Takot ang Babae na Aminin sa mga Kaibigan na Wala Siyang Kakayahang Magsilang; Nagpanggap pa Siyang Ina Para Makubli ang Katotohanan
Ikinahihiya ni Ariane ang sitwasyon kinabibilangan nila ng kaniyang asawa. Sa loob kasi ng halos limang taong pagsasama nila bilang mag-asawa sa iisang bahay, hanggang ngayon ay wala pa rin silang mabuong bata dahil sa sakit na mayroon siya.
Kahit gustong-gusto na niyang magkaroon ng anak, katulad ng ginagawa ng mga kaibigan nilang mag-asawa noong sila’y nasa kolehiyo, hindi nila ito magawa dahil nga kahit anong dasal nila, hindi talaga sila binibiyayaan ng anak.
Ang katotohanang ito ay pilit niyang ikinukubli dahil bukod sa ayaw niyang mapahiya siya sa kanilang mga kaibigan, ayaw niya ring kaawaan siya ng mga ito. Pakiramdam niya kasi ay kabawasan sa kaniyang pagkababae ang kawalan niya ng abilidad na magbuntis.
Sa katunayan, sa labis na kagustuhan niyang itago ang sitwasyon nilang ito ng kaniyang asawa ay nagdesisyon silang manirahan sa probinsya.
Pilit man itong tinutulan ng asawa niya noon dahil katwiran nito’y hindi naman nila ginusto ang problemang iyon at walang dapat ikahiya sa hindi pagkakaroon ng anak, nagpumilit pa rin siya para maproteksyunan ang sarili mula sa mga panghuhusga ng iba.
Kaya lang, nitong mga nakaraang araw, nabalitaan niyang nais magkaroon ng kanilang mga kaibigan ng isang reunion. Kinabahan tuloy siya.
“Huwag na lang tayong dumalo, ha, ayokong kaawaan, pagtawanan o husgahan lang nila ang pagkababae ko sa pagdiriwang na iyon,” sambit niya nang makatanggap na sila ng imbitasyon sa naturang pagdiriwang.
“Mahal, kung hindi tayo dadalo, tayo lang ang wala roon. Sige na, kahit ngayon lang, ako naman ang pagbigyan mo. Matagal ko na ring hindi nakakasama ang mga kaibigan natin, eh. Tiyak naman kapag nalaman nilang may sakit ka kaya hindi tayo magkaanak, hindi ka naman nila huhusgahan. Mga kaibigan natin sila, mahal, hindi nila magagawa ‘yon sa’yo,” pagmamakaawa nito. Sa huli’y napapayag na rin naman siya nito.
Gayunpaman, hindi pa rin siya komportable na magpakita sa mga kaibigan na wala silang anak. Dito na siya napag-isip ng isang paraan upang hindi siya mapahiya sa harap ng mga ito.
“Ano? Hihiram tayo ng bata sa bahay-ampunan para pagpanggapin na anak natin?” gulat na sabi ng kaniyang asawa nang malaman ang kaniyang plano.
“Oo, kung hindi ka papayag, hindi na lang ako pupunta. Ikaw na lang ang dumalo roon,” panakot niya rito kaya wala na itong nagawa kung hindi ang sumang-ayon sa kaniya.
Oramismo, sila’y nagtungo sa pinakamalapit na bahay-ampunan upang humiram ng isang bata sa loob ng isang linggo nilang pagluwas sa Maynila na talagang ikinataba ng puso niya. Nakahawak siya ng isang bata sa unang pagkakataon.
Katulad ng balak niya, ito nga ang pinakilala niyang kanilang anak sa mga kaibigan nila nang sila’y magkita-kita na sa isang hotel sa Maynila. Tuwang-tuwa ang mga ito sa kagwapuhan ng bata. Bibong bibo pa ito at talagang napaka-kyut.
Hindi rin siya pinahirapan ng batang ito tuwing gabi dahil mabilis itong makatulog, lalo na kapag ito’y nakahiga sa kaniyang dibdib.
Isang umaga sa naturang hotel, habang abala ang lahat sa paghahanda ng kanilang kakainin sa tabi ng pool, hindi niya maiwasang mapangiti nang makita niyang masayang inilalangoy ng kaniyang asawa ang naturang bata.
“Maaari rin pala kaming maging magulang kahit hindi sa akin lumabas ang bata,” bulong niya sa sarili, na hindi niya inasahang maririnig pala ng isa sa kanilang mga kaibigan.
“Sino bang nagsabing hindi, Ariane? Hindi naman porque hindi ka makapagsilang ng bata, wala ka nang karapatang maging isang ina,” sabat nito na ikinagulat niya.
“Pa-paano mo nalaman?” uutal-utal niyang tanong.
“Diyos ko, Ariane! Kaibigan mo kami kaya alam namin ang lahat tungkol sa’yo kahit lumayo ka pa ng tirahan. Ikaw lang, eh, wala kang tiwala sa amin. Hindi ka namin kayang husgahan o ibaba, ‘no!” tawang-tawa sagot nito saka kinurot ang kaniyang pisngi.
“Oo nga, Ariane! Halika nga rito! Ang tagal-tagal mo nang sinasarili ‘yang problema mo,” sabat pa ng isa nilang kaibigan saka siya mariing niyakap ng mga ito.
Dahil sa pangyayaring iyon, nakahanap na siya ng daan para maging totoo na siya sa kaniyang mga kaibigan, naranasan niya pang maging isang ina.
At dahil nga napamahal na rin siya sa bata, ginawa na nilang legal ang pag-aampon dito. Tingin nila ay iyon na nga ata ang pinakatamang desisyon na nagawa nilang mag-asawa. Hindi man galing sa sinapupunan niya ang bata, alam niyang regalo ito ng Diyos sa kanila – na siyang habambuhay nilang mamahalin at aalagaan hanggang sa huling hininga nilang mag-asawa.