Naaalibadbaran ang Ginang sa Pangit na Bahay na Nasa Tapat ng Magara Niyang Tahanan; Ikagugulat Niya ang Nasa Loob Nito
Bagong salta sa magarang village ang ginang na si Mayla. Bata pa lang siya ay pangarap na niyang tumira sa magandang lugar na iyon ngunit mahirap lang ang kanilang buhay. Mabuti na lang at nakapagtrabaho siya at nakilala niya ang asawang si Jess, isang mayaman na may-ari ng isang printing company. Dahil sa ginoo ay natupad ang kaniyang pangarap.
Perpekto na sana ang lahat kung hindi lang dahil sa pangit na bahay sa tapat mismo ng kanilang tahanan.
“Nakakaalibadbad naman ang itsura ng bahay na ‘yan! Paano nakapagpatayo ng bahay na yari sa pinagtagpi-tagping yero at gamit na kahoy dito sa isang kilala at kapita-pitagang village na ito? At talagang dito pa sa tapat natin!” naiinis na wika ni Mayla.
“Baka naman bahay ‘yan ng mga trabahador dito? Hinayaan na nila dahil nga palaging may ginagawang bahay dito, ‘di ba?” saad ng asawang si Jess.
“Ay, hindi, irereklamo ko ang bahay na ‘yan para maipaalis dito! Hindi ko kayang tingnan ‘yan sa araw-araw. Kaya nga ako tumira sa ganitong uri ng village dahil gusto kong maganda lang lagi ang natatanaw ko. Tapos ay ganiyang bahay lang ang masisilayan ko sa umaga?” pagbubunganga pa ng ginang.
Agad na lumabas si Mayla upang maghanap ng kapitbahay na p’wede niyang makausap tungkol sa katauhan ng nakatira sa bahay na iyon.
“Sa totoo lang ay madalang naming makita ang nakatira riyan. Madalas kasing nasa loob lang ng bahay ang lalaking iyon tapos ay aalis. Wala man lang kaibigan iyon dito sa lugar natin,” saad ng kapitbahay.
“Bakit kaya pinayagan ang pagtatayo ng ganiyang bahay rito? Nakita niyo ba paano ito itinayo?” usisa pa ni Mayla.
“Naku, sa totoo lang ay nakatakip ang lugar na iyan at laging maraming trabahor. Ang akala nga namin ay malaking bahay. Nagulat kami nang tanggalin ang harang ay ganiyan ang itsura ng bahay. Alam ko may nagtanong na sa home owners ng tungkol sa bagay na iyan. Kaya nga kay tagal bago nakahanap ‘yan ng kapitbahay,” wika muli ng ale.
Palaisipan talaga para kay Mayla ang lahat. Inabangan niya nang mabuti ang nakatira sa bahay na iyon upang kaniyang makausap. Ilang araw din siyang naghintay dahil mailap talaga ang may-ari nito.
Hanggang isang araw ay nagulat na lang siya nang biglang lumabas ng bahay na iyon ang may-ari.
“Mukhang binata kaya walang pakialam sa buhay! Humanda sa akin ‘yan at kakausapin ko,” saad ni Mayla.
“Sandali lang naman, Mayla, hayaan mo na siya. Nauna naman siya rito, e! May karapatan siya sa kung ano ang nais niyang ipatayong bahay dahil lupa naman niya ‘yon. Hindi mo alam baka may pinagdadaanan siya,” awat naman ng mister.
“Jess, kung hindi ako kikilos ay parati kong matatanaw mula rito ang pangit na bahay na ‘yan! Hindi ka ba naaasiwa? Kakausapin ko lang naman siya nang sa gayon ay maiayos niya ang bahay niya para alam niyang nakakaperwisyo siya sa paningin ng iba,” aniya.
Hindi na nagpaawat pa si Mayla at lumabas na siya ng bahay upang komprontahin ang lalaki. Hindi na niya napigilan pa ang kaniyang sarili sa labis na inis.
“Mawalang galang na sa iyo, binata. Wala ka ba talagang planong ipaayos ang bahay mo? Kuntento ka na ba sa ganiyan?” bungad ng ginang.
Tumingin ang binata sa kaniyang bahay.
“Ayos naman po ang bahay ko, ginang. Kuntento na po ako,” tugon naman ng binata.
“Ano pa ba ang inaasahan kong isasagot mo? Syempre ang mga kagaya mong batugan at iresponsable ay kuntento na sa ganiyang uri ng pamumuhay. Nakakatawa ka lang dahil sa ganitong lugar mo pa napili talagang magpatayo ng ganiyang kapangit na bahay!” dagdag pa ni Mayla.
“Kung wala na po kayong sasabihin ay p’wede na po ba akong umalis? May kailangan pa po kasi akong puntahan,” wika naman ng binata.
Inis na inis si Mayla sa inasal ng lalaki. Nag-iisip tuloy siya ng ibang paraan para mapaalis ito sa lugar na iyon.
“Bilhin na lang kaya natin ang lupa niya, Jess? Wala namang bilang ang bahay niya dahil sobrang pangit. Bilhin na lang natin nang sa gayon ay mawala na ang problema ko riyan sa pinakapangit niyang bahay!” wika ni Mayla.
“Sa tingin ko ay hindi niya ito ibebenta. Hayaan mo na siya, Mayla. Intindihin na lang natin ang sarili nating buhay. Hindi naman niya tayo inaabala,” saad pa ng ginoo.
Pero desidido si Mayla na paalisin ang binata sa kanilang village upang mawala na rin ang bahay nito sa kanilang tapat. Pumunta siya sa pamunuan ng home owners association at isinumbong n’ya ang binata. Sa mismong tapat ng bahay ng binata ay kinausap niya ang mga ito.
“Hindi bagay ang bahay na ito sa lugar natin. Nakakababa ng dignidad. Kung ako sa inyo ay paaalisin ko ang may-ari nito hanggang hindi niya kayang magpatayo ng bahay na naaayon sa village na ito. Kawawa kaming kapitbahay niya!” wika ni Mayla.
“Ngunit, ginang, wala po tayong magagawa dahil naaprubahan naman ng asosasyon ang disenyo ng kaniyang bahay. Wala naman pong mali dito,” saad ng pamunuan.
“Bulag ba kayo? Hindi n’yo ba nakikita kung gaano kapangit ang bahay na iyan?” sumigaw na si Mayla. Inaawat naman siya ng mister.
Lumabas ang binata sa kaniyang bahay upang malaman kung anong nangyayari. Nagulat siya nang malaman niyang inirereklamo pala siya ng bagong kapitbahay dahil sa lubos na kapangitan ng bahay niya.
“Huminahon kayo, misis, hindi po talaga maaari,” saad ng lalaki.
Ayaw sanang sabihin ng pamunuan ang katotohanan pero napilitan sila dahil sa galit ni Mayla.
“Siya po si Architect Sandro, anak po ng may-ari ng village na ito. Ang kaisa-isang tagapagmana. At hindi po siya basta tambay lang. Kilala po siyang arkitekto at ang bahay na ito ang kaniyang unang plano. Hindi po siya katulad ng nakikita ninyo. Hayaan n’yo pong ilibot ko kayo sa loob,” saad pa ng lalaki.
Nang makapasok sina Mayla at Jessa sa loob ng bahay ay namangha silang makita na ubod pala ito ng ganda. Taliwas sa itsura nito sa labas.
“Ginawa ko ang proyektong ito upang maging inspirasyon sa mga tao. Dapat ay hindi tayo humuhusga sa panlabas na anyo lamang ng isang bagay o tao. Hindi naman importante kung ano ang itsura nito. Ang mahalaga para sa akin ay maganda ang loob nito at komportableng tirahan. Gano’n din dapat pagdating sa saring kalooban ng isang tao,” saad pa ng lalaki.
Napahiya tuloy nang matindi si Mayla. Naisip niyang ginawa ata ang bahay na ito para sa tulad niyang mapanghusga at mapanglait.
Humingi ng tawad si Mayla kay Architect Sandro para sa kaniyang mga inasal at maling nasabi. Mula noon ay nagbago na ang tingin ng ginang sa bahay na iyon. Sa tuwing matatanaw niya ang naturang bahay ay ipinaalala sa kaniya ang malaking aral na kaniyang natutuhan — huwag basta humusga sa panlabas na kaanyuan.