Inday TrendingInday Trending
Inagaw ng Babaeng ito ang Nobyo ng Kaibigan; Ganoon na lang ang Galit Niya Nang Mahuli Silang Magkasama Ulit

Inagaw ng Babaeng ito ang Nobyo ng Kaibigan; Ganoon na lang ang Galit Niya Nang Mahuli Silang Magkasama Ulit

Masayang-masaya si Queenly habang pinanunuod ang kaniyang nobyo na naglilipat ng gamit sa apartment na tinutuluyan niya. Sa wakas ay iniwan na rin nito ang nobya nito para sa kaniya.

Ilang buwan din ang tiniis niya sa pagiging ‘number two’ ng lalaki, dahil noon ay karelasyon nito ang matalik pa man din niyang kaibigang si Charity. Plinano talaga ni Queenly ang sirain sila. Matagal na kasi siyang may itinatagong inggit sa kaibigan, dahil halos narito na ang lahat. Maganda ang buhay nito kasama ang kaniyang pamilyang mahal na mahal siya, matalino ito, sexy at panlaban sa beauty contests ang ganda! Bukod doon ay halos perpekto na rin ang relasyon nito sa boyfriend nito noong si Roy, ngunit nakakita ng butas si Queenly sa relasyon ng dalawa…

Dahil nga lumaki sa relihiyosong pamilya si Charity ay hindi nito nagawang ibigay ang sarili kay Roy. Naniniwala kasi ito sa makalumang kasabihan na mas maigi pa ring maging isa ang dalawang taong nagmamahalan kapag mayroon na silang basbas ng Diyos. Dahil doon ay nakuha ni Queenly ang kakulangang hinahanap ni Roy, na kaya naman niyang ibigay sa binata. Ginamit niya ang sariling katawan upang akitin ito na dahilan kung bakit naghiwalalay naman ngayon ang magkasintahan.

“Sa wakas, Roy, hindi mo na ako kailangang itago. Hiwalay na kayo ni Charity,” masayang sambit ni Queenly sa nobyo, na mabilis namang nagpasimangot kay Roy.

“T-tungkol d’yan, babe, hindi pa pala natin p’wedeng i-public ang relasyon natin dahil hanggang ngayon ay si Charity pa rin ang gusto ni mama para sa akin,” sagot naman ni Roy.

Napasimangot si Queenly at napahalukipkip. Hindi pa rin pala siya makakaalis sa anino ng dating kaibigan. “Gawan mo ng paraan, Roy! Ayaw ko nang magtago! Gusto ko nang isiwalat sa lahat na boyfriend na kita!” naiinis namang sagot niya.

Inalo siya ni Roy nang araw na ’yon at mabilis naman silang nagkabati. Ngunit simula noon ay lagi na nilang pinagtatalunan ang tungkol doon dahil hindi siya magawang ipakilala ng lalaki sa mga magulang nito, sa takot na hanapin lamang nila si Charity.

Walang kapayapaan ang naging pagsasama nina Roy at Queenly, dahil natatakot si Queenly na maranasan niya at gawin din sa kaniya ni Roy ang ginawa nila kay Charity. Sa ilang buwan nilang pagsasama ay nabuhay silang palagi na lang pinag-aawayan ang mga bagay tungkol sa nakaraan ni Roy at Charity!

Dahil doon ay unti-unting lumayo ang loob nila sa isa’t isa at tila pareho silang nawalan ng gana sa kanilang relasyon. Hanggang isang araw…

Naglalakad si Queenly nang tanghaling ’yon sa tapat ng isang mamahaling restawran sa mall kung saan napag-usapan nilang magkikita ng kaniyang mga kaibigan, ngunit nang mapalingon siya sa nasabing kainan, ay ganoon na lang ang gulat niya nang makita sa loob si Roy na kumakain kasama si Charity!

Halos umusok ang ilong ni Queenly sa nakita. Agad na nabuo sa kaniyang isip ang ideyang niloloko siya ni Roy at Charity!

Dahil doon ay hindi na nag-isip pa si Queenly at hinayaan niyang pangunahan siya ng galit. Pumasok siya sa nasabing restawran at bigla-bigla na lamang niyang sinugod si Charity!

“Malandi kang babae ka! Ahas ka! Sinasabi ko na nga ba at binabalak mong makipagbalikan kay Roy! Ano, gusto mong gumanti? Kakalbuhin muna kita bago mo siya ulit makuha sa akin!” pag-eeskandalo ni Queenly. Agad naman siyang inawat ni Roy ngunit talagang nagpumilit siyang abuton ang buhok ni Charity upang sabunutan ito.

“Wala kang karapatang saktan ako, Queenly! Wala akong ginagawang masama! Si Roy ang nagpapunta sa akin dito, dahil may gusto raw siyang sabihin! Wala akong kasalanan sa ’yo. Hindi tayo magkatulad. Mang-aagaw ka, at ako’y hindi. Hindi ako bababa sa lebel mo para lang makaganti sa ’yo!” sagot sa kaniya ni Charity kaya lalo pang nagalig si Queenly.

Maya-maya pa ay napikon na sa ginagawa niya si Roy. Bigla itong sumigaw.

“Queenly, ano ba? Tama na! Ako ang nagpapunta kay Charity dito dahil gusto kong magkaroon na kami ng closure, para maging maayos na sa wakas ang pagsasama nating dalawa!” galit na sabi sa kaniya ng binata. “Pero sa ginagawa mong ’to, pinatutunayan mo lang sa akin na nagkamali nga akong pinili kita. Ikaw ang nang-agaw, Queenly, hindi si Charity! At ako naman ang tangang kumagat sa mga pang-aagaw mo. Nagpaagaw ako sa ’yo at nakakapagsisi ’yon!” dagdag pa ng binata at doon ay natigilan si Queenly.

Para siyang biglang natauhan nang sabihin mismo ni Roy sa kaniyang mukha na nagsisisi itong naging sila. Pakiramdam niya ay isa siyang malaking kahihiyan para dito, lalo na nang sa pag-uwi nila ng bahay ay bigla itong nag-alsa balutan at iniwan siya! Ngayon ay naranasan na niya ang sakit na ipinaranas niya sa iba. Isang malaking karma ang inabot niya sa pagiging inggitera, lalo pa at ngayon ay nalaman niyang nagdadalantao pala siya!

Advertisement