Hindi Alam ng Mag-Asawa Kung Paano Aaminin sa Ampon ang Katotohanan; Ikabibigla Nila ang Reaksyon Nito
Tensyonado ang mag-asawang Millet at Emil dahil malapit na ang ikalabing dalawang kaarawan ng nag-iisa nilang anak na si Michelle. Noon pa man kasi ay napagkasunduan na ng dalawa na aaminin nila ang kanilang sikreto tungkol sa anak sa pagsapit ng ikalabing dalawang kaarawan nito.
“Hindi ko naman alam na ganun lang kabilis ‘yun, Emil. P’wede bang sabihin na lang natin ang katotohanan kapag kinse anyos na siya?” sambit ni Millet.
“Pero kung ililihim pa natin sa kaniya nang mas matagal ay baka lalo lang siyang masaktan. Lalo lang siyang magalit sa atin. Baka sabihin niyang marami nang pagkakataon ang pinalampas natin. Mainam nang malaman na niya ngayon upang kaya pa natin siyang pigilang magrebelde,” wika naman ni Emil.
“Paano kung magalit siya sa atin, Emil? Paano kung hanapin niya ang tunay niyang mga magulang? Hindi ko kayang mawala sa atin si Michelle. Alam mo kung gaano ko siya kamahal at gaano ko hinintay na magkaroon tayo ng anak,” pagtangis ng ginang.
“Kaya nga ipapaliwanag natin sa kaniya nang maayos. Ipaparamdam natin sa kaniya na walang magbabago. Ihanda mo na ang sarili mo dahil anumang araw ay kailangan na nating sabihin sa kaniya ang totoo, Millet. Masakit din para sa akin ito pero karapatan niyang malaman ang lahat,” sambit muli ni Emil.
Nasa tiyan pa lamang ay ibinigay na sa mag-asawang ito si Michelle ng kaniyang tunay na ina. Dahil walang kakayahang magbuntis si Millet at sabik nang magkaanak ay binili nila ang sanggol mula sa tunay nitong magulang. Balak sana nilang palakihin ang bata nang alam nito na ampon lamang siya ngunit nag-iba ng isip ang mag-asawa. Inari nila ito na parang tunay na kanila at nagdesisyon na sasabihin na lang ito kapag nagkaroon na ito ng isip.
Habang hinahanda ni Millet ang munting salu-salo na pinaghandaan nilang mag-asawa ay hindi maiwasan ni Michelle na mapansin na tila may kakaiba sa kinikilos ng kaniyang ina. Palagi kasing nalalaglag ang mga hinahawakan nito – simbolo na kinakabahan ito.
“Ayos lang po ba kayo, ‘ma? Kinakabahan ba kayo dahil isang taon na lang ay teenager na ako?” kantiyaw ni Michelle sa ina.
“Siguro nga’y ganoon, anak. Pero pagod lang din siguro ako. Ang dami ko kasing niluto. Anong oras ba darating ang mga bisita mo?” saad naman ni Millet.
“Magpahinga na po kayo, ‘ma, at ako na po ang bahala. Tutal malaki na ako. Isang taon na lang ay teenager na ako!” tumatawang wika muli ng dalagita.
“Kahit na teenager ka na ay baby ka pa rin namin ng daddy mo, tandaan mo ‘yan! Halika nga rito at nang mayakap kita. Labing dalawang taon ka lang pero mas matangkad ka na sa akin, mana ka talaga sa papa mo!”
“At sa iyo naman po ako nagmana ng ganda at talino. Thank you sa party ko, ‘ma, a! Salamat sa inyo ni papa dahil lagi kayong nakasuporta sa akin,” wika muli ni Michelle.
Sa mga sinabing ito ng anak ay lalong nahihirapan ang mag-asawa na aminin dito ang totoo.
Buong araw na kinakabahan si Millet dahil buo na ang loob ni Emil na sabihin dito ang totoo kahit na hindi siya kasama.
Kinagabihan ay abala pa sa pagliligpit ang mag-asawa. Pinagbubulungan nila ang kaniyang pagtatalo tungkol sa pagsasabi ng totoo kay Michelle.
“Huwag mo namang sirain ang gabing ito para sa kaniya. Sa susunod na araw na lang, Emil,” pakiusap ni Millet.
“Ngayon na ang tamang panahon, Millet, lilipas ang araw at hindi na naman natin masasabi sa kaniya!” saad ng mister.
“Bakit ba kating-kati kang sabihin sa kaniya ang totoo? Gusto mo talagang magtampo siya sa atin? Gusto mong sumama ang loob niya?” pabulong ngunit galit na sambit ng ginang.
“Mahal ko siya kaya ayaw kong mabuhay sa kasinungalingan, Millet. Karapatan niyang malaman ang tunay niyang pagkatao,” tugon naman ng asawa.
Napansin ni Michelle na parang nag-aaway ang kaniyang mga magulang ngunit ayaw magpahalata.
“Ayos lang po ba kayo, mama at papa? Nag-aaway po ba kayo?” pag-aalala nito.
“Hindi naman, anak, huwag mo na kaming intindihin. Ito lang papa mo, ayaw kasi niyang makinig sa akin,” depensa ni Millet. “Hindi ba, mahal?” dagdag pa nito sabay siko sa asawa.
Ngunit iba ang isinagot ni Emil.
“Anak, totoo lang ay may nais kaming sabihin sa iyo ng mama mo. Pero p’wede mo bang ipangako na huwag kang magagalit sa amin? Huwag kang magtatampo o magrerebelde. Huwag kang lalayas dito. Huwag kang gagawa ng kahit anong ikapapahamak mo,” wika ni ginoo.
Pinipigilan naman siya ni Millet.
“Tama, Millet, kailangan na nating sabihin kay Michelle ang lahat,” saad ni Emil. “Anak, ang totoo niyan ay hindi ka namin anak. Ampon ka lang,” saad ng ama.
Napangiti si Michelle.
“Alam ko po, mama at papa. Matagal ko na pong alam ‘yan!” saad ng dalagita.
Nagulat ang mag-asawa dahil hindi ito ang inaasahan nilang reaksyon ng anak.
“A-alam mo na? Kailan pa? Bakit hindi mo naman sinabi sa amin?” wika pa ni Millet.
“Siguro po ay may isang taon na rin. Hindi po kasi sinasadya ay narinig ko kayo ni papa na parang may pinagtatalunan. Galing po akong eskwelahan noon. Narinig ko po kayo na sinabing hindi ako tunay na anak. Noong una ay malungkot talaga ako at sumama po ang loob ko. Gusto ko sanang magalit sa inyo dahil itinago ninyo sa akin ang totoo pero habang lumilipas ang araw, napagtanto kong mali kung gagawin ko iyon. Wala po kayong ipinakita sa akin kung hindi puro pagmamahal at pang-unawa. Kahit hindi po ninyo ako kadugo ay walang segundo na naramdaman kong hindi ninyo ako mahal. Walang nagbago sa pakikitungo ninyo sa akin. Kaya ano pa po ba ang mahihiling ko? Kahit hindi po ako sa inyo nanggagaling ay pinili naman po kayo ng Diyos para may magulang ko at masaya ako sa biyayang iyon!” pahayag ni Michelle.
Nakahinga na nang maluwag ang mag-asawa. Nilapitan nila si Michelle at saka nila niyakap.
“Ibang klase ka talagang bata ka. Mabuti na lang at ikaw talaga ang ibinigay sa amin ng Panginoon. Pangako, anak, walang magbabago, lalo ka pa naming mamahalin ng papa mo. Hindi ka man galing sa amin ay dito ka naman nakatira sa puso namin,” saad naman ni Millet.
Hindi makakalimutan ni Michelle ang kaniyang ikalabing dalawang kaarawan. Ito kasi ang araw kung kailan lalo niyang minahal ang kaniyang mga kinikilalang magulang. Hindi na niya hinangad pa na makilala ang kaniyang tunay na ina, dahil para sa kaniya’y sina Emil at Millet ang kaniyang tunay na mga magulang.