Inday TrendingInday Trending
Tinalikdan ng Binata ang Sariling Ina dahil Nilisan Sila Nito; Isang Malalim na Dahilan pala ang Nasa Likod ng Lahat

Tinalikdan ng Binata ang Sariling Ina dahil Nilisan Sila Nito; Isang Malalim na Dahilan pala ang Nasa Likod ng Lahat

Galing sa trabaho ang binatang si Jared. Pagod na pagod siya at nanghihingi na ng pahinga ang kaniyang katawan. Ngunit pagdating niya sa bahay ay dinatnan niya ang ama na si Boyet na langong-lango sa alak at halos nakahandusay na sa sahig.

“‘Pa, ano bang ginagawa ninyo riyan? Bakit naglasing na naman kayo?” sambit ni Jared habang pilit na inihihiga sa sofa ang ama.

“Walanghiya kasi ‘yang ina mo! Ilang taon nang nakakalipas ay wala pa ring ginawa kung hindi puntahan ka rito. Kasama pa ‘yung bago niyang asawa! Hindi na ginalang ang pamamahay ko! Ang kakapal ng pagmumukha!” saad ni Boyet.

“A-ano na naman daw po ba ang kailangan nila at nagpunta pa rito? Hindi ko na nga po sinasagot ang mga tawag niya! Sinabihan ko na rin siyang huwag nang mangulit at ayos na ang buhay natin! Hayaan n’yo, ‘tay, kapag tumawag muli sa akin ay talagang makakarinig na siya sa akin ng masakit!” saad muli ng binata.

“Sige nga, anak! Ipakita mo sa kaniyang hindi na natin siya kailangan! Sinira niya ang pamilyang ito,” dagdag pa ng ama.

Halos mag-iisang dekada na rin simula nang umalis ang ina ni Jared na si Lucy sa kanilang pamilya. Tandang-tanda pa ng binata ang araw na iyon. Pilit niyang pinipigilan ang ina ngunit umalis pa rin ito. Lalo siyang nagalit nang malaman niyang sumama ito sa ibang lalaki. Ang sumunod na lang nilang balita ay pinawalang bisa na nito ang kasal sa kaniyang amang si Boyet. Tapos ay saka nagkasal muli.

Para kay Jared, matagal nang yumao ang kaniyang ina.

Sa kabilang banda, mula noon ay walang araw na hindi tinawagan ni Lucy itong si Jared. Labis siyang nangungulila sa kaniyang anak kaya nais niya itong makausap. Nais niyang ipaliwanag ang lahat ngunit ayaw siyang bigyan nito ng pagkakataon.

Samantala, galit na galit naman na si Jared sa kaniyang ina dahil sa ginawa nito sa kanila. Lalo pa nang maging lulong sa alak ang kaniyang ama. Kinailangan niyang tumigil ng pag-aaral para magtrabaho. Sa murang edad ay siya na ang umako ng lahat ng responsibilidad ng ama.

Kinabukasan ay nagulat na lamang si Jared nang makita ang ina sa restawran na kaniyang pinagtatrabahuhan.

“A-anong ginagawa mo rito? Umalis ka na dahil ayaw kitang makita!” wika ni Jared sa ina.

“Anak, bigyan mo naman ako ng pagkakataon na magpaliwanag. Mag-usap naman tayo!” pagmamakaawa ni Lucy.

“Para saan pa? Para bilugin mo ang utak ko? Hindi kita mapapatawad sa ginawa mo sa amin ni papa. Umalis ka na kung ayaw mong bastusin pa kita!” galit na wika ng binata.

“Jared, gusto ko lang naman makipagkita sa iyo. Miss na miss na kita, e! Matagal na akong nangungulila sa iyo. Patawarin mo naman na ako. May dahilan naman ako kung bakit ako umalis. Kaya sana ay pakinggan mo naman ang dahilan ko. Parang awa mo na. Nais kong magpaka-ina sa iyo. Hayaan mo akong ibigay ang mga pangangailangan mo,” pagtangis ng ginang.

“Ngayon pa? Nasaan ka noong kailangan kita? Mas pinili mo ang sarili mong kaligayahan kaysa sa akin, ‘ma! Tapos sasabihin mong gusto mong magpaka-ina? Pinutol mo na ang dugong nagdurugtong sa atin simula nang umalis ka!” bulyaw muli ni Jared sabay alis sa restawran na iyon.

Naiwan si Lucy habang pinagtitinginan ng mga tao.

Galit na galit si Jared sa kaniyang sarili. Hindi niya maintindihan ang kaniyang nararamdaman dahil kahit galit siya’y ‘di pa rin niya mapigilan na mangulila sa kaniyang ina. Lalo ngayon na pagod na pagod na siya sa lahat ng responsibilidad niya. Pagod na pagod na siya sa kaniyang ama na wala nang ginawa kung hindi lasingin ang sarili.

Pag-uwi ni Jared ay nais sana niyang makausap ang ama ngunit lasing na naman ito. Marumi ang bahay at wala man lang inihandang pagkain para sa kaniya. Higit pa roon, nakita niyang mapuputulan na sila ng kuryente at tubig. Naiinis siya dahil nagbigay na siya ng pambayad sa kaniyang ama ngunit hindi na naman ito nabayaran.

Kinabukasan, bago pumasok sa trabaho ay kinausap ni Jared ang ama.

“‘Pa, bakit ilang buwan na po tayong hindi nakakabayad ng kuryente? Hindi po ba’t nagbibigay ako sa inyo. Ang sabi n’yo po ay kayo na ang bahalang magbayad?” tanong ng binata.

“Ay, kasi nagkatuwaan kami ng mga kumpare ko. Kinantyawan nila ako kaya nagpainom ako. Hindi naman p’wedeng mapahiya ako sa kanila, ‘di ba? Naiintindihan mo naman ako, anak, ‘di ba?” tugon ni Boyet.

“Pero, ‘pa, hirap na hirap na ako kakatrabaho tapos pinang-iinom niyo lang ng anak kasama ang mga barkada mo ‘yung perang pinaghirapan ko? Wala na ba talaga kayong gagawin sa aking kung hindi pahirapan ako?” hindi na nakatiis si Jared.

“Bakit ako ang sinisisi mo sa paghihirap mo sa buhay? Bakit hindi mo sisihin ang ina mo! Siya ang gumawa nito sa atin! Hindi naman masisira ang pamilya natin kung hindi dahil sa kaniya, e!” sambit muli ng ama. 

“Pero simula nang iniwan kayo ni mama ay iniwan n’yo na rin ako! Hirap na hirap na ako, ‘pa! Hindi ko kayang maging magulang para sa iyo! Kahit isang beses man lang sa buhay ko ay maramdaman ko sanang may magulang pa ako!” umiiyak na ang binata.

“Kung hirap na hirap ka na talaga sa buhay mo rito ay umalis ka na. Pumunta ka roon sa nanay mong walang kwenta at magsama kayo! Hindi naman din kita kailangan dito sa buhay ko! Sa totoo lang ay pabigat ka lang sa akin! Ang kapal ng mukha mong sumbatan ako dahil binubuhay mo ako ngayon. Kung hindi naman dahil sa akin ay wala ka sa mundong ‘to, a! Kaya huwag na huwag kang magmamalaki sa akin dahil kulang pa ang ginagawa mo para mabayaran mo ang buhay mo na galing sa akin!” bulyaw ni Boyet.

Sa sobrang sama ng loob ni Jared ay tuluyan na niyang nilisan ang kaniyang ama. Hindi niya akalain na sa kabila ng lahat ng kaniyang sakripisyo ay ito pa ang gagawin nito sa kaniya. Ngunit wala naman siyang mapuntahan. Ayaw niya rin namang mang-istorbo ng mga kaibigan. Kaya wala siyang nagawa kung hindi tawagan ang kaniyang ina.

Walang kaabog-abog naman ay pinuntahan siya nito kaagad.

“Masama akong anak dahil iniwan ko na lang si papa sa kalagayan niya. Pero hindi ko na kaya, ‘ma. Pagod na pagod na po ako,” umiiyak na wika ni Jared.

“Anak, nauunawaan kita. Alam kong bigat na bigat ka na sa lahat ng pasanin mo. Iyan din ang naramdaman ko noon. Bata ka pa kaya noon kaya hindi mo pa naiintindihan ang lahat. Pero inasa na sa akin ng tatay mo ang lahat. Noon pa man talaga’y lulong na siya sa alak. Madalas nga niya akong saktan. Pero dumating ako sa sukdulan nang ang iniipon kong pera para sa pag-aaral mo ay inubos niya sa alak kasama ang mga barkada niya. Alam mo pa ang mas masakit? Hindi naman talaga siya ang lalaking gusto kong makasama habang buhay. Pinagsamantalahan lang niya ako para maikasal ako sa kaniya. Tiniis ko na nga ang lahat para sa iyo para paglaki mo ay may maayos kang pamilya ngunit hindi ko na talaga kinaya pa. Patawarin mo ako, anak, kung iniwan kita. Patawarin mo ako kung nahihirapan ka,” patuloy sa pagluha si Lucy.

Niyakap ng Jared ang kaniyang ina. Mula noon ay doon na siya nanirahan sa bahay nito. Pilit namang bumabawi si Lucy sa kaniyang anak. Pinatigil na niya ito sa pagtatrabaho upang makabalik sa pag-aaral.

Habang naninirahan si Jared sa bahay ng ina at bago nitong asawa ay napagtanto niya ang isang bagay. Ang lalaking kasama ng kaniyang ina ngayon ang tunay nitong mahal at inagaw lang ito ng kaniyang ama.

Habang naroon siya ay muli niyang nararamdaman kung paano ang maging isang magulang.

“‘Ma, hindi ko po maiwasan na isipin si papa. Nakokonsensya po ako na iniwan ko lang siya ng basta,” saad ni Jared.

“Anak, nagkausap na kami ng papa mo. Humingi siya ng tulong sa amin ng TIto Dindo mo. Simula daw noong nawala ka sa bahay na iyon ay marami siyang napagtanto. Nais niyang magbago kaya humingi siya ng tulong upang maipasok siya sa isang pasilidad na makakatulong sa kaniya upang talikuran ang masamang gawain,” wika ni Lucy.

“Huwag ka nang mangamba, anak. Ako na ang bahala sa papa mo upang ganap nang maging maayos ang buhay niya. Sa ngayon ay i-enjoy mo muna ang buhay na ipinagkait sa iyo. Dahil sa ngayon, kami na muna ng Tito Dindo mo ang sandigan mo,” dagdag pa ng ina.

Sa wakas ay natupad na ang matagal na dalangin ni Jared na magkaroon ng kapanatagan ng kaniyang kalooban. Ngayon ay masaya na siya sa piling ng kaniyang ina at naghihintay na lang siya na tuluyan nang magbago ang ama.

Hindi man mabubuo muli ang kaniyang pamilya, nagpapasalamat pa rin si Jared dahil sa wakas ay maayos na ang lahat.

Advertisement