Pinaghintay at Pinaasa ng Binata ang Kaklaseng Mahirap na Isasama raw sa Outing; Magugulat Siya sa Muli Nilang Pagkikita
Sanay na ang binatang si Lito na palagi siyang tampulan ng tukso sa kanilang paaralan. Sa kanilang magkakaklase kasi ay siya ang pinakamahirap. Sira ang kaniyang sapatos at madalas na marumi ang kaniyang uniporme. Dahilan tuloy upang layuan siya ng marami.
Nangunguna sa panunukso sa kaniya ang binatang si Mark at ang mga kaibigan nito. Walang araw na hindi nila pinagkatuwaan ang kaawa-awang kaklase. Tila ba hindi makukumpleto ang kanilang araw kapag hindi nila ito nainis.
Pagpasok sa silid aralan ni Lito ay hindi niya makita ang kaniyang upuan. Tinatanong niya ang kaniyang mga kaklase ngunit nagtatawanan lang ang mga ito.
“Magsisimula na ang klase. Baka mapagalitan ako ng ating guro kung wala ang upuan ko. P’wede bang sabihin n’yo na sa akin kung nasaan ito?” wika ni Lito.
Ngunit wala talagang nais na magsabi. Hinanap niya ito at natagpuan niya sa labas ng silid-aralan. Paglabas niya para kunin ang silya ay bigla naman siyang pinagsaraduan ng pinto ni Mark.
“Diyan ka na sa labas dahil hindi na kami makahinga rito sa loob kapag kasama ka namin. Napakabaho mo!” bulyaw ng binata sabay hagalpak.
Naiiyak na si Lito habang pinagkakaisahan siya ng mga kaklase. Mabuti na lang at dumating ang kanilang guro at pinapasok na siya.
“Tigilan ninyo si Lito. Sa susunod na mangyari pa ito’y hindi ako magdadalawang isip na papuntahin kayo sa guidance office,” saad pa ng guro.
Pilit na pinipigilan ni Lito ang kaniyang mga luha.
Bandang hapon ay narinig niya ang ilang kaklase na nag-uusap tungkol sa isang outing papuntang Batangas.
“Handang-handa na nga ako para bukas. Bumili pa ako ng swim suit!” saad ng isang kaklase.
Habang sina Mark at kaniyang mga barkada ay nag-uusap tungkol sa mga babaeng nais nilang ligawan.
Pauwi na sana si Lito nang bigla siyang tawagin ni Mark.
“Pare, pasensya ka na sa akin kanina, a! Biro lang naman talaga ‘yun,” wika ni Mark.
“W-wala iyon. K-kalimutan mo na,” nakayukong saad naman ni Lito.
“Naku, pare, hindi p’wede! Gusto kong makabawi sa iyo. Bukas ay may outing kami. Gusto mo bang sumama? Sagot ko ang lahat! Ang kailangan mo lang ay pumunta. Nais ko kasing bumawi sa iyo sa lahat ng pang-iinis na nagawa ko. Pagbigyan mo na ako,” giit ni Mark.
Dahil nais na rin ni Lito na magkaayos sila ni Mark at tigilan na siya nito sa pang-aasar ay agad naman siyang pumayag.
“Matagal ko na kayong gustong maging kaibigan. Ngayon lang talaga ako nabigyan ng pagkakataon na makasama kayo. Kaya, sige, pupunta ako bukas. Salamat sa paanyaya,” wika pa ni Lito.
“Sige, bukas ng alas-siyete ng umaga kami magkikita-kita sa may gasolinahan malapit sa tulay. Alam mo ba kung saan ‘yon? Doon ka namin hihintayin, a! Huwag kang mawawala, pare! Huwag kang mag-alala. Sagot ko ang lahat!” sambit muli ni Mark.
Masayang-masaya si Lito sa paanyayang ito. Sa wakas ay magiging magkaibigan na rin sila ni Mark.
Samantala, gulat na gulat naman ang mga barkada ni Mark sa ginawa niya.
“Talagang inanyayahan mo ‘yang si Lito? Akala ko ba’y naiinis ka sa kaniya? Ngayon ay gusto mo pang isali sa barkada,” wika ng kaibigan.,
“Hindi mo talaga ako kilala, ‘no? Siyempre, pakulo ko lang ‘yun! Sa susunod na linggo ay hindi na magpapakita dito ‘yang si Lito dahil sa sobrang kahihiyan. Niligaw ko siya. Buong araw siyang maghihintay sa wala!” natatawang bulong naman ni Mark.
Pinipigil ng magkakaibigan ang kanilang tawanann upang hindi mapansin ni Lito na may masamang balak na naghihintay sa kaniya.
Kinabukasan, alas singko pa lang ay umalis ng bahay upang makarating sa kanilang tagpuan sa ganap na alas-siyete. Malayo kasi ang gasolinahan mula sa kanila. At wala naman siyang pamasahe papunta dito. Nagpapasalamat nga siya ng lubos kay Mark dahil sasagutin nito ang bayad para sa kaniya.
Bago pa mag-alas siyete ay nasa gasolinahan na si Lito. Ilang minuto na ang nakalipas ngunit wala pa rin ang kaniyang mga kaklase.
“Marahil ay nahuli lang sila. Baka sadyang inagahan ni Mark ang pagpapapunta niya sa akin dito dahil alam niyang maglalakad lang ako,” wika ni Lito sa kaniyang sarili.
Ngunit lumipas ang isang oras wala pa rin ang mga kaklase. Inabot na ng alas dyes at wala pa rin.
Dito na napagtanto ni Lito na pinagkakatuwaan na naman siya ng mga kaklase.
“Bakit ba ako naniwala diyan kay Mark. Wala talaga siyang magawang matino. Ako naman uto-uto!” inis na inis siya sa kaniyang sarili.
Nang sumunod na linggo ay wala na nga si Lito. Hindi na ito pumasok pa ng kanilang klase.
“O, ‘di ba, tama ako? Wala na nga iyang si Lito. Siyempre, wala na siyang mukhang maihaharap pa sa atin sa sobrang pagkapahiya. Ang liit kasi ng kokote. Naniwala agad na p’wede siyang mapasama sa barkadahan natin!” tumatawang saad ni Mark.
“Ibang klase ka talaga, Mark, ang lakas ng trip mo! Hindi ka ba naaawa doon kay Lito? Baka mamaya ay hindi na talaga mag-aral ‘yun!” saad ng kaibigan.
“Wala akong pakialam sa kaniya. Hindi siya nababagay sa eskwelahang ito. Bumalik na lang siya sa tubuhan kung saan siya nababagay!” wika naman ni Mark.
Lumipas ang mga taon at nakapagtapos na ng pag-aaral ang mga kabataang ito. Hindi na nila ulit nakita pa ang kaklaseng si Lito. Wala na rin makapagsabi kung saan na ito napadpad. Ang huling balita nila’y naghanap na lang ito ng trabaho sa isang koprahan.
Nang makatapos ng pag-aaral ay naghanap ng trabaho si Mark. Mula sa isang simpleng empleyado ay naging manager siya ng isang kompanya. Ngayon nga ay gusto pa niyang mas tumaas ang kaniyang posisyon.
“Ang sabi’y mahigpit daw ang magiging amo natin. Kanang kamay ng may-ari at nagtapos pa sa ibang bansa,” saad ng isang katrabaho.
“Walang mahigpit para sa akin! Kaya kong kunin ang kiliti ng kahit sino. Tiyak kong isang linggo pa lang dito ang amo natin ay makukuha ko na ang promotion na hinahangad ko!” pagyayabang ni Mark.
Pagdating ng bagong amo ay nagulat na lang si Mark dahil parang pamilya ang mukha nito.
“Ako nga pala si Lito Bonggao. Mahal ko ang lugar na ito kaya nang malaman kong kailangan ng mamamahala dito’y nagboluntaryo ako. Sana’y maging maayos ang maging trabaho nating lahat. Kung may maipaglilingkod man ako’y huwag kayong mahihiyang lumapit sa akin,” saad ng boss.
Nanlaki ang mga mata ni Mark nang makita ang dating kaklase sa kaniyang harapan. Hindi siya makapaniwala na ito na si Lito makalipas ng maraming taon. Tiyak niyang mas maganda na ang buhay nito sa kaysa sa kaniya.
“Lito, natatandaan mo pa ba ako?” tanong ni Mark.
“Ikaw ba si Mark? ‘Yung dati kong kaklase. Matagal na panahon na rin, a! Kumusta na? Hindi ko alam na dito ka pala nagtatrabaho sa kompanya namin,” saad ng binata.
“P-pero, paanong nangyari ang lahat ng ito, Lito? Akala ko’y hindi ka na nagpatuloy sa pag-aaral mo?” pagtataka pa ng dating kaklase.
“Siya nga pala, nais kong ipagpasalamat sa iyo ang lahat. Natatandaan mo ba noong niloko n’yo ako na sumama sa outing ninyo noon?” saad ni Lito.
“P-pasensya ka na. Hindi ko alam ang mga ginagawa ko noon,” nakayukong sambit naman ni Mark.
“Naku, ayos lang. Alam mo bang iyon ang dahilan kaya nagbago ang buhay ko? Pauwi na ako nang magkaroon ng isang aksidente. May isang matandang dayuhan na inatake sa puso habang nagmamaneho at bumangga sa isang poste. Agad ko siyang tinulungan at dinala ko siya sa ospital. Dahil nadugtungan ko ang kaniyang buhay ay pinahanap niya ako at binigyan ng magandang oportunidad sa buhay. Nalaman niya ang hirap ng aming buhay kaya dinala niya ako sa Amerika upang mag-aral. Kinupkop niya ako bilang isang tunay na anak. Nang makatapos ako ng pag-aaral ay binigyan niya rin ako ng pwesto sa kaniyang kompanya. At heto na ako ngayon. Maraming salamat sa iyo,” wika pa ni Lito.
“Pero, Mark, hindi porket kakilala kita ay p’wede ko nang ibigay sa iyo basta ang promotion. Pinaghirapan ko ang posisyon ko ngayon dahil ayaw kong biguin ang may-ari ng kompanya na nagbigay sa akin ng magandang buhay. Sana ay nauunawaan mo iyon. Mataas ang pamantayan ko. Kailangan mong sumunod,” dagdag pa ng binata.
Ikinumpara ni Mark ang kaniyang sarili sa Lito na kaharap niya ngayon. Tunay na ngang malayo ang inabot nito. Samantalang siya ay isa pa ring ganap na empleyado at nabubuhay lang ng husto.
Napagtanto ni Mark na kaya marahil sinuwerte itong si Lito ay dahil na rin sa ganda ng kalooban nito — isang bagay na wala siya.
“Masaya ako sa narating mo, Lito. Pagpasensyahan mo na talaga ang lahat ng nagawa ko. Magsisikap ako upang maging kwalipikado sa promotion. Pipilitin kong ayusin ang ugali ko at ang sarili ko para maging karapat-dapat. Salamat at tinuruan mo ako ng magandang aral,” wika pa ni Mark.
Hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Marks a swerteng inabot ng dating kaklase. Ngunit ginawa na lang niya itong inspirasyon upang magbago rin ang kaniyang buhay.