Dismayado ang Ginoo sa Panginoon dahil Hindi raw Natupad ang Kaniyang Dalangin; Isang Pagbabalik Tanaw ang Gagawin ng Misis
Madaling araw pa lang ay ginigising na ni Ramon ang kaniyang mag-anak. Nais kasi niyang simulan ang Linggo nang nagsisimba.
“Bakit kailangan pang umaga ang misa na daluhan natin, Ramon? P’wede namang mamayang hapon tulad ng dati,” wika ng asawang si Emma.
“Alam mo naman kung bakit gusto kong magsimba, ‘di ba? Ngayong umaga na, baka mamaya ay marami na tayong gawin at hindi na naman makapagsimba katulad noong isang linggo. Bumangon na kayo riyan at gumayak,” sambit pa ng mister.
Pinagbigyan ni Emma ang kaniyang asawa. Ginising na niya ang kaniyang mga anak upang makadalo sila sa misa ng alas-sais ng umaga. Pupungas-pungas pa ang mga anak habang nakikinig ng banal na misa sa loob ng simbahan, ngunit si Ramon ay mataimtim na nagdadasal.
“Kaya umaga tayo nagsimba ay dahil sa hinihingi mong promotion, ano? Alam naman ng Diyos ang puso mo, mahal. Pagbibigyan ka niya kung para talaga ito sa iyo,” saad ni Emma.
“Sana nga ibigay Niya sa akin. Malaking tulong sa pamilya natin iyon kung nagkataon. Para sa inyo rin naman ‘yun. Gusto ko talaga kayong bigyan ng mga anak natin ng maginhawang buhay,” dagdag pa ni Ramon.
Simula nang malaman ni Ramon na naghahanap ang kompanya niya ng empleyado para i-promote ay panay na ang kaniyang dalangin. Sa pagtaas kasi ng kaniyang posisyon ay tataas din ang kaniyang sahod pati ang mga benepisyong kaniyang makukuha. Kaya naman ganoon na lang ang kaniyang panalangin.
Isang linggo ang nakalipas at inanunsyo na ng kompanya ang napiling empleyado na ma-promote. Nadismaya si Ramon dahil hindi ang pangalan niya ang natawag.
AdvertisementUmuwi siya sa kaniyang pamilya na masama ang loob.
“Bakit naman nakabusangot ang mukha mo, mahal? May hindi ba magandang nangyari?” tanong ng misis.
“Bakit gano’n, mahal, lagi naman akong nagdadasal tuwing araw ng Linggo. Nagbibigay naman ako sa simbahan. Madalas nga ay sinosobrahan ko pa. Tumutulong ako sa nangangailangan, wala akong bisyo. Palagi naman akong nagdadasal pagkagising at bago matulog. Bakit ganito pa rin ang nangyayari? Bakit hindi pa rin Niya ako pinakikinggan? Hindi pa ba sapat ang mga ginagawa ko para sa Kaniya? Hindi pa ba Siya nalulugod do’n?” sambit ni Ramon sa asawa.
“Mahal, huwag kang magsalita ng ganiyan laban sa Panginoon. Natitiyak akong may dahilan ang lahat. Hindi man ibinigay sa iyo ang promotion na hinihingi mo’y naniniwala akong may mas magandang nakalaan para sa iyo,” sambit naman ni Emma.
“Hindi ko nararamdamang mahal ako ng Panginoon, Emma! Minsan lang ako humiling sa Kaniya pero hindi pa Niya ako pinagbigyan! Anong klaseng Diyos ba Siya? May kinikilingan ba Siya?” muling tanong ng mister.
Alam ni Emma sa puntong iyon ay hindi niya mababago ang isip ng asawa. Kaya ang ginawa niya’y niyaya na lang niya itong lumabas.
“Tara at sumakay ka sa kotse. Dadalhin kita sa isang lugar na mawawala ang lahat ng agam-agam mo,” sambit muli ng ginang.
Inaasahan ni Ramon na dadalhin siya ng misis sa paborito nilang restawran pero nagulat siya nang lagpasan nila ito.
Advertisement“Hindi naman ito ang daan patungong restawran. Saan ba talaga tayo pupunta, Emma?” pagtataka muli ng mister.
“Sandali na lang at malapit na, Ramon,” wika ni Emma.
Ilang sandali pa ay nakita na ng ginoo ang isang pamilyar na lugar. Ang tenement kung saan sila dating naninirahan.
“Natatandaan mo ba ang lugar na ito, mahal? Natatandaan mo kung gaano tayo kasaya nang mabigyan tayo ng pagkakataon na magkaroon ng disenteng bahay mula sa pabahay ng gobyerno? Labis ang pasasalamat mo noon sa Diyos,” pahayag ng ginang.
“Kung titingnan mo, mahal, grabe ang pagmamahal ng Panginoon sa iyo at sa pamilya natin. Nang dahil sa Kaniya ay nakaahon tayo sa hirap. Nagkaroon ka ng magandang trabaho at nakapundar tayo ng sarili na nating bahay at lupa. May sasakyan pa tayo ngayon. Nakakapag-aral ang mga bata sa pribadong paaralan at higit pa doon, wala tayong utang na kailangang bayaran at walang nagkakasakit sa ating pamilya. Hindi ba’t higit na pagpapala na iyon galing sa Kaniya?” dagdag pa ng ginang.
Ngayon ay nauunawaan na ni Ramon ang nais na sabihin ng kaniyang asawa. Napagtanto nga niyang mula noon ay hindi siya pinababayaan ng Panginoon.
“Tama ka, hindi dapat mayanig ang pananampalataya ko nang dahil lang sa isang hiling na hindi niya ibinigay. Hindi man ako karapat-dapat sa lahat ng pagpapala Niya’y ibinibigay pa rin Niya sa akin dahil tunay Niya akong mahal at ang ating pamilya,” wika naman ni Ramon.
“Tama ‘yan. Isa pa, may mas magandang nakalaan para sa iyo, Ramon. Kumakapit ako sa paniniwalang iyan,” saad muli ni Emma.
AdvertisementUmuwi ang mag-asawa na magaan ang kalooban. Nanghingi ng tawad sa Panginoon si Ramon dahil sa kaniyang mga masasamang sinabi. Masaya naman si Emma dahil naliwanagan na rin ang kaniyang mister.
Kinabukasan ay nagulat si Ramon nang ipatawag siya ng may-ari ng kompanya. Hindi niya akalain na kaya pala hindi ibinigay sa kaniya ang promotion na kaniyang inaasam ay dahil may mas maganda at mas mataas na posisyon ang naghihintay sa kaniya. Mas maganda ang benepisyo at mas maganda ang sahod.
Napatingin na lang si Ramon sa mga ulap at napangiti.
“Tunay ngang hindi mo pinababayaan ang mga taong nananalig sa Iyo. Maraming salamat, Ama, sa Iyo ang tunay na pagpupuri at pasasalamat!” tanging nasambit ni Ramon sa Maykapal.