Inasa na ng Pamilya sa Binata ang Lahat ng Gastusin at Responsibilidad; Bandang Huli’y Ito ang Kaniyang Ginawa
“Boyet a-trenta na at hindi ka pa rin nagbibigay ng pambayad ng kuryente? Ano ba talaga ang balak mo? Hinihintay mo pa yatang maputulan tayo bago ka mag-abot! Ang hirap talagang humingi sa’yo ng pera!” sambit ng inang si Nora.
“”Nay, nagbigay na po ako noong nakaraan, ‘di ba? Sabi ko po sa inyo ay kasama na doon ang bayarin sa kuryente. Wala na po akong pera ngayon. Kailangan ko pong magbayad sa supplier para sa kasal namin ni Jecka. Alam n’yo naman ‘yan. Sana’y nagtipid naman kayo,” sagot naman ng binata.
“Alam mo, simula nang magplano kang magpakasal d’yan sa nobya mo ay hindi mo na inintindi ang bahay na ito. Para sabihin ko sa iyo, Boyet, dito ka pa rin nakatira kaya matuto kang makisama! Hindi pa tapos ang responsibilidad mo sa bahay na ito, at hindi ito matatapos kahit na may pamilya ka na! Nagmamalaki ka na riyan, akala mo naman ay ang taas ng naabot mo!” bulyaw pa ng ina.
Walang nagawa si Boyet kung hindi mag-abot sa kaniyang ina.
Malaki na ang inggit ng binata sa kaniyang dalawang nakababatang kapatid. Hindi kasi inoobliga ang mga ito ng ina sa pagbibigay sa bahay. Ang lahat na lang ay tila inasa na sa kaniya. Samantalang ang dalawa niyang kapatid ay walang ginawa kung hindi maglamyerda at magwaldas ng pera.
Nang mabalitaan ng nobyang si Jecka ang nangyaring ito kay Boyet ay hindi na rin niya naiwasan pang maglabas ng hinanakit.
“Hindi naman tama ‘yun, mahal. Bigla tuloy akong kinabahan, baka kapag naikasal na tayo’y palagi natin itong pag-awayan. Sa totoo lang ay naiintindihan ko naman ang pagbibigay mo sa pamilya mo. Pero kaya mo nga pinag-aral ang dalawa mong kapatid para tulungan ka nila sa gastos, ‘di ba? Wala pa rin naman silang pamilya. Sana maunawaan nilang may buhay ka rin,” saad ng dalaga.
“Hindi ko nga alam kung bakit ganito ang nangyayari. Noong isang araw pa ay hindi ko maiwasang sumama ang loob ko. Kinantiyawan ko lang naman ‘yung bunsong kapatid namin dahil bagong sweldo. Ang sabi ko baka manlibre pa siya ng litsong manok. Akalain mo ba namang bulyawan ako ni nanay at sabihan na hindi raw ako makuntento sa kung ano ang nakahain! Sabagay raw at kakarampot kasi ang ibinibigay ko kaya hindi masarap ang ulam namin. Nasaktan ako talaga do’n, mahal. Parang kulang pa ang ginagawa kong sakripisyo para sa kanila,” sambit naman ni Boyet.
“Tapos ay doon mo pa gustong tumira sa inyo para laging may kasama ang nanay mo, at para hindi na hati ang gastos. Siguro ay panahon na para intindihin mo naman ang sarili mo. Lalo na at magpapakasal na tayo. Gagawa na tayo ng sarili nating pamilya, mahal,” saad muli ni Jecka.
Ito na nga ang umaandar sa isip ni Boyet. Nais na sana niyang bumukod dahil alam niyang mahihirapan lang silang mag-asawa kung doon sila titira sa poder ng ina. Pero alam niyang makakarinig na naman siya ng sumbat mula rito.
Humanap ng tyempo si Boyet upang kausapin naman ang kaniyang mga kapatid. Humingi siya ng tulong nang sa gayon ay may kahati na siya sa mga gastusin.
“Kuya, may kailangan rin naman akong bayaran. May nai-swipe pa ako sa credit card ko. Magbibigay na lang ako kapag natapos ko na,” saad ng pangalawang kapatid.
“Ako rin, kuya, may pinaglalaanan ako dahil aalis ang tropa. Hindi p’wedeng hindi ako sumama dahil nagtatrabaho naman ako nang maigi. Regalo ko na ito para sa aking sarili,” wika naman ng bunso.
Napakamot na lang ng ulo ang binata. Siya nga ay hindi man lang magawang bumili ng bagong polo para magtipid. Siya rin ang nagpaaral sa mga ito, ngunit ni pasasalamat ay wala siyang natanggap. Itinuring nilang tunay na niyang responsibilidad ito bilang isang nakatatandang kapatid, habang ang mga kapatid naman niya ay walang habas sa paggasta.
“Sige, kapag nakaluwag na lang kayo,” tanging nasambit ng binata. “Hindi kasi palaging narito ako. Lalo na kapag ikinasal na kami ni Jecka. Kailangan ay maging responsable na rin kayo,” wika pa nito.
Nakarating sa kanilang ina ang balak niyang pagbukod at pagtigil sa pagbibigay ng sustento. Galit na galit ito sa kaniya.
“Iiwan mo na lang ang pamilyang ito matapos kong magkandakuba para makapag-aral ka?” saad ng ginang.
“‘Nay, nakapag-aral po ako dahil nagtrabaho ako at iskolar po ako. Hindi ko naman po kayo pababayaan. Mag-aabot pa rin po ako,” paliwanag ni Boyet.
“Ganoon din ‘yun, Boyet! Bakit kailangan mo pang bumukod? Lalong lalaki ang gastos ninyo. Malaki naman itong bahay at may sarili ka namang kwarto rito. Hindi ako makakapayag! Alam mo tama ako, e, noon pa man nararamdaman ko nang madamot ka talaga. Labag sa kalooban mo ang pagtulong sa pamilyang ito. Parang hindi kita anak!” bulyaw pa ng ginang.
“A-ako pa ang madamot, ‘nay? Buong buhay ko ay nagsisilbi ako sa inyo. Ako na lang palagi. Sinabihan ko lang ang mga kapatid ko na maging responsable ay ganiyan na lang ang galit ninyo sa akin? Sinasabi ninyong naghihirap sila sa trabaho? Pero lahat ng sakripisyo ko ay hindi n’yo nakikita para sa pamilyang ito! Alam mo, ‘nay, maganda sana ang plano namin ni Jecka para sa inyo. Pero tingin ko kailangan ko nang unahin ang sarili ko at ang pamilyang itataguyod ko. Masama na ho akong anak kung sa masama, pero aalis na ako sa bahay na ito! Tapos na pang-aalipin ninyo sa akin!” sambit niya. Hindi na siya nakapagpigil pa.
“Wala kang utang na loob! Masama kang anak at kapatid! Maghirap ka sana sa buhay dahil sa sobrang kadamutan mo. Lumayas ka rito! Akala mo ay kung sino ka na nang dahil sa kakarampot mong ibinibigay. Kaya naming mabuhay nang wala ka!” sigaw pa ng ina sa kaniya.
“Ayon naman pala, ‘nay, kaya hindi nyo na po ako kailangan pa rito,” aniya.
Napaaga ang pag-alis ni Boyet sa bahay na iyon dahil sa pagtatalo nilang mag-ina, pero sa paglabas pa lang niya ng pinto ay parang nabunutan siya ng tinik. Sa unang pagkakataon ay nakaramdam siya ng kalayaan sa buhay.
Nagrenta muna ng bahay si Boyet habang hindi pa sila ikinakasal ni Jecka. Hindi na siya nag-aalala ngayon sa sasabihin pa ng kaniyang ina at mga kapatid. Masakit man ngunit tanggap na niyang hindi na pupunta ang mga ito sa kaniyang kasal.
Sa pamumuhay niya nang mag-isa ay napansin niyang mas mabilis siyang makaipon at makapagpundar ng mga bagay para sa kaniyang sarili. Habang tinatamasa niya ang luwag sa pananalapi ay bigla niyang naalala ang kaniyang pamilya. Nabalitaan niya kasing gipit ang pamumuhay ng mga ito.
“Huwag kang mag-alala, mahal. Tama lang ang ginawa mo para turuan silang mamuhay nang tama. Hindi kasi p’wedeng habambuhay silang nakasandal lang sa iyo. Hindi sila magiging responsable. Ginawa mo naman na ang lahat, mahal, panahon na para sarili mo naman ang unahin mo,” wika ni Jecka.
Ngunit kahit na may alitan at samaan ng loob ay nagbibigay pa rin siya sa kaniyang ina, subalit may halaga lamang na nakalaan para rito.
Dumating ang araw ng kasal nila ng kasintahan at nagulat siya nang makita ang ina at dalawang kapatid. Napaluha siya dahil hindi niya ito inaasahan.
“Kuya, nakalimutan naming magpasalamat sa lahat ng nagawa mo para sa amin. Maraming salamat sa iyo. Patawarin mo kami, a. Pasensya ka na kung nahirapan ka sa amin,” wika ng bunsong kapatid.
“Anak, pasensya ka na rin sa akin kung masasakit ang mga nabitawan kong salita sa iyo. Simula nang umalis ka’y napagtanto kong tama ang sinasabi mo. Patawad sa lahat ng pagkukulang ko bilang ina. Masaya akong ibalita sa iyo na ayos na kami ng mga kapatid mo. Naghahati-hati na kami sa mga gastusin sa bahay. Responsable na rin kami sa paghawak ng pera kaya hindi mo na kami kailangan pang alalahanin. Intindihin mo na lang ang iyong sarili at itong mapapangasawa mo. Hangad kong maging maayos ang inyong pamilya,” maluha-luhang sambit ng kaniyang una.
Patuloy ang pag-agos ng luha ni Boyet dahil sa kaligayahan. Hindi niya inaasahan na dadating ang araw na ito na muli silang magsasama-sama bilang isang pamilya. At sa pagkakataong ito’y mas maganda na ang kanilang sitwasyon dahil nagkapatawaran at nagkaroon na sila ng pang-unawa sa isa’t isa.