpapakasal. Desidido na itong si Venus na talikuran ang kaniyang pagmo-modelo upang maging masaya na sa piling ni Adrian. Marami man ang tututol ay handa na nilang ipaglaban ang isa’t isa.

Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla na lang nagkaroon ng malubhang karamdaman si Venus. Sa puntong ito’y tinalikuran na siya ng industriyang naging buhay niya ng ilang taon. Mabuti na lang at nariyan si Adrian upang siya ay alagaan.

“Hindi na rin naman magtatagal ang buhay ko, Adrian. Huwag mo na akong intindihin pa. Maghanap ka na lang ng ibang makakasama mo,” saad ni Venus.

“Ikaw lang ang gusto kong makasama, Venus. Huwag mo namang ipagdamot muli sa akin ang panahong ito. Sasamantalahin ko ang oras gaano man kaiksi para makasama pa kita. Mahal na mahal kita, Venus, parang awa mo na, huwag mo naman akong ipagtabuyan!” umiiyak na wika ng binata.

“Nagsisisi ako ngayon, Adrian, kung bakit hindi pa kita ipinaglaban noon. Sana ay naging masaya ako sa piling mo kahit sa sandaling panahon lang. Baka naranasan ko na rin kung paano maging isang ina. Ngayon ay huli na ang lahat para sa atin. Patawarin mo ako,” lumuluha na rin si Venus.

Hindi nagtagal ay binawian na rin ng buhay si Venus. Tuluyan siyang namaalam sa mundong ito habang nasa bisig siya ng kaniyang minamahal.

Hanggang sa mga huling sandali ay naging tapat si Adrian sa kaniyang pag-ibig. Sa loob ng dalawang dekada ay linggo-linggo siyang dumadalaw sa puntod ni Venus upang magdala ng sariwang bulaklak. At nang mula nang mamaalam ang kaniyang kasintahan ay hindi na siya umibig pang muli.

Isang araw, papunta na asana si Adrian as puntod ni Venus nang bigla siyang atakihin sa puso.

Ito ang mga huling salitang namutawi sa kaniyang bibig.

“Sa wakas ay muli ko nang makakasama ang mahal kong si Venus,” dahan-dahang ipinikita ni Adrian ang kaniyang mga mata at tuluyan nang sumama sa liwanag.

Advertisement