Inday TrendingInday Trending
Kakaiba ang Naramdaman ng Ginang nang Magtagpo Sila ng Isang Bata sa Parke; Babaguhin Nila ang Buhay ng Isa’t Isa

Kakaiba ang Naramdaman ng Ginang nang Magtagpo Sila ng Isang Bata sa Parke; Babaguhin Nila ang Buhay ng Isa’t Isa

Hindi na alam ni Susie kung paano ngingiti simula nang kunin ng Panginoon ang kaniyang nag-iisang anak nang maaksidente ito sa dagat. Ito rin ang naging ugat ng hiwalayan nila ng kaniyang mister.

Ngayon ay mag-isa na lang na siyang nabubuhay. Mas pinili niyang dumistansya muna sa mga kamag-anak at kaibigan upang mapagtagumpayan ang pinagdadaanan niyang ito.

Nang araw na iyon ay nakaplano na siyang pumunta sa parke kung saan palagi niyang dinadala ang anak na si Lalie. Naupo siya sa ilalim ng puno at doon ay inalala niya ang mga panahong magkasama at naglalaro silang mag-ina.

Napaluha siya nang maalalang hindi na ulit ito mangyayari.

Patuloy ang pag-agos ng kaniyang luha nang biglang may isang bata nasa dalawang taong gulang ang lumapit sa kaniya. Bigla siyang niyakap nito at ngumiti.

Gulat na gulat siya. Muli kasi niyang naramdaman ang higpit ng yakap ni Lalie.

“Gusto mo ng biskwit, baby? Nasaan ang nanay mo?” tanong niya sa bata.

Naghahanda siya ng pagkaing p’wedeng ibigay sa bata ngunit bigla na lang dumating ang ina nito at galit na galit.

“Nakakainis ka talagang bata ka! Nahilo na ako kakahanap sa iyo! Dapat talaga ay hindi ka na isinama rito, e! Sinabi nang ‘wag kang lalayo, ‘di ba?” sigaw ng ginang sabay hablot sa bata.

“Sandali lang naman, ginang. Nasasaktan ang baby mo. Hindi mo naman siya dapat na pagalitan ng ganiyan. Wala pa atang tatlong taon ang batang ito. Hindi pa niya alam ang ginagawa niya. Ikaw itong dapat na nagbabantay sa kaniya.”

“Huwag kang makialam dito dahil anak ko itong batang ito. Kung ano ang pagdidisiplinang gusto kong gawin ay wala ka na d’on! Saka sa itsura mo’y wala ka namang alam sa pagpapalaki ng anak!” sagot ng ginang sa kaniya.

Natigilan siya dahil naalala niya ang anak niya. Para sa kaniya’y may punto ang ginang. Nawala si Lalie nang siya ang nag-aalaga at napalingat lang siya sandali.

“Sinasabi ko lang naman ay pagsabihan mo siya nang maayos. Huwag mo siyang saktan. Dapat nga ay mas masaya ka dahil nakita mo na siya. Kawawa naman kung sasaktan mo. Paano na lang kung napahamak siya dahil hindi mo siya binabantayan? Maswerte ka at dito siya napadpad,” aniya.

“Manahimik ka na nga at wala kang alam sa relasyon naming mag-ina! Diyan ka na at ako na ang bahala sa anak ko!” anito, nakakunot pa ang kilay habang hinihila palayo ang anak.

Muling niyang naalala ang yakap na ibinigay sa kaniya ng bata. Matagal na niyang hindi nararanasan ang pakiramdam na iyon. Sa ilang segundo na iyon ay napuno ang kaniyang puso ng pagmamahal na hindi na niya nararanasan.

Buong gabi niyang inisip ang tagpong iyon. Hindi niya maiwasan ang mangiti. Kaya naman kinabukasan ay nagbalik siya sa parke. Umaasa na makita muli niya ang bata. Araw-araw siyang bumabalik sa lugar na iyon at nagbabakasakali.

Nang malaman ito ng kaniyang ina ay labis itong nag-alala.

“Hindi mo p’wedeng hanapin si Lalie sa batang iyon, Susie. Anak siya ng iba. Pabayaan mo na siya! Lalo ka lang mahihirapan na mag move on,” saad ng ina.

“Pero, ‘ma, may naramdaman akong koneksyon sa kaniya na para bang pinag-adya ng tadhana na magkita kami,” tugon niya sa ina.

“At ano ang gagawin mo kapag nagkita kayo ulit? Hindi mo kilala ang pamilya ng batang iyon! Hindi mo p’wedeng isawsaw ang sarili mo sa kanila. Tigilan mo na ‘yan, Susie. Mahihirapan ka lang lalo,” paalala pa ng ginang.

Subalit matigas talaga ang ulo niya at nagbalik pa rin siya sa parke. Hindi rin niya maintindihan pero iba kasi talaga ang kaniyang nararamdaman tungkol sa bata.

Maya-maya ay muli niyang natanaw ang bata. Umabot sa tenga ang kaniyang ngiti. Lalapitan na niya sana ito kaya lang ay hinila muli ito ng ina. Ngunit sa pagkakataong ito ay parang kinutuban siya ng masama. Lalo na nang makita niya ang lalaking kausap ng ginang. Tahimik siyang lumapit at nakinig sa usapan ng mga ito. Doon ay napag-alaman niyang nagpaplano pala ang dalawa na ibenta sa sind!kato ang bata.

Hindi na niya napigilang mangialam.

“Kung kailangan ninyo ng pera ay marami ako niyan. A-ako na ang bahala sa bata. Ibigay n’yo na lang siya sa akin kung ayaw n’yo na sa kaniya,” pagsingit niya sa usapan ng dalawa.

“Paano namin malalaman na marami ka talagang pera? Makakapagbigay ka ba sa akin ng isang daang libo, ngayon na?” saad ng ina ng bata.

“Oo! Makakapagbigay ako. Hintayin n’yo ako rito at kukuha lang ako sa bangko ng pera na kailangan ninyo. Kahit doblehin ko pa ‘yan!” sagot niya.

Pabor ito para sa mag-asawa. Kaya imbes na ibenta sa iba ang anak ay kay Susie na lang nila ito ibibigay.

Kinakabahan siya habang nagwi-withdraw ng pera sa bangko. Sa pagkakataong ito ay hindi na niya alam kung tama o mali ang ginagawa. Basta para sa kaniya’y nais niyang tulungan ang bata.

Pagkatapos ay inabot niya sa mga magulang nito ang pera, at inabot naman sa kaniya ang bata.

“Gawan mo kami ng pabor. Huwag mo nang ipakita sa amin ang batang iyan! Ayaw na naming mahirapan muli!” sambit pa ng ginang.

Paghawak pa lang niya sa bata ay parang naramdaman na niya si Lalie. Sa pangalawang pagkakataon ay naramdaman niyang maging ina muli.

Agad niyang tinawagan ang kaniyang abogado upang ayusin ang mga papeles sa legal niyang pag-aampon dito.

Nang malaman ng kaniyang ina ang nangyari ay labis itong nagalit sa kaniya, pero wala na siyang pakialam pa dahil ang tanging nais niya ay mailigtas ang bata.

Sa wakas, matapos ang paghihintay ay naging legal na rin ang pag-aampon niya sa bata at p’wede na niya itong dalhin sa Amerika – doon na sila maninirahan.

Nais niyang magsimula sila ng bagong buhay doon. Ang lahat ng pagmamahal na para sana kay Lalie ay ibinuhos niya sa bago niyang anak na si Sophie. Dahil sa bata ay tuluyan na siyang nakaalpas sa kaniyang pinagdaraanan.

“Unang kita ko pa lang sa iyo, anak, ay naramdaman ko na ang koneksyon natin sa isa’t isa. Parang lukso ng dugo. Maraming salamat sa iyo dahil muli mong ipinaramdam sa akin kung paano ang maging masaya at maging isang ina. Tandaan mo na habambuhay akong narito sa iyong tabi at hindi kita pababayaan kahit kailan,” aniya habang yakap yakap ang bata.

Advertisement