Inday TrendingInday Trending
Tinulungan ng Binata ang Matandang Muntik nang Mahagip ng Sasakyan; Isang Hindi Malilimutang Gantimpala ang Nakaabang sa Kaniya

Tinulungan ng Binata ang Matandang Muntik nang Mahagip ng Sasakyan; Isang Hindi Malilimutang Gantimpala ang Nakaabang sa Kaniya

Dalawang buwan na ang nakakaraan mula nang makapagtapos sa kolehiyo si Denver. Masipag siya at matalino kaya naman gumradweyt siya bilang Cum Laude. Umalis siya sa probinsya at ngayon ay nasa Maynila siya at nakikipagsapalaran dahil naniniwala siya na ang oportunidad ay nasa lungsod.

Nagmula man sa mahirap na pamilya ay marami pa rin ang humahanga sa binata. Bukod sa angking talino ay napakabait at mapagmahal na anak si Denver. Napakataas ng tingin sa kaniya ng mga magulang at kapatid niya. Umaasa ang mga ito na siya ang magtataguyod sa kanilang pamilya.

Ang tatay niya ay mangingisda, ang nanay naman niya ay tindera ng isda sa palengke. Nakatira lamang sila sa maliit na kubo sa tabi ng dalampasigan kasama ang lima niya pang nakababatang kapatid pero hindi naging hadlang ang kahirapan nila upang mangarap nang mataas si Denver. Ipinangako niya sa sarili na siya ang mag-aahon sa pamilya niya sa hirap. At ito nga, tapos na siya sa pag-aaral at naghahanap na ng mapapasukang trabaho. Para sa kaniya, ito na ang simula ng pag-abot niya sa kaniyang mga pangarap.

“Mula ngayon ay dito ka na matutulog ha? Kaunting linis lang at maaayos din itong kwarto. Pasensya na, maliit lang itong bahay ko, eh,” wika ng tiyahin niya na nakatira sa Maynila.

Pansamantalang makikitira muna siya sa kaniyang Tiya Camila habang naghahanap pa siya ng trabaho. Ang tanging alam lamang niya sa tiyahin ay kapatid ito ng kaniyang ina, matandang dalaga at retiradong kawani ng gobyerno, maliban doon ay wala na. Ngayon lang niya ito makakasama kaya wala siyang kaide-ideya sa ugali ng babae, pero sa tantiya naman niya ay mabait ito.

“Okey lang po ako dito, tita. Maraming salamat po sa pagpapatuloy sa akin sa bahay niyo. Ipinapangako ko po na kapag nakahanap na ako ng trabaho ay babawi po ako sa lahat ng naitulong niyo sa akin,” tugon niya sa tiyahin.

Napansin niya na bukod sa madilim ay masikip pa ang kwartong iyon na ibinigay sa kaniya ng babae. Pero malaking pasasalamat na niya dahil kahit paano ay may matutulugan siya kaysa naman sa wala.

“Sige, aasahan ko ‘yan ha, pamangkin. Ilagay mo na ang mga gamit mo sa loob at pagkatapos ay saluhan mo na akong kumain,” sabi ng tiyahin niya.

Isang araw, maagang bumangon si Denver upang tumulong muna sa mga gawaing bahay bago umalis at maghanap ng trabaho.

“Good morning, tita, tara po at mag-almusal. Nagluto na po ako at naihanda na rin ang mesa,” sabi niya sa tiyahin na kagigising lang.

“Aba, ang aga mong gumising, a! At nakapaghanda ka na pala ang agahan natin. Nakakatuwa ka naman!” masayang tugon ng babae.

“Sa pamamagitan lamang po niyan ay makabawi ako sa inyong kabutihan, tita,” sagot ng binata.

Pagkatapos nilang kumain ay nagmamadali na siyang umalis para maghanap ng trabaho. Naka-ilang apply na siya sa iba’t ibang kumpanya pero hindi pa rin siya natatanggap. Palaging sinasabi sa interbyu na tatawagan na lang siya. Ang akala nga niya ay madali siyang matatanggap dahil sa Cum Laude naman siya pero hindi naman pala.

“Kung ako sa iyo ay hindi na ako mag-aakasaya ng panahon na mag-apply dito o sa ibang kumpanya sa posisyong iyan dahil hindi ka matatanggap. Ang iha-hire nila ay ang mga tulad kong nakapagtapos sa mas kilalang unibersidad kaysa sa gaya mong gumradweyt lang sa pipitsuging kolehiyo sa probinsya,” mayabang at nangmamaliit na sabi ng binatang nakaupo sa tabi niya at mukhang naghihintay rin ng resulta ng interbyu nila.

Ilang saglit lang ay nalaman na nila ang resulta, tama nga ang binata dahil ito ang natanggap sa kumpanyang inaplayan niya. Napag-alaman niya na natanggap ito dahil sa sikat at kilalang unibersidad ito nagtapos. Laking panlulumo ni Denver sa naging resulta. Bakit ganoon? Porket galing lang siya sa hindi kilalang eskwelahan sa probinsya ay binabalewala na lang siya?

“Napakahirap naman dito sa Maynila,” pinanghihinaang loob na sabi niya sa isip.

Lulugu-lugo siyang lumabas sa gusaling iyon. Ilang buwan na siyang naghahanap ng trabaho pero hindi naman siya matanggap. Nawawalan na siya ng pag-asa.

“Napakamalas ko naman,” sambit niya saka napabuntung-hininga.

Habang malungkot na naglalakad patungo sa sakayan ay may napansin siyang matandang lalaki na tumatawid sa kalsada. May parating na kotse at masasagasaan ang matanda. Hindi nagdalawang-isip ang binata na tulungan ito. Tumakbo siya palapit sa matanda at itinulak ito sa gilid ng kalsada, dahilan para siya ang mahagip ng sasakyan.

Pagkagising ni Denver ay nasa loob na siya ng isang pribadong kwarto sa ospital. Ilang saglit pa ay may pumasok na isang magandang dalaga, kasama nito at akay-akay ang matandang lalaki na muntik nang masagasaan.

“O, gising ka na pala. Huwag kang mag-alala, ang sabi ng doktor ay maayos na ang lagay mo. Hindi ka naman daw nagkaroon ng malalang pinsala, ang kailangan mo lang ay magpahinga,” paunang bati sa kaniya ng dalaga. “Gusto ko lamang magpasalamat sa iyo sa pagkakaligtas mo sa aking papa,” anito.

Agad namang sinubukan ni Denver na bumangon kahit na nahihirapan. “Walang anuman po. Kumusta na po kayo, lolo?” baling niya sa matanda.

“Maayos na ang lagay ko hijo, nagkaroon lamang ako ng mga galos sa binti. Maraming salamat sa pagsagip mo sa akin kanina. Hindi ko kasi namalayan na may parating palang sasakyan. Malabo na kasi ang mga mata ko, eh!” sagot ng matanda.

“Ganyan ang papa ko, hindi ‘yan nagpapaalam sa akin. Basta-basta na lang siya lumalabas kapag ginusto niya. Ang sabi ko sa kanya ay doon lang siya sa opisina ko mag-stay habang tinatapos ko pa ang mga trabaho kaso makulit, ayan tuloy muntik nang maaksidente,” wika ng dalagang anak ng matandang lalaki.

“Kaya sa susunod po lolo, sundin niyo na po ang inyong anak,” nakangiting sagot ni Denver. “Maraming salamat nga po pala at dinala niyo po ako dito sa ospital. Nakakahiya naman po,” saad niya.

“Naku, wala kang dapat na ikahiya. Kami nga ang may malaking utang na loob sa iyo, eh. Kundi mo iniligtas ang papa ko, wala na siya ngayon kaya lubos akong nagpapasalamat sa iyo. Huwag kang mag-alala, ipinaalam ko na sa tiyahin mo ang nangyari at papunta na siya rito. Nakuha ko ang numero niya sa selpon mo. Nga pala, nalaman ko rin na galing ka sa probinsya at naghahanap ka ng trabaho dito sa Maynila. Nakita ko kasi na may mga resume ka sa bag mo at napahanga mo ako, Cum Laude ka pala at ang tataas ng mga grades mo sa school,” wika ng dalaga.

Tumango si Denver. “Opo, ilang buwan na po ako rito sa Maynila at ilang buwan na rin pong naghahanap ng trabaho pero hindi po ako natatanggap dahil hindi raw po ako gumradweyt sa kilalang unibersidad.”

“Ganoon ba? Pwes, may trabaho ka na kapag lumabas ka rito dahil kukunin kita bilang aking assistant sa opisina. Tamang-tama, kaka-resign lang ng assistant ko nung nakaraang araw at wala pa akong nakikitang kapalit kaya ikaw na ang iha-hire ko sa posisyon. Ang posisyong iyon ang inaaplayan mo sa ibang kumpanya, ‘di ba? So, welcome sa company namin! Ako nga pala si Ingrid Capistrano, ang tumatayong CEO sa kumpanya ng papa ko. Matagal na siyang retirado kaya ako na ang humahawak sa business namin,” hayag ng dalaga.

Sa sinabing iyon ng babae ay hindi napigilan ni Denver na maiyak. “Naku, maraming salamat po, ma’am. Nakakahiya naman po,” aniya.

“Ano ka ba? Nahihiya ka na naman, eh! Pasasalamat ko iyan sa iyo dahil hindi lahat ng tao ay kayang ibuwis ang buhay para sa iba lalo na sa taong hindi nila kilala. Kaya naman karapat-dapat kang gantimpalaan, Mr. Denver Santos. O, ayan pati pangalan mo binuo ko na ha? Paglabas mo sa ospital ay magpahinga ka na muna ng ilang araw pagkatapos ay pumunta ka sa opisina para makapagsimula ka na. Diyan lang ang kumpanya namin sa tapat nitong ospital. At isa pa pala, tandaan mo na wala sa eskwelahan kung saan ka nag-aral ang batayan ng pagtatagumpay, nasa tao ‘yan at sa iyong angking galing at talino,” sabi pa ng dalaga.

Hindi makapaniwala si Denver sa naging takbo ng kaniyang kapalaran. Ilang taon ang lumipas mula nang nangyari iyon at ngayon nga ay naiahon na niya ang kaniyang pamilya sa kahirapan dahil mataas na ang posisyon niya sa kumpanya nina Ingrid. Sinuklian niya ang kagandagang loob ng babae sa pamamagitan ng pagtatrabaho nang maayos at pagiging tapat sa kumpanya nito. Tinulungan din niya ang mabait niyang tiyahin at binigyan ito ng sariling negosyo, regalo niya sa pagpapatira nito sa kaniya noon.

Bukod sa magandang trabaho at magandang buhay ay nahanap din ni Denver ang tunay na pag-ibig sa katauhan ni Ingrid. Mula sa pagiging magkaibigan ay nahulog ang loob nila sa isa’t isa at nauwi sa pag-iibigan. Nagpakasal sila at may dalawa na silang anak. Wala nang mahihiling pa si Denver dahil sobra-sobra na ang biyayang ibinigay sa kaniya ng Panginoon.

Advertisement