Inday TrendingInday Trending
Nakabungguan ng Dalaga ang Masungit na Lalaki Kaya Binungangaan Niya Ito; Nataranta Siya Nang Makitang Napaka-Guwapo Nito

Nakabungguan ng Dalaga ang Masungit na Lalaki Kaya Binungangaan Niya Ito; Nataranta Siya Nang Makitang Napaka-Guwapo Nito

Ilang buwan na ang nakakaraan nang magtapos sa pag-aaral niya sa kolehiyo si Naida. Gumradweyt siya sa kursong Information Technology. Ngayon ay mayroon na siyang magandang trabaho sa isang kilalang kumpanya sa Pasig. Dahil matalino at masipag ang dalaga ay madali siyang na-promote bilang manager.

Hindi lang matalino si Naida, nagtataglay din siya ng magandang mukha at pangangatawan. Mabait din siya at madaling pakisamahan pero pagdating sa pagpili ng magiging nobyo ay mataas ang kaniyang panuntunan. Hindi naman siya naghahangad ng kasing talino niya, o mayaman ang hinahanap niya ay ‘yung kakaiba. Ewan ba niya, pero wala pang lalaki na pumapasa sa panlasa niya.

“Uy ikaw na ba ‘yan, Naida? Wala pa ring nagbabago, napakaganda mo pa rin,” gulat na sabi ng dati niyang kaklase na si Riza. Magkasama sila nung nag-aaral pa sila sa kolehiyo. ‘Di sinasadyang nagkita sila nang namimili siya sa grocery.

“Riza! Kumusta ka na? Long time no see a! Ikaw din, hindi nagbabago. Magaling ka pa ring tumingin ng maganda,” biro niya.

Nagkatawanan ang dalawa. Nagyaya si Naida na magkwentuhan sila sa may food court. Kung anu-ano ang napag-usapan nila hanggang sa dumako sila sa pakikipagrelasyon.

“Kailan ka ba magkaka-boyfriend? Sa batch natin, ikaw na na lang ang nahuhuli, ako may dalawang anak na at ‘yung iba nating mga kaklase. Si Cindy na pinakabata sa atin ay buntis na rin,” kwento ng babae.

“Wala pa. Hindi pa siya dumarating sa buhay ko. Baka nga hindi pa iyon ipinapanganak, eh,” sabi niya. “Marami na akong naging manliligaw, pero wala sa kanila ‘yung hinahanap ko, eh,” saad pa niya.

“Ang taas naman yata kasi ng standard mo pagdating sa pagpili ng nobyo,” wika ni Riza.

“Hindi ko rin alam. Basta may hinahanap ako sa lalaki na hindi ko makita sa mga manliligaw ko. Sa ngayon, nagsawa na siguro sila, nainip o natakot na. Wala nang nagtatangkang ligawan ako,” aniya.

“Pero sana naman ay mahanap mo na ang magiging kabiyak mo. Hindi ka na rin bumabata, baka mahirapan ka na manganak niyan,” sabi pa ng babae.

“Pwede pa naman, beinte otso pa lang naman ako. Saka ayoko ring madaliin ang pakikipagrelasyon, kadalasan kasi kapag minamadali ay hindi maganda ang kinalalabasan. Kaya para sa akin hihintayin ko na lang na dumating ang tamang lalaki. Mas maganda ‘yung hinihintay kaysa sa hinahanap ‘di ba?” tugon niya.

Pagkatapos nilang mag-usap ay nagpaalam na sila sa isa’t isa. Nangako sila na magtatawagan at magchachat na lang. Paglabas niya sa grocery ay hindi niya inasahan na bubungguin siya ng isang lalaki. Nabitawan niya tuloy ang mga pinamili niya.

“Pusang gala! Ano ka ba naman kuya? Tinitingnan mo ba ang nilalakaran mo?” inis na tanong niya.

Nilingon siya ng lalaki pero nakatungo ito at hindi siya direktang tinitingnan. “Ikaw na nga itong bumunggo sa akin, ikaw pa ang galit?” supladong sabi nito.

“Aba, ang bastos na ito! Hoy, ikaw itong walang pakundangan tapos sisigawan mo pa ako, buwisit ka!” gigil na sabi niya habang pinupulot ang mga nalaglag niyang pinamili.

“Pwede ba, wala akong panahon na makipagtalo sa iyo, miss! Nagmamadali ako kaya please lang tumabi ka sa daraanan ko,” sagot ng lalaki.

Nang sulyapan ni Naida ang lalaki ay nanlaki ang mga mata niya. Biglang bumilis ang tibok ng puso niya. Nataranta siya at pinamulahan ng pisngi. P*t*ngina, sinungitan na nga siya kinilig pa siya!

“Kung tinutulungan mo ako sa pagpupulot ng mga nahulog kong pinamili edi sana ay hindi ako nakaharang sa daraanan mo at…” hindi na natapos ni Naida ang sasabihin dahil yumuko ang lalaki at tinulungan siya sa pagpupulot.

“O, eto na a! Para hindi mo na ako bungangaan,” sabi ng lalaki. Hindi pa ito tumitingin sa kaniya.

“Ang guwapo pero masungit at antipatiko naman!” mariin na sabi niya.

Hindi alam ni Naida kung bakit niya iyon nasabi kaya agad na namula ang pisngi niya. Nakakataranta naman kasi ang presensya ng lalaki. Napalingon ito sa kaniya, tinitigan na siya nito.

“Anong sinabi mo, miss?” Tila natigilan rin ang masungit na lalaki nang mapagmasdan siya.

Makalipas ang maraming taon

“Mommy, ano na po ang nangyari dun sa babae at sa lalaki?” tanong ng walong taong gulang na batang babae na panganay na anak ni Naida.

“Sa tingin mo, anak ano ang nangyari sa dalawa?” nangingiting sabi ng babae.

“Inaway po nung lalaki ang babae dahil tinulungan na nga niya sinungitan pa siya,” sagot ng bata.

“Hindi! Iniwan ng lalaki yung babae habang nagpupulot ng mga pinamili, kasi nagmamadali na ‘yung lalaki,” sabad naman ng pitong taong gulang na batang lalaki na bunso niya.

“Mali kayo mga anak,” wika ng mister ni Naida. Kanina pa pala ito nakikinig sa kwentuhan ng mag-iina.

“Eh, daddy ano po ang nangyari? Alam niyo po ba?” tanong ng panganay.

Ngumiti ang lalaki. “Nang makilala ng lalaki ang babae ay nagkaroon siya ng bagong pag-asa na magmahal muli,” anito.

“Ano pong ibig niyong sabihin, daddy?” tanong ng bunso.

“Kaya kasi masungit ‘yung lalaki na nakabungguan nung babae ay dahil iniwan siya ng girlfriend niya at ipinagpalit sa iba pero nang makilala niya ang babae ay muling tumibok ang puso niya at nabuhayan siya ng loob para sa panibagong pag-ibig,” tugon ng lalaki.

Kakamot-kamot naman ng ulo ang dalawang bata. Ni hindi maunawaan ang sinabi ng kanilang ama. Mayamaya ay nakatulog na ang mga ito sa kwarto.

Paglabas ng mag-asawa ay kinurot ng babae ang mister sa tagiliran.

“Ikaw talaga, kung anu-ano sinasabi mo sa mga bata,” sabi niya.

“Totoo naman ang sinabi ko a! Napa-ibig mo ako nang una kitang makita,” masuyong wika ng asawang si Milton.

“Ang sabihin mo, nawala ang kasungitan mo nang masilayan mo ang byuti ko, hmp!” nangingiting sagot ni Naida.

“Ganoon na nga! Kaya nga mahal na mahal kita, sweetheart!” tugon ng lalaki saka hinalikan siya sa pisngi.

Muling kinilig si Naida sa ginawa ng mister. Naalala niya tuloy ang huling pag-uusap nila ng kaklase niyang si Riza tungkol sa pag-aasawa. ‘Di niya inasahan na sa araw na iyon ay makikilala niya ang lalaking nakalaan sa kaniya. Pag nagkausap ulit sila nito ay ikukuwento niya ang love story nilang dalawa ni Milton.

Pagkatapos maglambingan ay pumasok na sa kwarto nila ang mag-asawa. Inalalayan ni Milton si Naida sa kama habang dahan-dahang hinimihas naman ng babae ang nakaumbok na tiyan dahil kasalukuyang nagdadalantao ulit si Naida sa ikatlo nilang anak.

Advertisement