Nahuli ng Breadwinner na Kuya ang Tunay na Katauhan ng Kaniyang Kapatid; Magugulat Ito sa Kaniyang Gagawin
“Pasensiya ka na, bro, ha? Hindi talaga ako makakauwi ngayong birthday mo. Hayaan mo, padadalhan na lang kita ng pang-party mo para naman makapag-celebrate ka pa rin ng birthday mo kahit wala ako. Imbitahan mo lahat ng kaibigan mo at mag-enjoy ka. Babawi na lang si kuya,” mahabang litanya sa kaniya ng kapatid sa kabilang linya na agad namang nagpalungkot sa mukha ni Edison. Ang buong akala niya talaga ay makakauwi ito ngayon, ngunit hindi pala.
Ganoon pa man ay wala naman siyang magagawa kundi intindihin ang kaniyang kuya, lalo pa at ginagawa naman nito iyon para sa kanilang dalawa. Seaman kasi ang kaniyang Kuya Edward, kaya naman bihira lang silang magkasama. Simula kasi nang maulila sila sa kanilang mga magulang sa magkasunod na taon ay ito na ang umako ng lahat ng responsibilidad sa pag-aalaga sa kaniya. Dahil doon ay napakataas ng respeto ni Edison sa kapatid…ngunit iyon din ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi niya maamin dito ang kaniyang tunay na pagkatao.
“Sige po, kuya. Basta, palagi kang mag-iingat, ha?” sagot na lamang ni Edison sa kapatid bago nila tinapos ang tawag.
Mabilis na sinabi ni Edison sa kaniyang mga kaibigan ang kaniyang nararamdaman. Malungkot siya, dahil hindi uuwi ang kaniyang kuya. Dahil doon ay agad namang nag-isip ng paraan ang kaniyang mga kabarkada upang mapasaya siya.
Isang children’s party ang isinagawa ng kaniyang mga kaibigan sa mismong tahanan nina Edison, nang hindi niya nalalaman. Princess themed ang nasabing party, dahil noon pa man ay pangarap na ni Edison ang maging isang prinsesa, ’tulad ng mga napapanood niyang disney movies!
Si Edison kasi ay may pusong mamon. Sa madaling salita ay isa siyang ‘beki’ ’tulad na rin ng iba pa niyang mga kaibigan, at iyon ang hanggang ngayon ay hindi pa niya nasasabi sa kapatid. Alam niya kasing malaki ang expectations nito sa kaniya at natatakot siyang ma-disappoint ang kaniyang kuya kapag nalaman nitong hindi siya sintigas ng inaakala nito.
Talagang nasurpresa si Edison sa kasiyahang inareglo ng kaniyang mga kaibigan para sa kaniya. Kahit papaano ay naging masaya naman siya nang araw na iyon, kahit pa nga wala ang kaniyang kuya. Ngunit sa kalagitnaan ng kanilang pagsasaya, hindi inaasahan ni Edison…bigla itong dumating! At ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata ng kaniyang Kuya Edward nang madatnan ang kaniyang hitsura!
Naka-gown, naka-makeup at wig, naka-high heels at may maliit pang korona sa kaniyang ulo. Ang buong kabahayan nila ay napupuno ng kulay pink na mga disenyo na animo may isang babaeng debutanteng nace-celebrate ngayon ng kaniyang birthday party!
“K-kuya, m-magpapaliwanag po ako!”
Napatayo agad si Edison sa kaniyang munting tronong kinauupuan. Nanginginig ang kaniyang tuhod at mga kamay at nangingilid na rin ang mga luha sa magkabila niyang mga mata. Malakas ang kalabog ng kaniyang dibdib, at inihanda na niya ang kaniyang sarili sa anumang masakit na salitang sasabihin ng kapatid—ngunit ikinagulat niya ang lumabas sa bibig nito!
“Wow, bunso! Ang ganda mo palang prinsesa!” nakangiting sabi nito na halos magpalaglag sa panga ni Edison, pati na rin ng kaniyang mga kaibigang nagulat din sa biglang pagsulpot ng kaniyang kuya.
“K-kuya, h-hindi ka galit?” takang tanong ni Edison nang sa wakas ay makabawi siya sa pagkabigla.
Mabilis namang umiling ang kaniyang Kuya Edward. “Bakit naman ako magagalit? Ano’ng kasalanan mo?” tanong pa nito.
“K-kuya, beki po ako,” pag-amin ni Edison.
Tumaas ang isang kilay ng kaniyang kuya. “So?”
Napasinghap siya. “I-iyon po ang kasalanan ko, kuya. N-nakakahiya kasi may kapatid kang katulad ko.”
“Tumigil ka nga, Edison. Hangga’t wala kang inaapakang tao, wala kang kasalanan sa akin o sa kahit na sino. Hindi ako nagagalit na beki ka, at matagal ko nang alam ang tungkol d’yan. Magagalit lang ako kapag inalisan mo ng respeto ang sarili mo o ang ibang tao, na sa pagkaalam ko ay hindi mo naman ginawa, kaya ano ang dapat kong ikagalit?”
Napaiyak si Edison sa mga sinabi ng kaniyang kapatid at napatakbo na lang siya papalapit dito upang yumakap. Mabilis naman siyang niyakap nito pabalik bago nito iniabot sa kaniya ang regalo nito…
Isa iyong kwintas na ang disenyo ay maliit na korona ng prinsesa. Isang tanda ng pagmamahal mula sa kaniyang kuya, na alam niyang tinatanggap siya ng buong-buo, ’di ’tulad ng inaakala niya. Pagkatapos ng party ay namasiyal silang dalawa sa paborito nilang lugar at doon ay nag-bonding silang dalawa.