Inday TrendingInday Trending
Pinahirapan ng Babaeng Ito ang Manliligaw Upang Makapagpasikat sa Kaniyang mga Kaibigan; Iyak Siya nang Ayawan Siya Nito

Pinahirapan ng Babaeng Ito ang Manliligaw Upang Makapagpasikat sa Kaniyang mga Kaibigan; Iyak Siya nang Ayawan Siya Nito

“Grabe, Leana, ang guwapo naman ng manliligaw mong ’yan!” manghang papuri ng isa sa mga kaibigan niya nang ihatid siya ni Max—ang lalaking matagal nang nanliligaw sa kaniya—sa kanilang eskuwelahan. Dahil doon ay napataas naman ang noo ni Leana. Gusto niyang magyabang sa kaniyang mga kaeskuwela, dahil bukod sa guwapo na ang manliligaw niyang ito ay saksakan din nang yaman, at hindi lang ’yon dahil talaga namang sunod-sunuran din ito sa lahat ng gusto niya!

“Siyempre. Hindi naman p’wede sa akin ang kung sino lang. Kailangan nilang umangat sa lebel ko, ano!” nakangisi pang sagot naman ni Leana sa kaibigan.

Upang lalo siyang hangaan ng mga ito ay nakaisip siya ng kalokohan. Tinawag niya si Max, na noon ay pabalik na sana sa sasakyan dahil uuwi na ito.

“Bakit, Leana? May kailangan ka pa ba?” tanong sa kaniya ng mabait na binata.

“Meron. Nadumihan kasi ’yong sapatos ko, p’wede pang pakipunasan?” saad naman ni Leana. Bahagyang nagulat si Max sa naging asta niya, ngunit sa huli ay tinalima rin nito ang kaniyang kagustuhan. Kaya lang, pagkatapos no’n ay kung anu-anong utos pa ang sunod-sunod na ipinagawa niya sa binata sa harap mismo ng kaniyang mga kaibigang si Kristina.

“Leana, maawa ka naman d’yan sa manliligaw mo. Tingnan mo, mukhang napapagod na, o!” naawang turan ng kaibigan niya sa kaniya ngunit imbes ay inismiran ito ni Leana.

“Inggit ka lang yata, e. Wala ka kasing makukuhang katulad ni Max, dahil hindi ka naman umabot man lang kahit sa kalahati ng lebel ko,” pagyayabang niya pa na nagpasinghap sa kaniyang mga kasama.

Maging si Max ay napailing sa narinig. Napipikon na ang binata. Dahil doon ay napatayo siya sa pagkakayuko habang pinupulot ang mga ikinalat na gamit ni Leana sa sahig na iniutos din nitong pulutin niya, saka niya ito pinagsabihan.

“Magkaiba ang pagsubok sa kawalan ng respeto, Leana. Hindi na panunubok itong ginagawa mo sa akin. Binabastos mo na ako sa harap nila. Wala kang karapatang maliitin ang kahit na sino sa mga kaibigan mo dahil lang ikaw ang napili kong ligawan, dahil alam mo kung ano ang totoo, Leana? Nagsisisi akong ikaw pa ang nagustuhan ko,” mariin at galit na sabi ni Max bago siya naglakad pabalik sa kaniyang sasakyan at iniwan niyang tulala si Leana sa kaniyang mga sinabi.

Hindi naman dating ganoon si Leana. Ang totoo ay napakabait nito at hindi man lang niya kakikitaan ng katiting man lang na yabang sa katawan, kaya nga nagustuhan niya ito. Ngunit simula nang ligawan niya ito ay para bang nagbago ang lahat. Lumabas ang tunay nitong kulay at ngayon ay halos hindi na alam ni Max kung alin ang totoo sa nakilala niyang pagkatao ni Leana.

Pahiyang-pahiya naman si Leana sa ginawa ni Max. Galit na galit siya kaya naman sinubukan niya itong tawagan sa telepono upang awayin. Ngunit nagulat siya nang malamang nagpalit na pala ito ng numero at maging sa mga social media accounts nito ay naka-block na siya! Talagang tuluyan na nitong inihinto ang panliligaw sa kaniya at ngayon ay labis ang pagsisisi ni Leana.

Ilang buwan din niyang hindi nakita si Max. Sa totoo lang ay miss na miss na niya ang binata dahil tuluyan naman nang nahulog ang loob niya rito. Kung maibabalik niya lang ang pagkakataon ay hinding-hindi na niya gagawin pa ang ginawa niya kay Max.

Isang araw ay ganoon na lang ang gulat ni Leana nang mamataan niya si Max sa labas ng kanilang eskuwelahan habang nakasandal ito sa sariling sasakyan. Ang kamay nito’y nakasukbit sa kaniyang mga bulsa at cool na cool itong tingnan sa suot nitong sunglasses. Biglang umaliwalas ang mukha ni Leana! Sinasabi na nga ba niya at hindi siya kayang tiisin ng binata.

Agad siyang tumakbo palapit kay Max. Kumaway naman ito sa kaniya at nagsimula rin humakbang papalapit. Ngunit nang malapit na sila sa isa’t isa ay ganoon na lang ang gulat ni Leana nang bigla siyang lampasan ng binata, at salubungin ang babaeng nasa kaniyang likuran…si Kristina!

“Max, hindi ba at sinabi ko naman sa ’yo na hindi mo ako kailangang sunduin?” nahihiyang ani Kristina sa binata na agad namang ngumiti ng napakatamis.

“Ang cute mo kapag nahihiya ka. Hindi ko p’wedeng pabayaang umuwing mag-isa ang girlfriend ko, ano! Halika na’t baka hinihintay ka na nina tita. Inaya ko silang kumain sa labas, e,” dinig niya pang turan ni Max.

Doon ay napaiyak na lang si Leana. Dahil sa kaniyang kayabangan ay nawala tuloy ang lalaking mahal niya at nagkagusto sa iba.

Nang makauwi siya, puno siya ng panghihinayang. Gusto niyang ayusin ang lahat, ngunit alam niyang kailangan niyang magbago. Nagdesisyon si Leana na hindi na muling pahalagahan ang kanyang sarili. Tinanggap niya ang mga aral mula sa karanasan, at nangako sa sarili na maghahanap ng bagong daan patungo sa ikabubuti.

Advertisement